/0/20650/coverbig.jpg?v=38e0444b8bbb6d673e798850202765c3)
Sabado ng hatinggabi sa Home for Mental Help, habang nasa sariling silid si Shelvin ay mayroon siyang naalala -- si Alfredo Lanora. Naging mabuting kaibigan niya ito dahil lagi niya itong nakakausap kapag dinadalaw niya si Laura sa jewelry store noon. Ang mga tagpong iyon ay bumalik sa kaniyang isipan...
"Sir, dinadalaw mo uli si Miss Laura? Talagang in love ka sa kaniya, ah," birong-totoo sa kaniya noon ni Alfredo.
"Oo, hindi ko nga akalain na sasagutin niya ako, eh. Happy-go-lucky kasi ako. Samantalang si Laura, matalino at may mataas na katungkulan," nahihiya niyang sagot.
"Eh, sir, ano pang hahanapin niya sa inyo? Gwapo na, mabait pa... at halata namang sincere kayo sa kaniya."
"Ikaw naman, oh, binobola mo pa ako, Mr. Lanora."
"Naku, sir, hindi naman. Totoo lahat ng sinabi ko, maniwala kayo, sir."
"Salamat, Mr. Lanora. At p'wede ba, 'wag mo na akong tawaging 'sir'? Shelvin na lang tutal hindi mo naman ako amo, e. Ni hindi pa nga ako nag-oopisina sa company, paano, 'di pa ako pinagkakatiwalaan ni Papa."
"Naku, sir, hindi po p'wede 'yon dahil kayo po ang future president namin. Maaaring sa ngayon ay hindi pa kayo ang opisyal na amo namin pero doon din ang tungo no'n, sir."
"Sige, magagalit na talaga ko sa'yo, Mr. Lanora, 'pag tinawag mo pa uli akong 'sir.'"
"O sige po, sir--este, Shelvin... Alfredo o Fred na lang din ang itawag mo sa akin kasi mas magaan sa pandinig 'yon kaysa Mr. Lanora. Nakakatanda lang lalo."
"Ayos, Fred..." Inilahad ni Shelvin ang palad.
"Shelvin." Nakipagkamay naman sa kaniya si Alfredo.
Doon nagsimula ang pagkakaibigan nilang dalawa. May pagkakataon sadyang sinasalinan siya ni Alfredo ng mga kaalaman tungkol sa pamamalakad nito sa naturang shop. Boring talaga para sa kaniya ang usaping business, ngunit nagagawa nitong kunin ang kaniyang interes.
"Ang jewelry business, personal ito, Shelvin," minsan ay turo ni Alfredo sa kaniya. Ngayon, bigla ay naisip niya, tila isang babala ang mga kasunod nitong sinabi: "Ang customers natin, ipagpalagay mong sila ay ikaw o 'di kaya'y ang taong napupusuan mo. Ang siste, hindi sa kung ano sa tingin mo ang maganda sa mga alahas, kundi kung ano'ng uri ng disenyo at bato ang babagay sa pagkatao ng pagbibigyan nito. Iyon kasi ang sukatan ng totoong halaga at hindi ang presyo. Kaya ngayon pa lang..." Tinapik-tapik pa siya nito sa balikat na tila isang nakatatandang kapatid na nagpapalakas ng kaniyang loob. "Kasama ang puso, dapat lang na hasain mo ang 'yong kakayahan sa pag-uri at pagkilatis. Iyan ang magiging armas mo."
Dahil kay Fred ay nagkaroon siya ng pangarap. Nais din niyang maging tulad nito. Mabait na boss, matalinong empleyado, maaasahang kaibigan, at kahit hindi man niya nakilala nang personal ang kapatid nito ay batid niyang isa itong mabuting kuya. Ulila na sina Fred kaya naman ito na ang nagtaguyod sa kapatid nitong babae. Napakabuting tao nito kaya naman nabigla siya nang ito ang ituro na utak ng pagnanakaw sa jewelry store nila.
"Papa, naniniwala po akong walang kasalanan si Fred," iyon agad ang sinabi niya sa ama.
"Naaawa rin ako sa kaniya, Shelvin. At ako man ay hindi makapaniwala sa nangyari pero lahat ng ebidensiya ay idinidiin siya. Hindi ko maaaring iurong ang kasong ito dahil sa awa, napakalaking kayamanan ang nawala sa atin. Sana'y maintindihan mo ako, anak. Ngunit wala akong tutol kung gusto mong tulungan ang kaibigan mo. Malapit din sa puso ko ang batang iyon, kaya hanggang ngayon ay umaasa akong lumabas ang katotohanan na hindi si Alfredo ang may sala," pahayag ng Don.
"Salamat, Papa."
Nang araw ring iyon, agad na tinawagan ni Shelvin si Laura para hanapan ng magaling na abogado si Alfredo.
Nabigla na lang si Shelvin isang araw nang mabalitaan mula kina Laura at Atty. Sales na nabaliw ang kaibigan. Noon ay nasa abroad na siya para mag-aral. Hindi man niya gustong umalis noon ngunit matagal nang itinakda ng Don ang kaniyang pag-aaral.
At pagkalipas ng tatlong taon, sa kaniyang pagbabalik ay ito na nga ang kinahinatnan niya.
"Kung kaya ko lang ibalik ang panahon, sana nailigtas kita, Fred," malungkot na bulong ni Shelvin sa sarili. Sa pagpikit ng kaniyang mga mata, kusang tumulo ang kaniyang mga luha.
***
Masaya si Pearl nang umagang iyon. Sabi ni Dr. Miron, kumalma na si Shelvin kaya balik na uli siya sa dating trabaho bilang personal nurse nito. Sa loob ng isang linggo na hindi niya ito nakikita, hindi niya maipaliwanag ang lungkot na nadarama. Na-miss niya si Shelvin. Masyado yata siyang naapektuhan sa huli nilang pag-uusap at nadagdagan pa iyon nang mapanood niya ito sa monitor nang dumalaw si Ricardo. Naaawa siya kay Shelvin.
"Tama, naaawa lang ako sa kaniya dahil pareho kaming biktima," nasabi niya sa sarili.
"Good morning, Shelvin," bati niya saka ibinaba sa table ang tray ng tubig at gamot. "Nag-breakfast ka na raw sabi ni Doc kaya dinalhan na kita ng gamot."
"Good to see your smile, Miss Cutie," tugon ni Shelvin na nakaupo sa couch. "Na-miss kita."
Napangiti si Pearl sa sinabing iyon ni Shelvin. "Talaga?"
"Promise." Itinaas pa nito ang kanang palad bilang pagsumpa.
"May sasabihin ako sa 'yo, Shelvin." Saka naupo si Pearl sa tabi nito. "I missed you, too." Teka, tama bang sabihin ko iyon! saway ng isip niya. Pero huli na, nasabi na niya iyon at hindi na mababawi pa.
"Really? So, don't I deserve a kiss?"
Bumilis ang tibok ng puso ni Pearl dahil sa kahilingan ni Shelvin. May sakit sa pag-iisip ang kausap niya kaya medyo natatakot pa rin siya rito kahit na magkasundo na sila. Pero naalala niya ang sinabi ni Dr. Miron na hindi siya dapat magpakita ng takot sa kaniyang pasyente. Kaya sinalubong niya ang tingin ni Shelvin at saka sumagot, "Sige, pero ako ang ki-kiss sa 'yo."
Iniusli ni Shelvin ang pisngi na handa nang magpahalik sa kaniya. Inilapit naman ni Pearl ang mukha rito upang igawad ang pangakong halik, nang pagdaka'y kumilos ito paharap sa kaniya at sinalubong ng mga labi nito ang labi niya.
Napasinghap si Pearl at natilihan. Ito ang kaniyang first kiss! Hindi na siya makabalikwas pa dahil sinapo ni Shelvin ang magkabila niyang pisngi habang masuyo nitong tinitikman ang kaniyang mga labi. Pigil niya ang paghinga. Kasabay ng nakadadarang na sensasyong dulot ng mainit na halik na iyon ay ang paggapang ng kuryente sa kaniyang kaibuturan. Unti-unti siyang napapikit.
Naramdaman ni Shelvin ang pagkapit ni Pearl sa kaniyang batok habang buong puso nitong tinatanggap ang mga halik niya.
Pinababayaan niya akong halikan siya... kahit alam niyang baliw ako? Maaari kayang 'di lang awa ang nadarama niya para sa 'kin? Is it possible for her to love an insane like me? nasabi ni Shelvin sa sarili.
Ilang sandali pa, dama ni Shelvin na hindi lang basta tinatanggap ni Pearl ang kaniyang mga halik, unti-unti nang kumikilos ang malambot nitong mga labi upang tugunin siya.
Binuhay niyon ang pagnanais ni Shelvin na palalimin at paigtingin pa ang ginagawang pagsuyo kay Pearl. Nais niya itong yakapin, yapusin, at angkinin.
Angkinin? Napadilat si Shelvin at bago pa siya tuluyang mawalan ng kontol ay mabilis na siyang bumitiw.
Nahimasmasan si Pearl nang huminto si Shelvin. Narinig pa niya ang mahina nitong pag-ungol bago bumitiw sa kaniya.
Oh, my, what have I done? I let my patient to kiss me? Ako na yata ang baliw! sigaw ng isipan ni Pearl habang nahihiyang tumingin nang tuwid kay Shelvin.
"A...a...aalis na muna 'ko..." litong sabi niya.
"Wait," pigil ni Shelvin. "Iiwan mo na'ko? Natatakot ka ba sa akin?"
"No, Shelvin, of course not. But I really have to go." Hindi ako natatakot sa 'yo kundi sa sarili ko. Natatakot ako na tuluyan akong umibig sa 'yo, Shelvin, which is wrong... nais sana niyang isatinig. Ngunit hindi niya maaaring sabihin iyon.
"Kakarating mo lang, aalis ka na agad? Hindi ba, papainumin mo pa ako ng gamot?"
"A... oo naman. Inumin mo muna ang gamot mo bago ako umalis." Kinuha ni Pearl ang gamot ngunit natabig niya ang baso ng tubig.
"Miss Cutie, ayos ka lang ba?" Akmang lalapit sa kaniya si Shelvin pero sinenyasan niya ito na huwag nang lumapit.
"Ayos lang ako, Shelvin, d'yan ka lang." Sinalinan niya muli ng tubig ang baso. Namalayan na lang niyang nasa tabi na pala niya si Shelvin at inalalayan nito ang bahagyang nanginginig niyang kamay dahil sa tensyon.
Matapos makainom ng gamot ni Shelvin ay nagmamadali nang inayos ni Pearl ang tray at umaktong lalakad patungo sa pintuan.
"Wait..." habol ni Shelvin sabay maagap na hinawakan sa braso si Pearl, hinablot ang tray mula rito saka ibinalik sa table.
Hindi inaasahan ni Pearl ang sumunod na ginawa ni Shelvin. Kinabig siya nito at mahigpit na niyakap.
"I'm sorry, Pearl," bulong nito sa kaniyang tenga.
Dama at dinig ni Pearl ang malakas na pagtambol ng dibdib – ngunit hindi niya masiguro kung iyon ba ay mula sa kaniya o kay Shelvin.
"Last time, nasigawan kita at alam kong natakot ka," patuloy nito sa paos na tinig. "Believe me, it wasn't my intention to scare you. Please forgive me, Pearl. I won't do that again. Never."