Chapter 2 TFB-I

Habang nagliligpit ng bahay, napatingin si Pearl sa kalendaryo. Tatlong taon na ang matuling lumipas, ngunit sariwa pa rin ang sugat na nagbibigay-dusa sa kaniya. Hindi nga siguro kayang gamutin ng nagdaang panahon ang sakit na kinikimkim niya sa kaniyang dibdib. Paano nga ba malalampasan ang pangyayaring walang malinaw na katapusan?

"Isang bagay lang ang tatandaan mo, Pearl. Hindi totoo ang ibinibintang nila sa akin kaya mapapawalang-sala rin ako. 'Wag ka nang mag-alala dahil may mga tumutulong sa akin at hindi nila ako pababayaan. Kaya ang gusto ko, bumalik ka na sa dorm mo at mag-aral ka. 'Wag mong sayangin ang oras at panahon mo rito. Maliwanag?"

Hinding-hindi malilimutan ni Pearl ang tagpong iyon -- ang ikatlo at huli niyang pagdalaw sa kuya niyang nakaditine sa kulungan. Anong klase siyang kapatid? Hindi niya dapat pinabayaan ang Kuya Fred niya. Dapat naging matapang siya at hindi inasa sa iba ang pag-asikaso rito. Hindi siya dapat naging kampante sa mga sinabi nito nang hindi man lang direktang kinakausap si Shelvin Villagracia -- ang taong tumutulong daw sa kuya niya.

Ang sabi ni Alfredo sa huli nilang pag-uusap, may solusyon na ang abogado nitong si Atty. Sales. Palalabasing baliw ito at pagkatapos ay palalayain din.

"Kaya wala kang dapat ipag-alala, Pearl. Mabuting tao si Shelvin. Hinding-hindi niya ako pababayaan."

Masyado siyang naging panatag sa sinabing iyon ng kapatid. Dapat noong nabalitaan niyang umalis ng bansa si Shelvin Villagracia ay naghinala na siyang mayroong hindi tama sa mga nagaganap. Noon pa lang, dapat ay naisip na niyang hindi totoong pinaaasikaso nito ang kaso ng kuya niya. Bakit nga naman nito tutulungan ang kapatid niya kung ang mismong nagsampa ng kaso laban kay Alfredo ay ang ama ni Shelvin na si Don Marco Villagracia? Kasi nga, nagtanga-tangahan siya. O marahil ay naduwag siya na akuin ang responsibilidad dahil mahina siya.

Natuloy nga ang plano. Pinadala sa Home for Mental Help ang Kuya Fred niya, ngunit hindi na ito nakalaya. Noon pa lang siya kumilos. Sinubukan niyang kausapin si Dr. Juan Sixto Miron, ang direktor ng ospital ngunit hindi siya nito hinaharap. Ayaw rin siyang papasukin o padalawin ng mga bantay. Maging sina Laura at Atty. Sales na minsan niya lang nakausap ay pinagtaguan na siya.

Hanggang isang araw, nabalitaan na lang niyang nagtatrabaho na pala sa kompanya ng mga Villagracia si Atty. Sales. Hindi na niya alam ang nangyayari nang mga panahong iyon. Sino ang makatutulong sa kaniya?

Sa lumipas na tatlong taon, hindi pa man naghihilom ang sugat sa kaniyang dibdib ay muli itong nanariwa dahil sa nakabibiglang balita kamakailan lang. Bumagsak ang personal plane ng mag-asawang Villagracia na ikinasawi ng mga ito. Umuwi naman ng Pilipinas si Shelvin Villagracia, at ayon sa bali-balita, hindi nito kinaya ang depresyon kaya nabaliw ito.

Nakakagulat man ang mga pangyayari ay gustong isipin ni Pearl na ganti iyon ng tadhana para sa hinahanap niyang hustisya. Ganunpaman, hindi pa rin niyon maibabalik ang nasirang buhay ng kaniyang kapatid. Pero umaasa pa rin siya sa himala ng langit.

Sunod-sunod na pagkatok sa pinto ang umagaw ng atensyon ni Pearl.

"Sino 'yan?"

"Miss Pearl Lanora," tawag ng boses ng isang lalaki. Bahagya iyong basag na malalim. Sa timbre nito ay mukhang may-edad na ang may-ari ng tinig.

Binuksan niya ang pinto. Natilihan si Pearl nang mapagsino ang hindi inaasahang bisita. "Doctor Miron?"

Lutang ang pakiramdam ni Pearl.

Tila wala siya sa wisyo mula simula hanggang sa matapos niyang makausap ang doktor. Sumaglit lang ito upang iwan sa kaniya ang isang alok na hindi niya matatanggihan:

"Magtrabaho ka sa ospital bilang personal nurse ni Shelvin Villagracia at kapalit no'n ay lihim kong ilalabas ang kuya mo."

***

Villagracia Mansion...

"Sino kayo?" asik ni Shelvin sa mga lalaking nakaputi na pumasok sa kaniyang silid. "Bitiwan n'yo 'ko!" sigaw niya habang umiiwas sa straightjacket na pilit isinusuot sa kaniya ng dalawang lalaki.

"Calm down, Shelvin." Ang tinig ay mula sa lalaking naka-amerikana na nakatayo sa may pintuan ng silid.

Ibinaling dito ni Shelvin ang pansin habang sapilitan pa ring isinusuot sa kaniya ang straightjacket. "You! I know you're behind all this, Ricardo." Sapilitan siyang tumayo para sugurin ang lalaki. Ngunit hinila siya pabalik sa pagkakaupo ng dalawang kalalakihan na nakaputi. Napagsalikop na ng mga ito ang braso niya sa straightjacket.

"I'll make you pay, Ricardo. I'll make you pay with interest!"

"Oh, Babe, this is for your own sake," sabad ng kapapasok lang na babae sa silid. Nilapitan nito si Shelvin, hinaplos-haplos ang mukha, at ginawaran ng halik sa pisngi.

Dama ni Shelvin na ang mapupulang labi na iyon ng babae ay nag-iwan ng marka sa kaniyang mukha. Pinunasan niya ang nanlalagkit na pisngi gamit ang manggas ng straightjacket na suot niya. "Who the hell are you? Get away from me!"

Sarkastikong tumawa ang babae. "Oh, Babe, I'm your fiancée. Don't you remember me? It's Laura, Babe," sarkastikong sabi nito.

Napakunot-noo si Shelvin. Tumingin sa kawalan. "Laura?" Medyo kumalma siya, malayo ang tanaw. "Laura?" muli niyang usal. Ngumisi si Shelvin at tumitig kay Laura nang matalim. "The bitch," padura niyang sabi sa mukha nito. "I'll kill you!" Nagwala siya. Pinigilan siya ng dalawang lalaking nurse sa akmang pagsugod kay Laura. Sa takot ng huli ay napatago ito sa likod ng doktor na noo'y nakatayo sa katabi ni Ricardo.

"Let me handle this," nakangising sabi ng matandang doktor. May hawak itong injection saka lumapit kay Shelvin.

"Don't you dare stop me..." Ngunit nanghina si Shelvin matapos turukan ng doktor. Dahan-dahang napaupo sa gilid ng kama habang inaalalayan pa rin ng dalawang nurse, pumungay ang mga mata, at saka tuluyang nawalan ng malay.

"Isakay n'yo na siya sa van," utos ni Dr. Miron sa dalawang nurse na agad namang tumalima. Sumunod na rin silang tatlo palabas ng silid patungo sa labas ng mansyon kung saan nakaparada ang sasakyan.

"Ikaw na ang bahala sa kaniya, Doctor Miron. At ako naman ang bahala sa 'yo." Sabay ngingisi-ngising nagsindi ng sigarilyo si Ricardo. "Siguraduhin mong hindi na gagaling pa si Shelvin," dugtong pa nito.

"Makakaasa kayo, Ricardo." Ngumiti nang makahulugan ang doktor saka nagpaalam at sumakay na rin sa van.

"Poor Shelvin Villagracia," iiling-iling na sabi ni Laura habang tanaw nila ang papalayong sasakyan. Kumapit ito sa braso ni Ricardo at halata sa mukha ang pagdiriwang.

"It seems like Fate is in favor of us, my dear Laura," sagot ni Ricardo. Hindi nito napigilang magpakawala ng malulutong na halakhak dala ng sobrang tuwa, na sinaluhan naman ng kausap.

***

Puting silid. Iyon ang unang rumehistro sa isip ni Shelvin pagmulat ng kaniyang mga mata. Medyo nahihilo pa siya dala ng gamot na itinurok sa kaniya kaya sandaling ipinikit ang mga mata.

"I'm here, Shelvin."

Napadilat siya at agad nilinga ang may-ari ng tinig na iyon -- si Doctor Miron na nagdala sa kaniya sa mental hospital na iyon. Akma siyang babangon ngunit medyo nahirapan dahil sa straightjacket na suot niya. Agad naman siyang inalalayan ng doktor at tinanggal iyon.

"Thanks," nasabi ni Shelvin na nakahinga nang maluwang.

"You're in good hands now, Shelvin. Just follow my orders and you'll be all right." Tinapik siya ng doktor sa balikat. "Sumunod ka sa akin."

Bumaba siya sa hospital bed at walang tanong na sumunod sa doktor palabas ng silid. Tahimik ang pasilyong dinadaanan nila, kabaligtaran sa imaheng nakalarawan sa isipan niya. Ang inaasahan kasi ni Shelvin ay may mga makakasalubong silang pasyente at mga nurse sa paligid. Sa halip ay puro pintuang nakapinid ang nadadaanan nila, at ang tanging ingay na maririnig ay ang lagapak ng mga sapatos nila.

"Ang tahimik naman dito," nasabi niya. "Lahat ba ng pasyente n'yo rito nakakulong sa mga kuwarto?"

"'Confine' is the correct term, Shelvin. Let me remind you, pasyente ang mga naririto at hindi preso." Payak na natawa si Dr. Miron, pailing-iling. "Anyway, dito lang sa second floor ganito kapayapa dahil mga eksklusibong tao ang mga pasyenteng naka-confine dito. Sa first floor, doon maraming mga naglalakad-lakad na pasyente--kung iyon ang hinahanap mo."

Hindi na nag-react si Shelvin.

"Here we are," tukoy ng doktor sa silid na nasa harapan nila. Binuksan nito ang pinto.

"Welcome to your new home, Mr. Villagracia."

Nilibot ng mga mata ni Shelvin ang kabuuan ng silid. Maluwang ito at hindi nalalayo ang disenyo at ayos sa kuwarto niya sa mansyon.

"Nagustuhan mo naman siguro?" may pagmamalaking sabi ng doktor. "Kumpleto ito sa lahat ng kailangan mo para maging komportable. Airconditioned. Wala nga lang appliances. Pero kung gusto mo, palalagyan ko."

Sinuri ni Shelvin ang bawat sulok ng silid. May bathroom. Bagaman maliit ay maayos at malinis -- mukha pa ngang hindi nagagamit. May maliit na espasyo rin bilang receiving area niya. May pantry. Sunod ay binuksan niya ang closet malapit sa queen-sized bed na naroroon.

"Sadyang bago ang lahat ng naririto para sa iyo. Sabihan mo lang ako kung may kailangan ka pa."

"Thanks. Kapag may kailangan ako, ipaaalam ko agad sa iyo, Doc."

Maya-maya ay may kumatok sa pinto.

"Oh, she's here." Nagmamadaling binuksan ni Dr. Miron ang pinto. "Come in."

Pumasok sa silid ang isang babaeng naka-uniporme ng puting blouse at pantalon.

May dala itong tray ng pagkain. Kunot-noong napatingin si Shelvin kay Dr. Miron.

"By the way, this is Pearl. She will be your exclusive nurse." Pagkasabi niyon ng doktor ay lumapit ito kay Shelvin. "She doesn't know, Shelvin," bulong nito. "It's show time." Saka ito pasimpleng kumindat.

Pagkasabi niyon ng doktor ay tiningnan ni Shelvin si Pearl. Una niyang napuna ang simple nitong ganda, partikular na ang mga mata nito na tila ba puno ng kainosentihan. Hindi niya mawari kung kinakabahan ba ito, natatakot, nahihiya... o galit?

"Hi, Miss Cutie. I'm hungry, give me my food," utos ni Shelvin kay Pearl.

            
            

COPYRIGHT(©) 2022