Malapit na malapit lang ang pinagtatrabahuan niya sa nirerentahan kaya't sumasakay lang siya ng traysikel papunta roon. Kapag uwian naman ay naisipan niyang lakarin na lang iyon kesa mamasahe. Nakalimutan na niya ang tungkol sa panaginip lalo't naging busy na siya sa trabaho. Nang mag-uwian na ay nilakad nga lang niya iyon galing sa opisina. Madadaanan niya ang isang eskwelahan kapag pauwi na siya sa nirerentahan niya.
Sakto namang may mga estudyante na ring nagsiuwian nang mapadaan siya. Napatitig siya sa isang estudyanteng dumaan sa harap niya. Kaparehong uniform ang suot ng babae sa panaginip niya. Iyon pa lang ang unang beses na napadaan siya sa eskwelahang iyon kaya't hindi niya alam na ganu'n ang uniform doon.
Coincidence lang ba iyon? Hindi kasi common ang uniform ng eskwelahan na iyon.
Puti na long sleeves ang pang-itaas nu'n at iyong skirt naman ay kulay pink na may naka-print na logo ng school. Nakita rin niya ang kaparehong logo sa uniform ng babae sa panaginip niya. Bigla ay parang kinilabutan siya. Nagmamadaling naglakad na siya pauwi.
Nagtitinda si Aling Margie sa isang pwesto sa palengke sa pagkakaalam niya. Si Mang Roger naman daw ay namamasada ng traysikel kapag hindi ito tumutulong sa asawa sa palengke. Nang makapasok ng bahay ay naabutan niya si Mang Roger na nagkakape sa kusina. Ang kwarto niya kasi ay nasa may kusina mismo.
" Magmeryenda ka muna, Josie," alok ni Mang Roger.
Nakangiting pinaunlakan niya naman ang matanda dahil nakita niyang maraming tinapay ang nasa harap nito. May isang pitsel din ng juice na sa tingin niya ay inihanda nito para mainom niya.
" Salamat po," umupo na rin siya sa tabi nito at inilagay ang bag sa mesa.
" Kumusta naman ang trabaho mo?" tanong nito.
" Okay lang naman po," matipid na sagot niya. Isa kasi siyang clerk at tambak talaga siya sa paper works araw-araw.
" Mang Roger, diyan din po ba sa malapit na school nag-aral ang anak ninyo dati?" naisipan niyang itanong. Baka kasi anak ng mga ito ang napanginipan niya.
" Ano'ng school?" nakangiting tanong nito.
" Iyon pong pink ang skirt na may logo?" pagbibigay niya ng deskripsiyon dahil hindi niya alam ang pangalan ng eskwelahan.
Nakita niya nang mawala ang ngiti nito at biglang sumeryoso.
" Ba't mo naman naitanong?" parang biglang nakakatakot ang boses nito.
" Ahm, kasi nadaanan ko po so since malapit lang baka kako diyan din siya nag-aral," mahinang sagot niya.
Hindi yata nagustuhan ng matanda ang pagtatanong niya.
" Ah, ganun ba? Hindi. Dun kasi siya sa Manila nag-aral ng College," bumalik na uli ang ngiti nito.
Tumango na lang siya at hindi na nagsalita pa. Tahimik na kumain na lang din siya at mabilis na tinapos iyon para pumasok na ng kwarto.
Alas otso ng gabi ang hapunan doon kaya't lumabas na siya ng kwarto nang tawagin ni Aling Margie. Hindi kasi siya lumalabas ng kwarto at inuubos ang ang oras sa phone niya. Hindi naman siya mahilig manood ng TV kaya't hindi siya pumupunta sa sala.
Nakaupo na sa hapag-kainan ang mag-asawa nang lumabas siya.
" Bakit naman nagsusuot ka ng shorts sa loob ng bahay? Gusto mo ba talagang ipangalandakan ang katawan mo?" hindi nakangiting tanong ni Aling Margie na tiningnan nang masama ang suot niya.
" H-ho?" napatingin din siya sa suot niya.
Naka-shirt siya at naka-shorts na hanggang tuhod. At hindi iyon sexy shorts kaya't nagtataka siya sa ikinagalit ng babae.
" Ikaw naman. Hindi naman malaswa ang suot ng bata," pagtatanggol naman ni Mang Roger.
Hindi umimik ang babae. Nag-aalanganin tuloy siyang lumapit. Wala naman kasi siyang pajama or pants na pambahay. Puro shorts ang meron siya na hindi naman maiikli at hindi masagwang tingnan.
" Halikana, Josie, kumain ka na. Pagpasensiyahan mo na lang si Misis at baka may regla," pabirong sabi ni Mang Roger.
Lumapit na rin siya at umupo at tumingin pa kay Aling Margie pero hindi na siya tinatapunan ng tingin. Tahimik na kumain na sila ng hapunan.
Matagal siyang nakatulog nang gabing iyon dahil hindi maalis-alis sa isip niya ang ikinagalit ni Aling Margie. Sumpungin din pala ang babae. Inaalis na lang niya sa isip ang nangyari sa pamamagitan ng pagsi-cellphone. Nakapatay na ang ilaw sa kwarto niya at tanging ilaw sa phone na lang niya ang nagsisilbing liwanag niya. Tahimik na ang paligid.
Biglang napaangat ang katawan niya sa kama nang parang may tumulak sa kanya galing mismo sa ilalim ng kama. Kumabog bigla ang dibdib niya at mabilis na tinakbo ang switch ng ilaw. Tiningnan niya ang kama. Wala siyang nakitang kahit ano doon.
Sino'ng tumulak sa kanya pataas habang nakahiga siya? Nanatiling nakatayo lang siya sa may pinto habang titig na titig pa rin sa kama. Natatakot siyang lumapit uli doon. Maya-maya ay may bumakat sa kama. Gumalaw iyon pataas at pababa. Parang masisira na ang kama dahil parang gustong lumabas ng kung anumang nasa loob nu'n. Nanlalaki ang mga matang napatitig lang siya sa galaw nu'n. Hindi na siya halos humihinga sa takot. Parang naparalisa ang katawan niya at hindi makakilos. Gusto niyang sumigaw pero walang boses na lumalabas sa bibig niya.
Pabilis nang pabilis ang galaw nu'n nang biglang tumigil iyon. Sakto sa pagtigil nu'n ay namatay ang ilaw. Mas lalong dumadagundong ang tibok ng puso niya. Naiwan niya ang phone sa kama sa takot niya kanina. Himala ngang hindi iyon nahulog nang gumagalaw ang kung anuman sa ilalim ng kama. Hindi niya alam kung brown out o ang kwarto lang niya ang walang ilaw.
Hindi pa rin siya makakilos. Nang wala naman siyang naririnig na kaluskos ay dahan-dahan siyang lumapit sa kama para kunin ang phone. Nang biglang may kung ano'ng humarang sa kanya at hinawakan siya nang mahigpit sa kamay. Kahit madilim ay dama niyang may nakatayo sa harap niya lalo't mahigpit pa rin niitong hawak ang dalawang kamay niya. Hindi na niya namalayan kung ano ang sumunod na pangyayari.