Minerva (Filipino)
img img Minerva (Filipino) img Chapter 4 KABANATA IV: BUHAY
4
Chapter 6 KABANATA VI: NANAY img
Chapter 7 KABANATA VII: LIBING img
Chapter 8 KABANATA VIII: PAMILYA img
Chapter 9 KABANATA IX: KARWAHE img
Chapter 10 KABANATA X: SAKOP img
Chapter 11 KABANATA XI: BANTA img
Chapter 12 KABANATA XII: IMAHE img
Chapter 13 KABANATA XIII: DALISAY img
Chapter 14 KABANATA XIV: SIGBIN img
Chapter 15 KABANATA XV: DINIG img
Chapter 16 KABANATA XVI: ILOG img
Chapter 17 KABANATA XVII: MASID img
Chapter 18 KABANATA XVIII: LETRA img
Chapter 19 KABANATA XIX: GRANDORYA img
Chapter 20 KABANATA XX: REYNA img
Chapter 21 KABANATA XXI: PALASYO img
Chapter 22 KABANATA XXII: HARDIN img
Chapter 23 KABANATA XXIII: PAG-AMIN img
Chapter 24 KABANATA XXIV: GINOO img
Chapter 25 KABANATA XXV: MAPANIBUGHO img
Chapter 26 KABANATA XVI: SALAMANGKERO img
Chapter 27 KABANATA XXVII: SABAY img
Chapter 28 KABANATA XXVIII: PULA img
Chapter 29 KABANATA XXIX: PAGPAYAG img
Chapter 30 KABANATA XXX: KATAPATAN img
Chapter 31 KABANATA XXXI: DAMIT img
Chapter 32 KABANATA XXXII: PIYESTA img
Chapter 33 KABANATA XXXIII: PANAUHIN img
img
  /  1
img

Chapter 4 KABANATA IV: BUHAY

Nasusunog na kabahayan, sigaw ng aking mga kababayan, at mga taong walang habas na pinapatay; ilan lang ito sa aking nasaksihan. Pilit ko pa rin inaalis ang mga mahihigpit at nakasasakal na yakap ng lalaking may gintong baluti. Gusto ko man ilabas ang kapangyarihang nakuha ko no'ng kaarawan ko, subalit nang akin itong nilabas, lalo akong nanghina. Naiinis ako sa sarili ko sapagkat masyado pa akong mahina upang makontrol sila.

"Hindi ka ba talaga titigil, munting diwata?" tanong niya sa 'kin na sabay niya ako hinulog mula sa kabayo. Padapa akong bumagsak at naramdaman ko ang hapdi sa aking mga palad, braso, at tuhod dahil sa mga gasgas. Ngunit akin lang ito ininda para lang bumangon at hanapin ang mga mahal ko.

Bago pa ako makatatayo ay hinila pataas ang aking buhok at hinarap niya ako – ang lalaking may gintong baluti. "Saan mo balak pumunta, ha? Tatakas ka? Saan ka naman tutungo kung sira na ang iyong bayan?" natatawa niyang usap sa 'kin. "Ayaw man kitang saktan dahil sa 'yong natatanging kagandahan, subalit masyadong matigas ang iyong ulo, aking diwata."

"Kung gano'n pala... 'wag mo ako saktan, palayain mo ako," inis na tugon ko sa kan'ya.

Ngumisi at sabay s'yang humalakhak. Pagkatapos ay binitawan na n'ya ang pagkahahawak sa aking buhok.

Paluhod akong bumagsak at ramdam ko ang panghihina ng katawan ko – nanginginig at nanlalambot, hirap na rin akong tumayo. Naramdaman ko na lang na naglakad s'ya papunta sa 'kin at binuhat ako. Sa pagkakataong ito, iba na ang pamamaraan ng buhat niya kumpara kanina. Naging maingat(?) ang pagbuhat niya na aking kinabigla. Nakaupo ako sa kaliwa n'yang braso habang ang kanang kamay niya ay nasa likuran ko – sinusuportahan upang sa gano'n ay hindi ako mahulog.

"Mahal na hari, ipagpaumanhin ninyo ang aking kapangahasan, subalit may nais akong ibalita sa inyo," banggit ng isang lalaki na nasa harapan ng lalaking bumubuhat sa 'kin. Nakita ko rin kung paano siya yumuko at lumuhod sa kan'ya.

Tunay akong nabigla sa sinambit ng kawal at napatingin sa hayop na 'to. Hindi ako makahinga at makakilos nang malaman ko na isang hari ang sumira sa aming bayan.

"Siguraduhin mong maganda ang ibabalita mo sa 'kin," walang emosyon n'yang sagot.

"Ipagpaumanhin ninyo ngunit napag-alaman namin na ang dukeng namamahala sa lugar na ito ay nakatakas na. Kasama ang buo niyang pamilya. Tanging mga kawal at alipin n'ya ang natira sa kan'yang tinitirhan," sagot n'ya habang pinagpapawisan gawa ng kaba.

"Ah... Gan'on ba? Anong ginawa niyo sa mga alipin?" walang gana n'yang tugon.

"Pinaslang na po namin silang lahat," sagot niya. "Tinakot po muna namin at pinahirapan, ngunit ni isa ay walang umamin kung saan nagtungo ang duke, mahal na hari," mabilis na tugon n'ya habang nananatiling nakayuko.

"Nakapanghihinayang naman na wala s'ya rito. Pero kung hindi dahil sa kan'ya, wala akong diwata mauuwi sa aking palasyo." Sabay s'yang tumingin sa akin at ngumisi.

Lalo ako nagalit sa kan'ya gano'n din sa duke. Ibig bang sabihin nito na s'ya ang dahilan kung bakit kami nilusob? Dahil sa makasariling duke na iyon?

"Kahit kailan, hindi ako sasama sa isang hayop na katulad mo," galit na usap ko sa kan'ya.

"Talaga lang, ha?"

Mga ilang sandali pa ay may sumigaw na lalaki, "Bitawan mo si ate!" Naging pamilyar ang boses na sanhi ng agaran kong paglingon. Hindi nga ako nagkakamali, si Liam nga ang lalaking humiyaw.

Nakita ko na hawak s'ya ng isang kawal at marami siyang sugat sa buong katawan. Nakita ko rin sina Kitara at mama na nasa likuran ni Liam. Nanlaki ang mga mata ko na makitang walang malay si mama at puno ng dugo, sugat, at pasa ang buo n'yang katawan.

"Mama!" sigaw ko na agad akong pumiglas. Gusto ko siyang abutin at mahagkan ngunit hindi ko magawa dahil sa halimaw na yumayapos sa 'kin. "Mama... Anong ginawa niyo sa kaniya, mga hayop kayo!?" At saka ako tumingin sa haring walang puso. "Bitawan mo ako... Bitawan mo ako, ngayon na! Gusto kong puntahan ang aking ina!" singhal ko sa kaniya.

Tiningnan lang n'ya ako nang matagal at wala akong emosyon na nakikita sa kan'ya. Ilang beses ko siya tinulak upang bitawan n'ya ako. Nakita ko naman na nainis na siya sa akin kung kaya ako'y kaniyang binitawan. Pagkabagsak ko ay agad ko silang pinuntahan at niyakap si mama.

"'Ma, 'ma... 'Ma, pakiusap lang gumising ka. Pakiusap lang po, 'ma," pagmamakaawa ko sa kan'ya habang umiiyak at tinatapik s'ya. Wala akong maramdaman sa kan'ya nang akin s'yang hinawakan. Unti-unti ko nilalapag ang kamay ko sa leeg n'ya, upang masuri kung may pulso pa s'ya. Nanginginig ang aking mga kamay at nang akin siyang makapa, wala na akong maramdamang tibok.

Tila ba huminto ang buo kong paligid, nanlalabo na rin ang aking mga mata dahil sa luha, at wala na rin akong marinig. Nararamdaman ko rin ang unti-unting pagbigat ng aking katawan nang malamang wala na si mama.

"Ate Minerva..." malungkot na tawag sa akin ni Kitara habang siya'y umiiyak.

Nang dahil sa tawag ni Kitara, bigla ako bumalik sa reyalidad. Tumingin ako sa kapatid ko at nakita ang mga sugat sa katawan niya. Agad ko s'yang pinuntahan at niyakap.

"Ate, pasensya na... Hindi ko naprotektahan si mama... N-n-nawala... Wala na si mama nang... nang dahil sa 'kin, Ate Minerva. Ate Minerva... kasalanan ko 'to... kasalanan ko kung bakit s'ya namatay." Patuloy ang pagtangis na lalong humihigpit ang kan'yang mga yakap.

"Shh... Hindi mo kasalanan ito, Kitara. Hindi mo 'to kasalanan, sapagkat hindi ikaw ang pumaslang sa kan'ya," pagpapakalma ko sa kan'ya habang pinipigilan ang aking pag-iyak. Agad akong tumingin sa hari at sinamaan ng tingin. "Kasalanan mo ito! Kasalanan mo ito kung bakit namatay ang nanay ko!" hiyaw ko sa kan'ya.

"Wala kang galang!" sigaw ng isang kawal na agad akong tinadyakan sa likuran.

Padapa akong bumagsak sa sahig at tumama ang aking mukha. Dahil sa lakas ng sipa niya sa 'kin ay dumugo ang aking labi't ilong. Narinig ko ang mga sigaw ng dalawa kong kapatid at nakita na nagpumiglas si Liam. Agad naman s'yang nakawala at inatake ang lalaking sumipa sa 'kin. Sinuntok niya nang malakas ang mukha nito, sunod niyang kinuha ang espadang nakasabit sa beywang ng kawal, at saka niya ito tinarak sa puso ng kawal. Nagawa niyang paslangin ang kawal na gumawa sa akin ng ganito, ngunit may malaking kapalit. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang may tumarak na malaking espada sa tiyan niya mula sa likuran.

"Liam!" sigaw ko at agad kong binangon ang aking katawan.

Pagkabangon ko ay kinuha ko ang maliit na kutsilyo na nasa gilid ni mama at saka hinagis sa lalaki. Tumama ito sa leeg ng kawal na agarang nagpadala sa kan'ya sa impyerno. Sinalo ko ang katawan ni Liam bago siya tuluyang bumagsak, subalit dahil sa panghihina ko ay sabay kaming bumagsak.

Kinapa ko ang mukha ng aming bunso at tanging iyak lang ang lumalabas sa 'king bibig. Hindi ako makapagsalita. Gusto ko magsalita ngunit walang boses na lumalabas sa 'kin. Dahil sa gulat at mabilis na pangyayari, biglang nablangko ang aking isipan. Sobrang labo na ang aking paningin kaya nilapit ko ang mukha ko kay Liam at tinatapik s'ya. Naramdaman ko na lang ang mainit niyang kamay sa aking pisngi. Akin itong kinuha at muli siyang sinilayan.

Nakita ko kung paano n'ya habulin ang kaniyang hininga. At sa huli niyang hinga, ngumiti siya sa akin at nagwika, "Kahit sa huli kong sandali, n-naging... haah... naging mabuti akong kapatid sa iyo, ate, d-dahil... dahil espesyal ang araw na ito sa 'yo. Napakag**o nila... dinungisan nila ang m-maganda mong mukha," natatawa n'yang usap. "Ate, ang sakit... ang sakit sa pakiramdam na... na hindi ko man lamang kayo naprotektahan p-pati na rin si mama. P-patawarin mo ako, ate. I-ipangako mo sa akin n-na makakaligtas ka." Sabay nito ang pagpikit ng kan'yang mga mata.

Hindi. Hindi dapat 'to mangyari sa kan'ya. Pakiusap lang, Liam, imulat mo ang mga mata mo. Huwag mo kami iiwan, Liam. Kailangan mo pa mabuhay nang matagal. Ayos lang naman sa 'kin na maging pasaway ka basta lang 'wag mo ipipikit ang 'yong mga mata. Pakiusap lang, gumising ka, Liam.

Tanging, "Liam" lamang ang lumabas sa aking bibig. Niyakap ko ang walang buhay n'yang katawan, habang nilalabas ang aking kalungkutan sa pagpatay sa kan'ya. Narinig ko ang iyak ni Kitara at ang kaluskos ng metal na palapit sa 'kin. May naramdaman na lang akong may kumapit sa aking braso at sinusubukang ilayo ako sa 'king kapatid. Nanlaban ako subalit dahil sa lakas n'ya ay nagawa niya akong ilayo sa aming bunso.

Binuhat niya akong patalikod at nilayo sa aking pamilya. Sinisigaw ko ang aking pamilya at inabot ang aking kamay kay Kitara. Nakita ko na inabot din n'ya ang kan'yang kamay, ngunit hindi ko nakuha o nahawakan man lamang ang maliit niyang kamay dahil sa taong bumubuhat sa 'kin.

Inaalis ko ang kamay na nakayakap sa aking tiyan at sinigaw ang pangalan ni "Kitara!" Nilingunan ko ang lalaki at nagmakaawa sa kan'ya – sa hari.

"Pakiusap lang... gusto ko lang makasama ang aking pamilya. Bakit ba... Bakit mo ba ito ginagawa sa akin?" iyak ko.

Naramdaman ko na lang ang kan'yang kamay na dumampi sa aking labi. Nasaktan ako sa ginawa niya dahil sa sugat. Nilapitan niya ako at nagwika, "Dahil isa akong hari." Hinaplos niya muli ang aking pisngi. "Ibibigay ko ang 'yong nais kung pagbibigyan mo ako sa kagustuhan ko. Kailangan mong ilaan ang buong buhay mo sa akin at paglingkuran ako. Ang lahat-lahat sa iyo – katawan at iyong puso – ay dapat mo ibigay. Ako lang ang dapat mo mahalin habang buhay."

Natawa ako sa kan'yang sinambit. "Sa tingin mo ba, ang mamamatay taong tulad mo ay kaya kong mahalin? Makuha mo man ang aking katawan, kahit kailan hindi mo makukuha ang aking puso. Hindi kailanman ako iibig sa isang taong pumatay sa aking pamilya," tugon ko sa kan'ya, nanggigigil at gusto ko na s'yang paslangin.

Hinaplos lang niya ang aking pisngi at nakita ko na sinilip niya ang aking likuran. Muli ko nasaksihan ang nakaiiritang ngisi niya. Subalit ano itong nararamdaman ko? Masama ang kutob ko sa kan'yang ngiti. Bigla ko na lang naalala kung saang direksyon s'ya nakatingin, sa direksyon ni Kitara.

"Kung gano'n, kukunin ko ang lahat ng mahal mo upang sa gano'n, ako na lang ang tangi mong mamahalin," seryoso at walang emosyon n'yang usap.

Nilingunan ko si Kitara at nakita ang nakataas na espada sa kan'yang likuran. Sumigaw ako ng, "Hindi!" at sa huling pagkakataon, tanging takot at kalungkutan lamang ang nakita ko sa kan'yang magandang mukha bago siya pugutan ng ulo.

Tila ba gumuho ang mundo ko nang makita ang buo kong pamilya na pinatay sa 'king harapan. Wala man lamang ako nagawa upang pigilan sila. Nawalan ako ng lakas sa mga oras na 'yon at tuluyan nang bumigay ang aking katawan – nawalan na ako ng malay.

            
            

COPYRIGHT(©) 2022