Simple lamang ang naging handaan namin dahil kami lang naman ang magdiriwang. Tanging bisita lang naman namin noon ay si Manong Silyo sa aking kaarawan. Malapit sa aming loob si Manong Silyo na tinuring na naming pamilya dahil simula pa noong nabubuhay pa si papa, tinutulungan na niya kami. Hindi na nakapag-asawa pa si Manong Silyo simula nang namatay ang asawa niya. Ginugol ang buong buhay niya sa kan'yang trabaho upang mapawi ang nararamdaman niyang lungkot. Dahil wala silang naging anak, tinurin niya kaming mga anak o sabihin na lang natin mga apo.
Hindi naman namin inasahan ang pagdating ng mga ilang kapit-bahay namin upang samahan kaming ipagdiwang ang aking kaarawan. Nagahol noon si mama sa pagdagdag ng mga pagkain. Mabuti na lamang na ang ilan ay nagdala ng mga pagkain lalo na si Nanay Rosalia at tinulungan si mama sa paghanda. Naging malaki at mas lalong maingay ang pagdaraos ng aking kaarawan. Marami rin akong natanggap na regalo na kinataba ng aking puso. Ang lahat na ito ay hindi ko inaasahan. Hindi sapat ang salitang, "Salamat" sa kanila.
Pagkatapos ng araw na iyon, nakuha ko ang kauna-unahan kong tatu sa buong buhay ko. Si mama ang nagbigay sa akin nito.
Tanda ko pa kung paano niya gawin ang tinta ng tatu ko. Dinurog n'ya ang isang uling, pagkatapos ay nilagyan niya ng langis, at may nilagyan siyang isang kakaibang pulbara na nagpamula ng tinta. Para bang mahika ang ginawa ni mama dahil habang hinahalo niya ang mga sangkap ay nag-iibang kulay ito. May mga lumilipad pang maliliit na bagay kulay pula rito, parang mga maliliit na kulisap.
Nilagyan ako ni mama sa aking likurang beywang.
Sa sobrang sakit ng pagpukpok ni mama upang bumaon ang matulis na kahoy na may tinta sa dulo ay nakagat ko ang braso ni Liam. Mabuti na lamang ay hindi nagreklamo ang bunso hanggang sa matapos. At saka naman ako binigyan ng tubig ni Kitara at nagpahinga.
Nakita ko ang maliit na simbolo sa aking beywang, wala akong ideya kung ano ang kahulugan nito.
"'Ma, ano po ba ito at para saan rin ba 'to?" tanong ko noon kay mama.
"Ang tatu na ito ay nagmula sa ating ninuno. Nakita niyo naman na may apat na paikot na bilog ang magkadikit kaya naman naghugis parisukat sila. Ang isang bilog ay nangangahulugan ng haribon, ang isa naman ay sarimanok, ito naman sa baba ng haribon ay adarna, at ang katabi niya ay nangangahulugan ng bakunawa," tugon ni mama nang tinuro ang apat na pabilog sa aking tatu.
"Ba't wala naman po akong nakikitang pagkakaiba sa apat? Pare-pareho lang silang bilog," tanong ni Kitara.
Sumang-ayon ako kay Kitara dahil pangkaraniwan lamang ang nakikita kong tatu na nasa beywang ko.
Ngumisi noon si mama at tumayo. Pinatayo rin ako ni mama at inayos ang suot kong damit. Inikot n'ya ang dulong laylayan ng pang-itaas kong damit at inipit sa aking kwelyo kaya naman kitang-kita ang aking beywang at tiyan, nagmukhang bra.
"Gawin mo ang unang porma ng ating sining at isipin mo na nakikipaglaban ka - pinoprotektahan mo ang iyong mahal sa buhay," utos sa akin ni mama.
Nagtaka ako sa kan'yang inutos, ngunit agad ko rin siya noon sinunod. Huminga ako nang malalim at kinilos ang aking katawan habang nakapikit, inisip ang mga sinabi sa akin ni mama nang ginawa ang una kong natutunan. Nakaramdam ako ng init sa aking katawan lalo na sa bandang likuran ng aking beywang. Huminto ako at napatingin sa beywang at nakita ko kung paano nagliyab ito na hindi rin nagtagal ay bumalik sa pagiging tinta. Tumingin ako kay mama at nakita ko kung paano magulat ang dalawa kong kapatid - nakanganga at hindi makapagsalita.
"Anong... Anong nangyari? Bakit? Ah... Nahihibang na ba ako?" tanong ko kay mama, hinihingal at pinipigilan ang sakit na nadama ko.
"Masyado ka pa mahina para makaya ang kapangyarihan ng apat. Iyang init na naramdaman mo ay ang kapangyarihang dumadaloy sa ating dugo. Ang tatu na iyan ay isang susi upang mabuksan ito," sagot ni mama. "Biniyayaan ang ating mga ninuno ni Bathala sa paglupig kay Sitan at ang mga kampon n'ya. Binigyan sila ng kapangyarihan ng apat na nilalang: ang liksi ng hari ng mga ibon - haribon, ang talino ng sarimanok, ang mahusay na pagdesisyon ng ibong adarna, at ang lakas ng bakunawa.
"Tanging ang may dugo lang ng ating ninuno ang may kayang magdala ng biyaya ni Bathala. Nais ko mang ibigay ito sa inyong ama, pero hindi makakaya ng kaniyang dugo't katawan ang kapangyarihan ng apat dahil hindi siya nabiyayaan ni Bathala.
"Kung kaya ipangako ninyo sa akin na kailangan niyong pagbutihan ang inyong sarili. Ayokong... Kaya ko ito ginagawa at pinipiit na pag-aralan ninyo ito dahil ayokong may mangyari sa inyong masama," malungkot niyang sambit, pinipigilan ang mga luha niya.
Niyakap ni Liam si mama ganoon din si Kitara. Paika-ika naman akong lumapit sa kanila na sabay naman ako inalalayan ni Kitara.
"Ngayon ko lang nalaman kung gaano kaastig ang mga ninuno natin pati na rin ang dugong dumadaloy sa akin," masayang usap ni Liam, bakas sa kan'yang hitsura ang pagkasabik. "Ginanahan tuloy ako umabot ng 17 at magkaroon ng tatu na katulad ni ate. Ate Minerva, ano pakiramdam na may tatu ka?"
"Iyong totoo? Sobrang sakit, parang sinusunog ang likuran ko ganoon din ang buo kong katawan pero... masarap naman sa pakiramdam. Parang... Parang lalo akong lumakas," sagot ko na may pagkasabik.
"Sinusunog?" takot na sambit ni Liam. Takot kasi siya sa apoy.
"Bakit? Takot ka? Naku... Mukhang ang ninuno natin ay madidismaya na nagkaroon sila ng inapo na mabilis matakot," nakangising insulto ni Kitara sa kaniya.
"Si-sinong takot, h-ha?"
Pinagtawanan naman namin siya na nagresulta nang lalong pagsakit ng aking likuran. Kaya ako'y nagpahinga upang magkaroon ng sapat na lakas na magpatuloy sa aking pagsasanay.
At ngayong araw, kasalukuyan akong nilalagyan ng mga kolerete sa mga mukha at inaayusan habang suot ang puti kong bestida na si mama mismo ang nagtahi. Natanggap ko ito noong kaarawan ko.
Malambot at manipis ang tela nito na sa oras na iniikot ko ito ay para bang isa akong prinsesa. Magaan din itong suotin at presko na tamang tama sa mainit na panahon ngayon. Pabagsak ang bestida at may itim na laso pa na nakapulupot sa aking beywang. Dahil naman sa laso, nakita kung gaano kaliit ang aking beywang. Bukod pa roon, may mahahabang manggas naman ito na gawa sa puting kulambo na may maliliit na butas, mula kili-kili hanggang pulso ang haba nito. May disenyong pulang bulaklak na maliit naman sa bandang tiyan na nagbigay buhay sa aking suot.
Simple ngunit maganda.
Bukod do'n, suot ko naman ang itim na sandals na may tali na abot tuhod. Ito'y niregalo sa akin ni Manong Silyo. Kahit matigas ito ay masarap naman siyang isuot. P'wede ko gamitin sa pang-araw-araw ko.
Nang matapos nila akong ayusan, naglakad ako sa malaking salamin na kasing taas ng tao para makita ang sarili. Namangha ako sa babaeng aking nakikita.
"Ako ba iyan?" bulong ko habang hinihimas ang bestidang suot ko gano'n din ang nakalugay kong buhok.
"Oo naman. Lalo ka pa nga gumanda, ate. Baka naman... pag-uwi mo galing sa plaza may iuwi ka ring lalaki, ah," nakangising sambit ni Kitara sa akin habang mahina niya akong sinisiko.
"Ikaw, bata ka. Anong may iuuwi s'yang lalaki? Tigil-tigilan niyo nga iyan," singit ni mama at naglakad padabog sa amin. "Huwag kayo magsasalita nang ganiyan at baka mangyari nga iyan at isa pa, ano iyong siya ang mag-uuwi? Aba! Napakasuwerte naman ng lalaking iyon at siya pa ang makikituloy sa atin? Dapat siya ang kumuha kay Minerva at buhayin siya."
Nagtinginan naman kami ni Kitara dahil kay mama. Hindi namin alam kung naiinis s'ya dahil sa posibilidad na magkaroon ako ng kasintahan ngayon o ano. Siguro pareho?
"'Ma, naman. Masyado ka pong magulo. Asahan mo na po kay ate na magkaroon agad ng nobyo dahil siya ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Miski hayop, halimaw, duwende, o kahit ano mang nilalang pa iyan ay mabibighani sa kan'yang ganda, 'di ba, ate?" nakangising usap ni Kitara sa akin.
"Shh... Tumigil ka na at baka lalong mainis si mama sa iyo," bulong ko sa kan'ya.
"Ay, ang tagal!" walang ganang sigaw ni Liam habang papasok sa k'warto. "Ang tagal-tagal niyong bumaba, nangangalay na ako tumayo ro'n."
Namangha naman ako sa magandang suot at hitsura ng kapatid ko. Napakaguwapo naman at malinis tingnan ang kapatid ko ngayon, parang hindi siya ang batang nakilala ko na palaging pasimuno ng away sa labas.
"Hanga naman ako sa iyo at naging tao ka sa araw na ito. Mabuti iyan," pang-iinsulto ni Kitara kay Liam na sabay niyang kinindatan.
"Nanghahamon ka ba, ate? Handa na ako. Sa katunayan nga niyan, nangangati na ang kamao kong makasapak muli." Sabay naman siyang pumorma at inayos ang tindig - tindig sa pakikipaglaban.
"Kitara, Liam, mamaya na iyan," saway ni mama. "Liam, ihatid mo na ang ate mo sa simbahan at umayos ka," utos ni mama sa kaniya na sabay naman siyang nilapitan. "Maging mabuti kang kapatid sa ate mo kahit ngayon lang, espesyal ang araw na ito sa ate mo kaya kinakailangan maging mabuti ka ngayon," banggit n'ya habang inaayusan niya si Liam.
Buntong hininga niyang sinunod si mama at hinatid ako.
Nagkakaroon ng debu bawat taon ang mga taong tumuntong sa edad na 17. Pumupunta sa simbahan upang basbasan kami, sabay-sabay, ng babaylan pagkatapos ay diretso sa plaza upang magdiwang. Dito kami nagsasayawan at nagsasalo-salo, para bang isang malaking piyesta.
Kasalukuyan akong nakikipagsayawan sa mga ka-edaran ko. Palundag-lundag sabay ang palakpak at iikot na parang trumpo na sabay sa tugtugin. Hindi kami nakaramdam ng pagod dahil sa galak na aming nararamdaman.
Napatigil lang ang kasiyahan nang may narinig kaming mga sigawan, kasabay pa noon ang malalakas at mabibilis na hakbang ng mga kabayo.
Mula sa aking kinatatayuan, kita ko ang mga may taong nakasuot na metal na baluti sa katawan at helmet na mabilis na papunta sa amin. Nakita ko rin na ang lahat ng mga taong kanilang nahahagip ay kanilang hinihiwaan o tinuturokan ng kanilang espada ang mga katawan nila at sinisira ang bawat kabahayan. Ang iba naman ay naghahagis ng sulo na may apoy sa bawat bahay. Nang dahil doon ay lahat kami ay nag-umpisang tumakbo at sumigaw.
Ang masayang piyesta ay napalitan ng kaguluhan dahil sa kanila. Agad kong pinuntahan sila mama.
Sa bawat segundong tumatakbo, ramdam ko ang malalakas at mabibilis na kabog ng aking dibdib sa takot na baka ako ay mapaslang gano'n na rin sa aking pamilya.
"Pakiusap lang, 'wag sana may mangyaring masama sa kanila. Ayokong mawalan ulit ako ng isang pamilya," isip ko habang tumatakbo.
Habang ako'y tumatakbo, may isang humarang sa akin na nagpahinto para ako ay magpatuloy. Isang lalaking may suot na metal na baluti at helmet habang nakasakay sa kabayo. Natatangi ang lalaki sa iba pang kawal sapagkat kakaiba ang suot niya at may mahabang pulang tela sa kan'yang likuran. Napansin ko naman ang simbolo na nakadikit sa kabayo at sa kaniyang suot. Nakita ko na ang simbolong iyon, ngunit hindi ko matandaan kung saan. Kapansin-pansin din ang kaniyang espada dahil s'ya lang ang nag-iisang nakasara at walang bahid na dugo.
Tiningnan niya ako na para ba ako ay kaniyang sinusuri. Nakita ko naman ang kalungkutan(?) sa kaniyang mga mata at napaisip kung ano ang dahilan.
"Bakit gan'yan ka makatingin? Isa ba iyang awa? Kung ganoon, hindi ko kailangan ang awa mo dahil kayo mismo ang puno't dulo nito," isip ko na may galit sa kan'ya.
Nang makahanap ng pagkakataong tumakas, agad akong tumakbo subalit mabilis naman akong nahuli. Mula sa aking likuran, may humaltak sa aking kaliwang braso at hinila papunta sa kaniyang bisig. Bahagya ako nasaktan dahil sa lakas ng pagkakahawak niya sa akin at sa pagtama ng aking katawan sa metal niyang baluti.
"Bitawan mo ako!" Sabay kong tulak sa kaniya na agad ko namang kinuha ang kaniyang espada at tinutok sa kan'ya.
Hindi ko inaasahan ang bigat ng kaniyang espada at dahil doon nahirapan akong buhatin 'to.
Huminga siya nang malalim. "Ibaba mo ang hawak mo kung ayaw mong mapaslang. Pakiusap lang, binibini," babala niya sa akin. Malalim at medyo garalgal ang kan'yang boses.
Hindi ko maunawaan kung isa iyong banta dahil nararamdaman ko ang pag-aalala niya mula sa boses kahit 'di ko nakikita ang kaniyang mukha dahil sa helmet na suot.
"Sa tingin mo ba mapapapayag mo ako?"
Akin itong winasiwas sa kan'ya ngunit dahil sa bigat ay nawalan ako ng balanse. Nakita ko naman na nagmadali siyang puntahan ako at ginamit ko ang pagkakataon na iyon upang atakihin siya. Binitawan ko ang espada at mabilis kong hinawakan ang kaliwa niyang kamay at siniko ang kaniyang siko nang napakalakas. Sumigaw sa sakit ang lalaki na agad naman n'ya akong kukunin, ngunit mabilis ko siyang naiwasan - paupo ko siyang iniwasan. Pagkatapos ay sinipa ko ang kaniyang paa na nagpawala sa kaniya ng balanse at saka ako tumakbo. Hindi ko na inalaman pa kung anong nangyari sa lalaki basta ang gusto ko lang ay punatahan ang aking pamilya. Alamin ang kaligtasan nila.
Bago pa ako makalalayo ay may narinig akong mabilis na padyak ng mga kabayo papalapit sa akin. Lumingon ako at bago ko pa ito makita, agad naman n'ya ako binuhat papunta sa kaniya at pinaupo sa harapan niya. Mahigpit niya ako niyakap sa ginto niyang baluti at saka ko s'ya sinilip. Hindi ko makita ang hitsura ng lalaking ito dahil sa suot nitong gintong helmet. Nagpupumiglas ako upang ako'y makawala kahit na kami ay gumagalaw. Wala akong pakialam kung mahulog man ako rito at magkasugat-sugat.
Mga ilang saglit pa ay huminto ito at narinig ko ang kaniyang inis sa aking pagpupumiglas. Hinawakan ang magkabila kong pisngi ng isa niyang kamay at pinisil ito.
"Tatahimik ka o puputulan kita ng dila?" inis na usap niya.
Hindi ako nakinig bagkus ay dinuraan ko ang kaniyang mata na lalong nagpainis sa kaniya. Tinanggal niya ang kaniyang helmet at pinunasan ang kaniyang mukha. Lalo pa n'ya diniinan ang pagkakapisil niya sa akin. Tiningnan niya ako lalo na ang mga mata ko na sabay niyang inalis ang pagkakadiin. Ngunit agad naman niya ako sinakal at inangat ang mukha ko sa kaniya. Naramdaman ko kung paano n'ya ako amuyin mula ulo hanggang leeg, talagang nandiri ako sa kaniya. At saka niya binalik ang mukha sa aking tainga at ako'y kaniyang tiningnan.
"Hindi ko aakalain na mas maganda ka pala sa malapitan. Akala ko namamalik-mata lang ako kaya minabuti kong kunin ka. Akala ko rin na isang diwata na ang aking nabingwit upang ialay ngunit nagkamali ako. Gusto ko ang mga mata mo, mas maganda pa sa mga hiyas at diyamante na aking nakita. Simula ngayon, akin ka na," bulong niya.
Natakot at kinilabutan ako sa kan'yang winika habang pinapanood ang mga kababayan kong pinapatay at sinasaktan ganoon na rin kung paano nila sirain ang maganda naming bayan.
Nag-umpisa nang tumulo ang aking mga luha at naramdaman ko kung paano gumalaw ang isa pa niyang kamay sa aking katawan. Sinusuri at hinihimas ang ibang parte ng aking katawan. Lalo akong nanghina sa mga ginagawa niya ganoon din kung paano niya ako amuyin at halikan sa leeg, binababoy ang aking katawan.
May mga ilan namang kasamahan niya na masaya at nagtatawanan habang pinapanood nilang gawin ito sa akin. Pilit kong inaalis ang sarili sa mga kamay niya, ngunit mas malakas siya kumpara sa akin. Nainis din ako sa sarili ko dahil hindi ko magawang gamitin ang ilang taon kong pagsasanay upang depensahan ang sarili.
Masyado akong mahina. Ayoko ng ganito.