/0/24292/coverbig.jpg?v=ef71e33c77e8fdd9910c73b0c4bd87b1)
"Stella, anak." Nagising ako dahil narinig ko ang aking pangalan. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata at ito'y kinusot. Tumingin ako kung saan nakahiga si inay, agad akong napabangon nang makita kong gising na si inay.
"Inay may masakit ba sa'yo, ayos ka na ba?" hindi mapakali kong tanong sa kan'ya, inabutan ko siya ng tubig at inalalayang umupo. Muntik na niyang mabitawan ang baso pagkatapos niyang uminom kung hindi ko lang ito agad na kinuha sa kan'ya, marahil ay hindi pa siya nakakabawi ng lakas.
"Huwag ka muna masyadong gumalaw Inay baka kung anong mangyari sa iyo, tatawagin ko lang ang doktor," paalala ko kay inay bago mabilis na lumabas ng silid. Hinihingal akong nakarating sa receptionist.
"Nasaan na ang doktor? Gising na si Inay," hindi mapakaling tanong ko sa babaeng receptionist.
"Sino po ba ang nanay mo ma'am?" Balik na tanong sa akin ng reptionist habang kinakagat ko ang aking kuko.
"Si Maria Molina, 'yong dinala sa ICU kahapon," mabilis kong sagot sa kanya. Pumindot ng mga numero ang babaeng receptionist sa teleponong nasa kan'yang tabi.
"Good morning Doc. Ramirez, I will just inform you that your patient in ICU, Mrs. Maria Molina is now awake," rinig kong kausap niya sa doktor na nasa kabilang linya at bumaling sa akin ang receptionist.
"Papunta na daw po ang doktor ma'am kaya huwag ka na mag-alala" malawak ang ngiting saad niya sa akin. Nagpasalamat ako sa kaniya at muling bumalik sa silid ni Inay. Nadatnan ko si Inay na naka-upo na sa gilid ng kama habang pilit na tumatayo. Hinawakan ko siya sa braso at inalalayan.
"Inay, 'di ba sabi ko sa iyo huwag ka munang maggagalaw kasi mahina ka pa," sermon ko sa kan'ya ngunit sa malumanay na boses.
"Kilala mo naman ako hindi ko kaya na nakahiga lang, pakiramdam ko mas lalo akong matutuluyan," magkasalubong ang kilay ni Inay na sagot sa akin. Napatingin kami sa pintuan ng marining namin na ito'y bumukas. Bumungad sa amin ang doktor na may katandaan na, sa aking palagay ay nasa cuarenta na ang edad. May kasama siya na lalaking nurse na nasa mid 20's. Inalalayan ko si inay upang humiga nang maayos.
"Huwag po muna kayo masyadong gumalaw makakasama sa iyo yan lalo na kapag napagod ka," paalala ng Doktor kay Inay habang sinusuri ng nurse ang blood pressure ni Inay. Bago umalis ay ipinaliwanag muna sa akin ng doktor ang mga bawal at puwede kay inay na agad ko naman na sinang-ayunan.
"Bibili lang po ako ng pagkain," tumango si Inay sa aking sinabi, tinahak ko ang daan papuntang cafeteria ng hospital. May kasalubong ako na babaeng nakatutok ang paningin sa cellphone imbes na sa daan. Hindi ko masyadong maaninag ang kan'yang mukha dahil nakasuot siya ng sungglasses at itim na facemask. Artista ba ito? Ganito ang mga napapanuod ko sa t.v na suot ng mga artista kapag nasa public places.
"Tabi! Emergency!" narinig kong sigaw ng isang nurse na nagtutulak ng stretcher. Tiningnan ko ang nasa stretcher at halos masuka ako sa aking nakita. Iyong pasyente duguan at basag ang mukha, nakalawit ang ang putol nitong kamay kaya kumalat ang dugo sa sahig mula sa kamay. Grabe na talaga ang mga tao ngayon napaka brutal ng pumatay. Isang himala kung makakaligtas pa siya, kaawaan sana siya ng Diyos.
Muli akong humarap sa daan upang ipagpatuloy ang pagalalakad ngunit sa aking pagharap ay ang akin ding pagbangga sa isang babae.
Siya 'yong babae kanina na parang artista. Nahulog ang kan'yang sunglasses sa sahig. Yumuko ako upang kuhanin ang salamin niya dahil wala yata siyang balak na pulutin ito. Iniabot ko ito sa kanya ngunit napakunot ang aking noo dahil malalim siyang nakatitig sa akin.
"Miss?" agaw kong atensyon sa kanya dahil hindi parin niya inaabot ang kan'yang salamin sa akin. Tinanggal niya ang kan'yang facemask, napasinghap ako sa aking nakita. Bakit kami magkamukha? Sa ilong, sa mata, sa labi, at sa hugis ng mukha, parehong-pareho. Hindi ko namalayan na hinahaplos ko na pala ang kanyang pisngi, napaka lambot nito. Mabilis kong inalis ang aking palad sa kan'yang pisngi nang ako'y matauhan.
"Pasensya na," hingi kong paumanhin sa kan'ya, kinuha ko ang kan'yang kamay at inilagay dito ang sunglasses na kanina ko pang hawak. Iniwan ko siya at dali-daling naglakad upang hindi na niya ako maabutan. Maraming tanong na nabuo sa aking isipan. Bakit ko siya kamukha? Kambal ba kami tapos pinaampon lang ni inay? Baka naman may anak sa labas si tatay? Si tatay kasi ang kamukha ko.
Narating ko ang cafeteria at pumila. Hindi mawala sa aking isip ang babaeng iyon. Sino ba siya? Base sa pananamit niya ay mayaman siya.
"Miss? Miss? Miss!" Nagulat ako sa sumigaw sa aking harapan.
"Po?" Nagtataka ko siyang tiningnan.
"Kanina pa kita tinatawag, ano ba ang order mo? Marami pa ang nakapila," nakataas na kilay niyang sabi sa akin sa matinis na boses. Napatingin ako sa aking likuran at nakitang napakadami nga ng nakapila. Tumungo ako pahiwatig na ako ay humihingi ng paumanhin. Hindi ko napansin na ako na pala ang nasa unahan ng pila dahil okupado ang aking isip. Tumingin ako sa menu nila na nasa itaas ng counter.
"Hmm. Dalawang mineral water at dalawang order ng kanin samahan mo na rin ng manok. Pa-take out," sagot ko sa kan'ya. Nagdadabog niyang ibinigay sa akin ang aking order na isinawalang bahala ko na lang. Marami na nga akong problema, idadagdag ko pa siya.
*****
Inihabilin ko muna si Inay kay Aling Rosa para makapasok ako sa trabaho sayang din kasi ang susuwelduhin ko ngayong araw.
"Manong bayad po." Ibinigay ko ang barya sa driver ng tricycle at bumaba sa tapat ng restaurant na pinagtatrabhuhan ko.
"Good morning Luna," bati ko at ngumiti ako sa kan'ya. Magkasabay kaming nag-apply rito kaya naging kaibigan ko siya. Galing siya sa mayamang pamilya, ngunit naglayas dahil balak siya na ipakasal ng magulang niya sa ibang lalaki, may boyfriend na kasi siya pero hindi tanggap ng kan'yang magulang.
" Hindi ba sabi ko sa'yo Sandra ang itawag mo sa akin kapag tayo lang ang magkasama," turan niya sa mahinhin na boses. Tumango lang ako sa kan'ya at isinuot ang apron para sa paghahanda sa pagbubukas ng restaurant.
Inilalagay ko ang juice sa lamesa ng isa naming costumer ngunit kinulbit niya ako kaya napunta sa kan'ya ang atensyon ko.
"Miss we don't ordered juice. Our order is wine," magkasalubong na kilay niyang saad. Tiningnan ko ang number na nasa table at number na nasa resibo, magkaiba. Pakiramdam ko ay pumunta lahat ng dugo ko sa aking mukha. Humingi ako ng paumanhin at kinuha ang inumin na inilagay ko sa kanilang lamesa.
"Bye!" paalam ng aking mga kasama sa isat-isa. Wala ako sa sarili na naglakad palabas ngunit hindi ko napansin na nasa harapan na pala ako ng pintuan kaya nauntog ako rito.
"Ouch!" daing ko habang hinihimas ang parte ng aking ulo na nauntog.
" 'Yan kasi ang t*nga-t*nga. Huwag mo kasi siyang kaisipin mahal ka rin no'n," nakangising saad ni Luna bago lumabas. Umasim ang aking mukha sa sinabi nya, napagkamalan pa kong may dyowa.
Habang ako ay naglalakad may nadaanan akong tindahan ng mga manika. Lumapit ako rito at sumilip mula rito sa labas dahil ang mga pader nito ay gawa sa bubog. Naagaw ng aking pansin ang manikang naka-display malapit sa pintuan kaya nahikayat ako na pumasok sa loob. Nakaupo ito sa maliit na wheel chair, nakasuot ng magandang saya at naka-braid ang buhok. Naaalala ko sa manikang 'to si Letty. Hindi na muling nakalakad si Letty simula noong maaksidente siya.
"Ma'am gusto mo ba 'yan? Meron po kaming sale ngayon, three hundred pesos na lang po iyan," napatingin ako sa sales lady na biglang nagsalita sa aking tabi. Kinuha ko ang aking pitaka at nakita kong limang daan na lang ang laman nito. Napabuntong hininga ako at dismayadong napatitig sa aking pitaka.
"Sa susunod na lang," saad ko sa sales lady at bigong lumabas sa tindahan.
Natanaw ko si Letty na nakatanaw sa mga batang naghahabulan mula sa bintana. Nakikita ko ang inggit sa kaniyang mga mata at nasasaktan ako dahil wala man lang akong magawa para muli siyang makalakad. Dahan-dahan akong pumasok sa bahay kaya hindi ako napansin ni Letty.
"Letty nasaan ang kuya mo?" tanong ko sa kan'ya. Nanlalaki ang mata niya na tumingin sa akin habang nasa dibdib ang kanyang palad kaya napatawa ako sa kan'yang reaksiyon.
"Ate! Ano ba? Ginulat mo ako!" naiinis niyang sigaw habang nakanguso.
"Kumain na tayo. Sean kakain na!" Itinulak ko ang wheel chair ni Letty na ibinigay pa ng kapit bahay namin na si Manong Lito noong namatay ang kanyang asawa, sa asawa niya kasi ito.
Nadatnan namin si Sean na nag-aayos ng pagkakainan sa kusina. Umupo kami at nagdasal bago magsimulang kumain. Tiningnan ko sila Sean at Letty na maganang kumakain, basta masaya sila at matupad nila ang kanilang mga pangarap masaya na rin ako.
"Kumusta ang pag-aaral mo Letty?" tanong ko kay Letty. Napansin kong tumigil sa ere ang pagkain na nasa kutsara na balak niyang isubo bago niya ito ibinaba.
"Okay lang," mahina niyang saad at umiwas ng tingin sa akin.
"Talaga?" paninigurado ko habang nanliliit ang mga mata. Tumango siya na tikom na tikom ang mga labi. Mamaya ko na lang siya tatanungin. Bumaling ako kay Sean na tahimik na sumusubo ng pagakain.
"Ikaw Sean, kumusta ang pag-aaral mo? Baka mamaya may nililigawan ka na?" nakangisi ko sa kan'yang tanong. Hindi mapakali ang kan'yang mga mata habang namumula ang mukha. Napataas ako ng kilay dahil sa kilos niya.
"Huwag mong sabihin na may girlfriend ka na?" mataray at may panghihinala kong tanong sa kan'ya.
"Wala ah!" Sunod-sunod niyang iling habang nanlalaki ang mata.
"Okay lang na magka-girlfriend ka basta huwag mong pababayaan ang iyong pag-aaral," paalala ko sa kan'ya. Wala namang problema kung magkaroon siya ng girlfriend, normal lang 'yon kasi binata na siya.
Sinundan ko si Letty pagkatapos ko na tulungan si Sean sa pagliligpit ng pinagkainan. Nadatnan ko siya na nagtutupi ng mga damit sa kuwarto. Lumapit ako sa kanya at umupo sa kama na nakaharap sa kan'ya.
"Puwede mong sabihin sa akin ang problema mo Letty." Mataman ko siyang tinitigan ngunit napasinghap ako ng biglang may tumulong luha galing sa kan'yang mata. Pinahid ko ito gamit ang aking hinlalaking daliri at niyakap siya kaya mas lalong lumakas ang kaniyang pag-iyak.
"Sabi kasi sa'kin ni Mae pabigat daw ako," humihikbi niyang saad habang nakayakap sa akin. Hinagod ko ang kan'yang likod upang gumaan ang kan'yang pakiramdam. Masyadong madamdamin si Letty kaya hanggang kaya ko ay iniiwasan kong magsalita sa kaniya. Alam ko na punong puno ng inggit ang kaniyang katawan dahil sa kalagayan niya. Kung pwede lang na ibigay ko sa kan'ya ang aking paa ay matagal ko ng ginawa. Pinaharap ko siya sa akin at hinawakan ang kanyang pisngi. Inilapit ko ang aking mukha sa kan'ya.
"Hindi totoo 'yon. Lahat ng tao ay may silbi kahit na gaano pa kahirap ang katayuan niya," I said with wheezy voice. Bahagyang umaliwalas ang kaniyang mukha sa aking sinabi. Tinabihan ko siya hanggang sa makatulog siya.
Inihahanda ko ang mga damit at mga gagamitin ni Inay sa hospital. Nang masigurado ko na nandito na lahat ay sinilid ko na ito sa bag. Bago ako umalis ay hinalikan ko muna sa noo si Letty na mahimbing na natutulog. Nadatnan ko si Sean sala na nagsusulat marahil ay gumagawa ng mga assignment.
"Sean ikaw na ang bahala dito sa bahay at mag-lock ka nang maigi," bilin ko sa kan'ya bago lumabas ng pintuan. Tumingin siya sa akin at tumango. Naglalakad ako papuntang sakayan nang biglang may humablot sa shoulder bag ko na naglalaman ng aking pera na sinuweldo ko kanina.
"Magnanakaw! Magnanakaw!" sigaw ko habang humaharurot papalayo sa akin ang motor na kan'yang sinasakyan kaya agad ko itong hinabol ngunit dahil sobrang bilis niya ay hindi ko na siya naabutan. Napaupo ako sa kalsada at napahilamos sa mukha. Wala na bang mas ikamamalas ang buhay ko? Lintik naman oh! Panay problema na lang. Nang magsabog yata ang Diyos ng kamalasan sinalo ko na yata lahat. Naagaw ang aking atensyong ng may pumaradang pulang kotse sa aking gilid. Lumabas dito ang babae kanina na aking nakabangga sa hospital.
"Hatid na kita, alam kong sa hospital ka pupunta," pag-aalok niya sa akin tiyaka binuksan ang pintuan ng kanyang kotse at inilahad nya ito sa akin. Kahit na nagdadalawang isip ay sumakay pa rin ako dahil tiyak na naghihintay na si Aling Rosa, sa kan'ya ko kasi pinakisuyo si inay kanina. Sa akin namang palagay ay hindi siya gagawa ng kahit anong bagay na ikasasama ng kan'yang kapwa dahil sa mala anghel niyang itsura. Tumingin ako sa kan'ya at nakatagpo ko ang kan'yang mata. Iniwas ko ang aking paningin sa kan'ya at inaliw na lang ang sarili na pagmasdan ang dinadaanan namin. Namayani ang katahimikan sa loob ng sasakyan. Hindi ako nagtangkang magtanong dahil hindi ko alam kung saan sisimulan.
"Maraming salamat," saad ko sa kaniya habang tinanggal ang seatbelt bago lumabas. Tumango lang siya sa akin mula sa bintana at makahulugang ngumiti bago pinaandar ang kanyang sasakyan. Napakunot ang aking noo sa kan'yang kinilos pero isinawalang bahala ko na lang ito. Pumasok ako ng hospital at tinahak ang daan papuntang silid ni inay. Nadatnan ko sila Aling Rosa at Inay na nagtatawanan.
"Pasensya na po kung nahuli ako pinatulog ko pa kasi si Letty," nakayuko kong saad kay Aling Rosa. Hindi ko na binanggit ang insidente kanina bago ako pumunta dito dahil mag-aalala lang sila ni Inay.
"Okay lang, hindi naman ako nainip. Oh siya, aalis na ako." Isinakbit niya ang kan'yang bag at nagpaalam sila ni inay sa isa't isa bago lumabas ng silid. Pinainom ko muna si inay ng gamot bago ako nahiga sa sofa. Nagpakawala ako nang malalim na buntonghininga para kahit paano ay mabawasan ang stress ko. Dahil sa pagod ay mabilis akong nilamon ng antok.