Chapter 4 Make over

Naglalakad ako dito sa kanto pauwi sa amin dahil ang nasakyan kong tricycle ay hindi dumiretso sa tapat ng bahay namin. Napapaisip pa rin ako kung sino ang nagdala sa akin sa hopital. Hindi ko matanong ang receptionist kanina dahil wala akong pambayad tanging singkuwenta pesos lang ang laman ng aking wallet na ipinambayad ko pa sa sinakyan ko kanina. Pasado alas dose na ng madaling araw base sa de keypad kong cellphone na ibinigay pa sa akin ng katrabaho ko na paniguradong pinaglumaan na niya ito.

Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin ang pinag-usapan namin ni Yvette kanina, tama ba ang desisyon ko? Isipin ko pa lang na malalayo ako kina Inay ay nalulungkot at nangangamba na ako para sa kanila.

Huwag ko na lang kayang ituloy?

Napailing ako sa aking naiisip. Hindi puwede, mawawalan ng pagkakataon si Letty na muling makalakad at mas matindi maaring mawala sa amin si Inay. Binuksan ko ang pintuan at bumungad sa akin si Letty na natutulog sa kaniyang wheelchair sa sala, bahagyang nakatabingi ang ulo nito at nakaharap sa may pintuan. Nilamon ng konsensya ang aking loob dahil sa aking nasaksihan, marahil ay nakatulog na siya sa paghihintay sa akin. Sinapo ang gilid ng ulo niya at inayos ang pagkakasandal sa kaniyang wheelchair bago ito itinulak papasok sa kuwarto. Sinusubukan ko siyang buhatin nang bumukas ang kaniyang mga mata.

"Ate ikaw na ba 'yan," wika nito habang namumungay ang mga mata pagkatapos ay humikab.

"Oo, bakit kasi hinintay mo pa ako," saad ko sa kaniya habang inaalalayan siya na humiga sa kama, nagkoopera na ang kaniyang katawan siguro ay gising ang kalahati ng kaniyang diwa.

"Ipagpatuloy mo na ang iyong pagtulog," sabi ko sa kaniya na hindi naman niya tinugon. Nang masigurado kong tuluyan na siyang muling mahimbing natulog ay kinumutan ko siya. Hinalikan ko siya sa noo bago tuluyang lumisan sa silid niya. Nanunuyo ang aking lalamunan kaya pumanhik ako papuntang kusina, may mga pagkaing nakahain sa mesa na wala pang bawas. Mas lalo akong nilamon ng konsensya nakatulog na sila na walang laman ang sikmura kakahintay sa akin. Palagi kasi kaming sabay-sabay na kumakain. Napabuntong hininga ako kumuha na lamang ng tubig. Lalo akong nahihirapan na iwan sila. Napansin ko ang puting envelope sa gilid ng water jug, naglalaman ito ng notice para sa tuition fee ni Sean. Akala ko ba ay scholar siya kaya wala siyang binabayaran na kahit na singko sa eskuwelahan na pinapasukan niya.

"Ate?" Napabaling ako ng tingin kay Sean na nagkukusot ng mata. Napatuwid siya ng tayo nang dumapo ang paningin niya sa hawak kong envelope.

"Sa'yo ba 'to," tanong ko sa kaniya at bahagyang itinaas ang envelope.

"A-ahh, kasi ano." Kumamot siya sa kaniyang batok at iniwas ang tingin sa akin.

"Ano?" Tinaasan ko siya ng kilay, ayoko siyang pangunahan kasi ang gusto manggaling mismo sa bibig niya kung anong nangyari. Napansin ko siyang humugot ng malalim na hininga bago sinalubong ang mga tingin ko.

"Hindi naman talaga totoo na scholar ako, hindi sila tumatanggap ng scholar. Nagtatrabaho ako bilang bartender sa bar para pambayad sa tuition fee. Gusto ko lang maranasan ang private school," pahina ang boses niya at yumuko siya pagkatapos magsalita.

"Sean naman! Nagpapakahirap akong magtrabaho at kahit anong trabaho pinapasok ko para lang hindi na kayo mahirapan at magtrabaho! Ang gusto ko pag-aaral muna ang aatupagin mo!" dismayado kong sigaw sa kaniya.

"Ngayong taon lang naman, eh. Gusto ko lang naman na maranasan na pumasok sa isang private school," depensa niya sa mahinahong boses. Hindi ko nagustuhan ang dating ng mga sinabi niya. Para bang kasalanan ng pagiging mahirap namin kaya hindi siya makapasok sa paaralang gusto niya.

"Sorry, ha kung mahirap tayo. Ano bang pinagkaiba ng public sa private?! Magkapareho lang naman silang eskuwelahan, ah?!" mapait at halos pumiyok sa pagsasabi sa kaniya.

"Hindi naman gano'n ang ibig kong sabihin," nakakunot at magksalabong na kilay niyang saad sa mahinahon na boses. Ibinuka ko ang aking bibig ngunit muli itong sumara nang makita ko si Letty.

"Nag-aaway ba kayo?" tanong niya na mahahalata ang pag-aalala sa mukha. Umiling kami ni Sean.

"Hindi. Tara matulog ka na ulit, tatabihan kita." Lumapit ako sa kaniya at itinulak ang wheelchair niya. Lumisan kami sa kusina na hindi ko nililingon o tinatapunan ng tingin si Sean, masama ang loob ko sa kaniya. Tumingala si Letty at tinitigan ang aking mukha.

"Bakit kayo magkaaway ni Kuya? Aong nangyari?" Puno ng kuryosidad na tanong niya.

"Hindi kami nag-aaway. May hindi lang pagkakaintindihan," Paliwanag ko sa kaniya na hindi na lamang niya tinugunan pero alam kong hindi siya kontento sa sinabi ko.

****

Pinainit ko ang mga pagkain na hindi nakain kagabi. Kumain kami ng tahimik hanggang sa natapos na walang umiimik at hindi nagpapansinan.

"Letty aalis ako, sabihin mo sa kuya mo siya muna ang magbantay kay Inay," sabi ko kay Letty kahit na si Sean ay nasa tabi lang nito.

"Akala ko ba hindi kayo magkaaway? Eh, bakit hindi kayo nagpapansinan?" inis na saad ni Letty. Nagkibit balikat na lamang ako at umalis na. Nandito ako sa harap ng coffee shop at hinihintay ang susundo sa akin na sinasabi ni Yvette. May tumigil na pulang Montero Sport sa aking harapan at bumusina ito. Bumaba ang bintana nito at dumungaw ang isang babae. Kulot at sa tingin ko ay natural ang pagkakapula ng buhok nito. Inalis nito ang kaniyang shade kaya nakita ko ang malalim na kulay tsokolate nitong mga mata. Napansin ko ay mahilig ang mayayaman na magsuot ng shade kahit na hindi maaraw.

"Stella, right?" Tumango ako sa kaniya. "Trisha Guzman, Yvette's bestfriend," Inilabas niya ang kaniyang kamay mula sa bintana ng kaniyang kotse. Inabot ko ang kaniyang kamay at naramdaman ko kung gaano kalambot ang kaniyang palad, para itong bulak. Na-conscious naman ako sa palad ko baka kasi magaspang ito kaya agad kong pinakawalan ang banayad niyang palad. Pinapasok niya ako sa kaniyang kotse.

"May problema ba sa mukha ko? Kanina ka pa kasi tingin nang tingin." Kinapa ko ang aking mukha at kinuha ang panyo sa bag ko upang punasan ito. Narinig ko siya na mahinang tumawa.

"No, no, no. Hindi lang talaga ako makapaniwala na kamukhang kamukha mo si Yvette. Akala ko ay nagloloko lang siya. Kung hindi ko kilala ang pamilya nila at kung hindi ko siya kasamang lumaki ay mapagkakamalan kitang nawawalang kapatid niya," mahaba niyang alintana at tumingin sa akin na may pagkamangha sa mukha.

"Nagkataon lang siguro," kibit balikat kong saad sa kaniya.

"Impsible! Magkamukhang magkamukha kayo!" Mahina niyang hinampas ang manibela. Hindi ko siya pinansin kasi miski ako hindi ko rin alam ang kung bakit kami magkamukhang magkamukha ni Yvette, siguro ay nagkataon nga lang siguro. Inaliw ko ang sarili na pagmasdan ang aming dinadanan at nilanghap ang hangin. Pumasok kami sa isang medyo masukal na daan ngunit sementado. Bumungad sa akin ang hindi kalakihang gate at modernong bahay. Napansin ko ang maliit na swimming pool niyon sa gilid mula dito sa labas ng gate. Bumaba si Trisha at kinalampag ang gate.

"Hoy, Yvette! Buksan mo nga itong gate! Yvette!," Sigaw niya sa matinis na boses habang kinakalampag ang gate. Napangiwi ako dahil sa lakas ng boses ni Trisha na nage-echo sa buong lugar. Lumabas si Yvette ng bahay na lukot na lukot ang mukha. Nakasuot ito ng yellow dress na lalong nagpalitaw sa kaniyang kaputian.

"Oh, shut up Trish! Para kang may kaaway. And why you are so tagal?" Umikot ang mata ni Yvette at binuksan ang gate. Humaba ang nguso ni Trisha at bumubulong na papunta sa sasakyan.

"Are you saying something, Trisha?" Nakapamaywang na saad ni Yvette.

"Wala!," Nagdadabog na sumakay si Trisha sa kotse at mas lalong humaba ang nguso.

"Ang taray talaga ng babaeng 'yon. Kung hindi ko lang siya kaibigan nakalbo ko na siya," maktol ni Trish bago binuksan ang makina ng kotse. Naiinis siya kay Yvette pero hindi niya pa rin iniiwan- true friends.

Maliit ang loob ng bahay kasi pagkapasok ko ay kita na agad ang mini kitchen at sala. May tatlong pinto marahil ay banyo at kuwarto.

"Take a seat," Umupo ako at tahimik na hinintay ang sunod nilang sasabihin. Ngunit nakalipas na ang ilang minuto ay hindi pa rin sila nagsasalita. Abala si Trisha sa pagpindot sa kaniyang cellphone habang si Yvette naman ay nagbabasa ng isang magazine.

"Ahhh-," naputol ang aking sasabihin nang may bumusina sa labas. Tumayo si Trisha at pinagbuksan ito ng gate. Pumasok ang isang baklang may dalang kit.

"Ito na ba ang sinasabi ninyo," Sinundan ko siya ng tingin habang pinaiikutan ako. Napahalukipkip ako sa aking kinauupuan dahil hindi ako komportable sa ginagawa niya. Napayos ako ng upo no'ng pumalakpak siya.

"Bongga! Pak na pak. Kabog ka, teh," maarte niyang wika at itunuro si Yvette.

"Ipapaubaya ko na siya sa'yo. Nage-expect ako ng magandang resulta." Kinuha ni Yvette ang kaniyang bag at hinigit si Trisha palabas ng bahay.

"Hi darling! You can call me Madame Den, I'll be your fairy goddess mother," Nagtaas baba ang kaniyang kilay tiyaka ako hinila sa loob ng isang silid. Pinaupo niya ako sa harap ng vanity table.

"Aray!" daing ko, sinusuklay niya ang aking buhok. Marami siya ginawa sa aking katawan, inunat ang buhok ko, kinulayan ang aking mga kuko ng pula at nilagyan ng make up. Hinihiling ko na matapos na ang ginagawa sa akin ni Madame Den dahil nangangati na talaga ang aking mukha sa make up.

"Pak Ganern," Hinampas niya ang gilid ng puwet niya at nakaipit ang brush sa pagitan ng daliri. Pinigilan niya ako na humarap sa salamin.

"No, no. We're not yet done."Binuksan niya ang closet ang kinuha ang yellow dress na katulad ng suot ni Yvette. Pinatayo niya ako at itinapat ang dress sa katawan ko.

"Suotin mo ito. Bilis," Itinulak niya ako papasok sa banyo at siya na ang nagsara ng pinto. Napahinga ako ng malalim at sinunod na lang ang sinabi niya. Masikip ang damit, lapat na lapat sa aking balat ang tela nito. Hindi ako sanay at komportable sa aking suot dahil tiyak na lalabas ang hubog ng aking katawan. Nakayuko akong lumabas ng banyo. Naramdaman ko siyang lumapit sa akin at hinawakan ang aking baba upang itaas ang aking mukha.

"Chin up, ang tunay na maganda ay tinitingala ng mga tao. Paano ka titingalain kung nakayuko ka?" Tama, kailangan ko ng confidence dahil gano'n si Yvette punong puno ng confidence sa katawan. Pumalakpak si Madame Den at pinaharap ako sa salamin.

"Pulchritudinous," Huh? Ano daw? Ayoko nang isipin ang sinabi niya na hindi sakop ng bokabularyo ko. Pinakititigan ko ang repleksyon ko sa salamin. Ako ba ito? Para akong isang kaluluwang sumanib sa katawan ni Yvette. Ngayon lang na-absorb ng utak na may kasunduan nga pala kami ni Yvette. Hinipo ko ang aking mukha at mapait na napangiti. Magsisimula na ang bago kong katauhan, kailangan ko itong gawin para sa kapakanan ng aking pamilya.

"Oy, oy! Huwag kang iiyak masisira ang make up mo. Mapangit ba ang ginawa ko?" Umiling ako habang nakatingin pa rin sa repleksyon ko sa salamin. Bumuntonghininga ako at tumingala upang pigilan ang mainit na likodong nagbabadyang kumawala sa aking mata. May itinapat ni Madame ang libro sa aking mukha.

"Kailangan mong matutong lumakad na parang isang Miss Universe. Ang isang maganda kahit kailan hindi naglalakad na parang siga sa kanto," Ani niya.

"Chin up, stomach in, chest out and straight shoulder." Hinampas niya ang likod ko at itinaas ang aking baba gamit ang isang plastic stick. Ipinatong niya ang libro sa aking ulo.

"Walk slowly na hindi nahuhulog ang libro at panatilihin ang postura," Kumunot ang aking noo at hindi ginawa ang kaniyang sinabi. Kailangan pa ba ito?

"Lakad!" Nagitla ako sa pag sigaw niya na sinabayan pa ng paghampas ng stick sa upuan. Dahil sa pagmamadali ay nahulog ang libro.

"Again!" Hinampas niya muli ang upuan kaya inulit ko ang paglakad. Halos isang oras ko na yata na binabalanse ang libro. Kung hindi nalalaglag sa ulo ko ay mali ay postura ko. Ang hirap pala maging mayaman.

"Very good!" Napahinga ako ng maluwag nang marinig ko ang salitang kanina ko pa hinihintay. May kinuha siyang 6 inches na heels at pinasuot sa akin.

"Balansehin mo muli ang libro habang suot ang heels," Bumagsak ang aking balikat sa narinig ko. Akala ko ay tapos na ang kalbaryo ko- hindi pa pala.

"Ang maganda ay dapat na mas mataas sa iba," alintana niya. Puwes ayoko na maging maganda!

Sobrang sakit na ng aking paa, ilang beses akong natatapilok at natutumba. Hinagis ang libro na nahulog sa sahig at tinggal ang heels.

"Ayoko na!" Naiinis kong saad. Napupuno na ako dumagdag pa ang sakit ng paa ko at pagod .

"Ang magaganda ay hindi sumusuko kahit na sobrang nahihirapan na sila. Trust the process," Seryoso niyang saad at idinuro sa akin ang stick na hawak niya. Tama, ngayon pa ba ako susuko. Pumikit ako at inalala si Inay na nakaratay sa hospital, si Letty at ang pag-aaral ni Sean. Gunagawa ko ito para sa pamilya ko, lumalaban ako para sa kanila kaya hindi dapat ako sumuko. Tumayo ako sinuot ang heels. Muli kong binalanse ang libro na puno ng determinasyon.

"Perfect!" Kumurba ang aking labi sa aking narinig. Kasalukuyan kaming nakaupo sa sala ni Madame at hinihintay ang pagdating nina Yvette. Binigyan niya ako ng juice bago umupo.

"Hindi mo ba talaga kambal si Yvette," Sinipat niya ang aking mukha. Pangalawang beses ko na itong narinig mula ngayong araw. Umiling ako sa kaniya.

"Okay. Sabi mo, eh." Napunta sa pinto ang aming atensyon nang bumukas ito. Iniluwa nito sina Yvette at Trisha na may hawak na paper bag. Lumapit sa akin si Trisha at namamnghang tumingin sa akin.

"Sino sa inyo si Yvette, Ikaw ba?" tanong niya sa akin. Inilapit niya sa akin ang kaniyang mukha kaya napaatras ako. Lumapit siya kay Yvette. "O ikaw? My godness! I kenat, I kenat."

Maging si Yvette ay sinipat ang aking mukha. Nang makontento ito sa pagtitig sa aking mukha ay lumapit ito kay Madame Den.

"You never failed me, Adonis." Umikot ang mata ni Madame Den at nandidiring tumingin kay Yvette.

"What a disgusting name!"

"Ang pogi kaya ng pangalan mo!" sabat ni Trisha. Pabirong sinabunutan ni Madame si Trisha.

"Are gou ready?"

                         

COPYRIGHT(©) 2022