Chapter 8 Part 8 - Picture Frame

Nakaupo sa magkabilang dulo ng lamesa sina Father Eman at Father Tonyo. Alas tres na ng madaling araw at nasa loob sila ng meeting room sa unang palapag.

"Itigil mo na ang kahibangang ito, Father Tonyo. Sa malao't madali may makakadiskubre sa mga ginagawa natin at kapag nangyari 'yun katapusan na na nating lahat," mahinahon ang boses ni Father Eman. Sa harapan niya ang isang bote ng red wine na nangangalahati na ang laman. Nitong mga nagdaang mga buwan napapadalas ang kanyang pag-inom.

"Itigil ang alin, Father Eman? Ginagawa ko lang naman ang huling habilin sa atin ni Father Greg. Sa akin niya ipinagkatiwala ang misyon. Alam mo naman siguro ang mangyayari kung hindi ko pinagpatuloy ang sinabi niya. Matinding trahedya ang dadanasin ng mundo kung hindi natin susundin ang mga sinabi niya. Alam kong alam mo 'yan dahil kinausap ka rin niya bago siya mamatay." Hindi direktang nakatingin si Father Tonyo kay Father Eman habang nagsasalita. Abala kasi ito sa pagpirma ng mga liham na ipapadala niya sa iba't ibang organisasyon at charitable institutions upang manghingi ng mga donasyon para sa sinusuportahan niyang Sanctuary For The Abandoned Elders.

"Alam ko ang ibig mong sabihin. Pero hindi sa ganitong paraan. Hindi pa ba sapat ang mga binibigay nating alay sa kanya dati? Hindi pa siya kuntento sa mga 'yun?" Nagbuhos ulit ng alak si Father Eman sa kanyang baso at ininom ang lahat ng laman nito nang tuloy-tuloy. Nagpahid siya ng kanyang mga labi pagkatapos.

"Father Eman, napapansin kong napapadalas na yata ang pag-inom mo. Hindi magandang ehemplo sa ating mga taga-simbahan ang ginagawa mo. Mahirap nang mapulaan." Nag-angat ng ulo si Father Tonyo at tinignan nang maigi ang itsura ng kasamahang pari. Mukhang lasing na si Father Eman. Halata sa namumungay nitong mga mata at namumulang mga pisngi. Mukha na itong mabaho kahit hindi niya pa ito naamoy nang malapitan. Bumalik sa pagsusulat si Father Tonyo upang hindi mahalata ng kausap ang pandidiri nito sa kanya.

"Huwag mo akong pangaralan tungkol sa moralidad o ng kung anumang ka-ipokritohan mo. Iba ang sinasabi mo sa kung ano ang ginagawa mo. Baka hindi mo alam, kaya ka nagkakaganyan ay dahil sa mga regalong ibinibigay niya sa'yo. Ano 'yang relo at singsing na suot mo? Saan mo nakuha 'yan? Mga bagong bili? Sa'n ka kumuha ng pera? Dalawa lang 'yan: kung hindi ka nangungupit sa mga donasyon para sa simbahan malamang regalo "niya" sa'yo 'yan 'di ba?" Humagikhik si Father Eman.

Napatayo si Father Tonyo. Nagngingitngit siya sa galit. "Hindi ako papayag na umupo na lang dito at bastusin mo nang ganito, Eman. At anong gusto mong gawin, ha? Sabihin mo at nang matapos na ang mga walang kuwenta mong pinagsasabi d'yan."

"Sigurado ka ba? Ako pa ang walang kuwenta ngayon. Sabihin mo sa akin Father Tonyo, sino ba sa tatlong *bata* ang susunod? Si Mary Beth, si Lila ba o baka naman si Minggay?" Tumawa nang malakas si Father Eman. "Noong nag-pari ako akala ko matatakasan ko na ang impyerno sa labas. 'Yun pala sa impyerno rin ang bagsak ko dito."

"Sssssshhhh! Itigil mo na 'yang mga pinagsasabi mo at baka kung sino pa ang makarinig," saway ni Father Tonyo sa lasing na kasamahan.

"Anong tumigil? Ikaw ang magtigil, Father Tonyo. Bakit hindi na lang kasi tayo bumalik sa dati nang sa gayon wala tayong nasasaktan at dinadamay na mga inosenteng buhay," hinawakan ni Father Eman ang bote ng wine at saka iyon tinungga.

"Hindi na gusto ng bantay ang mga dati nating binibigay sa kanya. Simula ng matikman niya ang sariwang dugo, hindi na siya tumatanggap ng mga patay. Gusto niya ang sariwang dugo mula sa pumipintig na puso. Kung hindi natin iyon maibibigay sa kanya, lilisanin niya ang kinalalagyan niya. At ano sa tingin mo ang mangyayari, Father Eman? Ano sa tingin mo?" Mahinahon si Father Tonyo sa pagsasalita habang inililigpit ang mga papeles at sulat na tapos na niyang pirmahan.

"Anong mangyayari? Maglalabasan ang mga diyablo sa lagusan? Seryoso ka ba? Nagpapaniwala ka kay Father Greg - sa matandang 'yon na walang ginawa kung hindi buntisin lahat ng babae dito sa lugar natin. Tantanan mo 'ko Antonio. Hindi ako pinanganak kahapon lang," sumandal si Father Eman sa upuan. Natanaw niya ang litrato ni Father Greg na nakasabit sa pader sa ulunan ni Father Tonyo at nakaramdam siya na gusto niya itong batuhin ng baso. Pero hindi niya iyon tinuloy.

"Tapatin mo nga ako, Father Eman. Kaya ka ba nagkakaganyan ay dahil hindi sa'yo ipinagkatiwala ni Father Greg ang susi? Na-i-inggit ka ba sa 'kin, Father Eman?" Hinawakan ni Father Tonyo ang kuwintas na may gintong susi na pendant na nakasabit sa leeg.

"Bakit ako ma-i-inggit sa mamamatay taong katulad mo?"

"At bakit hindi, Father Eman? Nasa akin ang susi. Anuman ang hilingin ko, natutupad dahil sa pamamagitan nito hawak ko ang bantay," pagyayabang ni Father Tonyo. Itinago niya ang kuwintas sa loob ng kanyang sutana.

"Hangal! Sa tingin mo may bisa 'yang susi na pinagmamalaki mo oras na lumayas ang bantay sa kinalalagyan niya? Hawak mo lang ang susi ng mismong lagusan, pero hindi ng bantay." Kahit nahihilo tumayo si Father Eman mula sa kinauupuan niya at lumapit siya kay Father Tonyo. "Hindi magtatagal kakainin tayong lahat ng dilim."

"Kaya nga't samahan mo ako. Samahan mo akong bantayan ang bantay. Kailangan ko lang ng sariwang dugo para kumalma siya. Para mapasunod siya," pakiusap ni Father Tonyo. Hawak-hawak niya sa balikat si Father Eman at amoy niya rin ang singaw ng hininga nito na kasing bango ng panis na alak.

Sasagot pa sana si Father Eman nang may marinig silang yabag ng mga paa mula sa labas ng kanilang silid. Mabibigat ang mga hakbang nito. Nagkatinginan ang dalawang pari.

"Naririnig mo ba 'yun, Father Eman? Nagugutom na ang bantay. Naglilibot-libot siya dito sa loob ng bahay kahahanap ng sariwang dugo at kapag wala tayong maibigay sa kanya, lalayas siya at mabubuksan ang lagusan. 'Yan ba ang gusto mong mangyari? Sinasabi mong kasinungalingan lahat ng pinagsasabi sa atin ni Father Greg, kung gano'n anong tawag mo sa nilalang na nasa labas ng pintong 'yan?" Nakatitig si Father Tonyo sa mga mata ni Father Eman. Tiim bagang at hindi kumukurap.

Ilang sandali pa, nawala ang yabag ng mga paa at kasabay nu'n lumabas na rin ng silid si Father Eman. Galit na iniwan nitong nagseselyo ng mga sulat si Father Tonyo.

            
            

COPYRIGHT(©) 2022