/0/27832/coverbig.jpg?v=d14a39fde6e383c4739acef3da1012b6)
Maigi na lang at hindi nag black out sa buong sanctuary. Sumabog lang ang mga fluorescent lamps sa ceremony hall pero hindi nito naapektuhan ang daloy ng elektrisidad sa buong pasilidad. Lumipat sila sa isa pang bulwagan, pero mas maliit ito doon sa mas naunang pinagdausan nila ng programa.
"I'm so sorry. That will be the end of our presentation and program today," paliwanang ni Ate Mira sa mga matatanda at staff na mukhang nahimasmasan na. Ang grupo naman ni Father Tonyo, nasa isang sulok, nalilito pa rin sa kung ano ba talaga ang nangyari.
"I think, kailangan na natin magpaalam sa kanila." Kalmado si Father Tonyo sa kabila ng napunit na manggas nito dahil sa pagpupumiglas ng lolo na binuhat niya kanina.
Kinausap ni Father Tonyo si Ate Mira at sila ay nagkamayan. Pinagmamasdan ni Minggay ang nagwalang lolo at nakita niya itong mistulang bata na nakatalungko sa ilalim ng lamesa. Wala itong bukambibig kundi, "Kinuha nila si Binoy. Kinuha nila si Binoy. Kinuha nila si Binoy."
Pagsakay ng jeep, mas naging komportable na ang puwesto nila Minggay at Lila dahil wala na ang mga sako ng mga donasyon. Kasama na rin nila si Father Tonyo sa loob para naman daw mas makahinga sina Manong Jerry at 'yung driver sa harap.
"Father, ano pong nangyari du'n? Bakit nagsipagputukan 'yung mga ilaw?" Tanong ni Lila.
"Eh, sabi n'ung isang staff baka raw nagkaroon ng short circuit, hindi natin alam," sagot naman ng pari. Tastas na ang kaliwang manggas nito at halos humiwalay na sa kanyang damit.
Napansin naman iyon ni Minggay. "Eh, Father ano po kayang nangyari du'n kay lolo. Bigla na lang po kasi niya akong hinawakan tapos kung ano-ano ang pinagsasabi niya sa akin. Hindi ko nga siya maintindihan. Medyo masakit 'yung kapit niya sa mga braso ko kanina. Parang magkakapasa nga ako."
Pinakita nga ni Minggay ang mga braso sa mga kasama. Mayroon nga itong mga marka na nagsisimula ng mangitim.
"Ah, ayun ba? Sabi si akin ni Mira 'yun daw 'yung matalik na kaibigan ni Binoy sa sanctuary kaso nakalimutan ko na pangalan. Medyo nagkaroon lang daw ng diperensya sa pag-iisip noong nalamang nawawala si Binoy. Eh, dinamdam niya siguro kaya ganu'n," paliwanag ni Father Tonyo.
"Bakit po ba kasi nawala si Lolo Binoy? Sabi mo kanina lumabas lang ng bahay tapos hindi na nakabalik dahil ulyanin na? Gano'n po ba?" Tanong ni Minggay habang ibinabaling-baling ang mga braso para inspeksyunin kung may iba pa siyang pasa na hindi nakita.
"Hindi lang siya basta ulyanin. May sakit siya na kung tawagin ay dementia. Mas matindi pa 'yon kaysa sa simpleng pag-uulyanin lang. Minsan nga hindi na niya maalala kung paano isuot nang tama mga damit niya kaya kailangan pa siyang tulungan ni Nana Conrada." Tuluyan nang hinigit ni Father ang natastas niyang manggas kasya iwan itong nakalaylay. "Isang araw siguro naiwan naming bukas ang pinto kaya ayun, lumabas siya nang hindi namin alam at hindi na niya alam kung paano bumalik. Sana nga nasa maayos siyang kalagayan ngayon. Lagi kong pinagdadasal 'yang si Lolo Binoy."
Humirit pa ng isa si Minggay. "Eh, sino naman po 'yung sinsasabi niya sa akin na Ser... Ser.. Serbero... Serberus?... parang gano'n. 'Yun po kasi ang sinisigaw niya sa akin."
Bago siya sagutin ng pari, mula sa rearview mirror sa harap ng jeep, nakita muna ni Minggay na nagkatinginan sina Manong Jerry at Father Tonyo. "Ah... Hindi ko rin alam kung ano o sino 'yun. Pasensya na."
+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+
Sa wakas at nakauwi na rin. Tanaw na ni Minggay ang arko sa hangganan ng dalawang bayan na nagsasabing, "Welcome To Villapureza". Makakapagpahinga na rin dahil sa matagtag na biyahe at mainit na panahon. Kanina pa siya nauuhaw kaya balak niyang ubusin lahat ng malamig na tubig sa refrigerator pagdating na pagdating sa Casa.
Kaya lang mauudlot sandali ang plano ni Minggay. Nabutas kasi ang dalawang gulong sa likod ng jeep pagdaan nila ng plaza.
"Father, pasensya na po. Nabutas po kasi 'yung mga gulong ko. Ayusin ko na lang po muna. Hindi ko na po kayo maihahatid sa Casa. Puwede niyo naman pong lakarin na lang, tutal malapit na 'yon dito." Sinipat ng driver ang mga gulong. "Mga buwisit na batang ire! Nagbatuhan na naman siguro ng mga pako dito."
"Sige na... Sige na.. ayos lang kami. Huwag mo na kagalitan 'yang mga bata. 'Yung bayad sa renta ipapaabot ko na lang kay Manong Jerry bukas. Wala na akong cash dito." Halos itaktak na ni Father Tonyo ang wallet pero ni singkong duling walang nahulog dito.
"Ah okay lang po, Father. Mauna na po kayo't ako na ang bahala dito. Salamat po ulit." Kumuha ng flashlight ang driver mula sa kanyang toolbox at inilawan ang gulong para makita nang maigi ang pinsala.
Paalis na sana ang grupo nang may naulinigan silang sumisigaw sa malayo. "Ate! Ate! Ate Minggay!"
Kilala ni Minggay ang boses na iyon. Paglingon, yumakap ang may-ari ng boses sa hita ni Minggay. "Ate Minggay, sa'n ka galing? Iwan mo na kami nila Mama."
Si Caloy. Napakarusing ng itsura nito at iisa lang ang suot na tsinelas sa paa. May hawak itong dalawang piso sa kamay galing sa limos ng mga nagdaraang tao.
Nagulat si Minggay. Sinabi niya sa mga kasamang ulila na siya. Hindi nila puwedeng malamang may kaugnayan siya kay Caloy kaya isa-isa niyang kinalas ang maninipis nitong mga braso mula sa pagkapit sa kanya.
"Sino siya, Minggay? Kilala mo ba siya?" Tanong ni Father Tonyo.
"Hi-hindi po, Father. Siya lang po 'yung batang madalas kong bigyan ng limos dito noon," pagsisinungaling ni Minggay. Ang puso niya umakyat na yata sa kanyang lalamunan.
Lumapit ang isang matabang babae. Ilang metro pa lang ang layo sa kanila, kilala na ni Minggay kung sino ito base sa kanyang manerismo. Si Mama Linda. Marahan nitong hinila si Caloy papunta sa kanya. "Halika nga dito't 'wag mong iniistorbo sina Father. Pasensya na po, Father."
"Ate Minggay, uwi ka na," iyak ni Caloy.
Humihingi ng tawad si Mama Linda sa pari pero ang mga nanlilisik nitong mga mata ay kay Minggay nakatingin. Noong mga oras na iyon, wala ng hiling si Minggay kundi ang kainin ng lupa.
"Kayo naman. Lila, paki-abot nga 'yung mga hamburger at spaghetti na galing du'n sa sanctuary kanina. 'Yung mga hindi natin naubos," utos ni Father Tonyo kay Lila na agad namang inabot ang plastik na naglalaman ng mga tirang pagkain.
Lumuhod ang pari at inabot kay Caloy ang supot. "Ayan, 'wag ka ng umiyak. Sa'yo na lang 'yang spaghetti at hamburger."
"Naku Father, 'wag na po. Nakakahiya naman," kunwari pang tumatanggi si Mama Linda.
"Ayos lang 'yan. Para 'yan sa bata."
"Naku, thank you po, Father. Blessing po sa inyo," nakangiting-aso si Mama Linda habang nakatitig kay Minggay. "Tara na, anak. Uwi na tayo. May masarap tayong pagkain ngayon. 'Yung isa mong kapatid kasi noon hindi na tayo binalikan at hinayaan na lang niya tayo magutom."
Napakunot noo na lang sina Father Tonyo at Lila sa sinabi ng aleng mataba habang naglalakad ito papalayo karay-karay ang anak. Hindi sila sigurado kung may pinatutungkulan ba ito sa mga sinabi niya. Samantalang halong awa at takot naman ang namamayagpag sa dibdib ni Minggay noong mga oras na iyon.