Genre Ranking
Get the APP HOT
Home > Romance > Minerva (Filipino)
Minerva (Filipino)

Minerva (Filipino)

Author: : FranxxG.
Genre: Romance
Isa lang naman ang hinahangad ko sa buhay kun'di ang makasama ang aking mga mahal sa buhay – masayang manirahan sa payak at tahimik na lugar – ngunit bakit mo ito kinuha sa akin? Kinuha mo ang lahat-lahat sa akin, binaboy, at pinagmukha mo akong mahina. Hindi ko alam kung tao pa ba ako o isa mo lang laruan. At ngayon, may gana kang humingi ng kapatawaran sa akin? Sa kabila ng lahat? Kaya mo bang ibalik ang lahat ng buhay na mga kinuha mo sa akin sa oras na humingi ka ng tawad? Kahit kailan, hindi ko ito matatanggap. Gagawin ko ang lahat upang ang hustisya ay mapasaakin at ipapakita ko sa buong mundo kung gaano kalakas ang babaeng iyong minamaliit.

Chapter 1 KABANATA I: POOT

Noong unang panahon, may isang magandang babae ang naninirahan sa kalagitnaan ng gubat. Kasama ang kan'yang kasintahan ay masaya silang nagsama at hinarap ang buhay. Ngunit ang kanilang payak na pamumuhay ay masisira nang may isang taong gusto pabagsakin ang babae.

Kilala ang babae sa kagalingan n'ya sa paggawa ng medisina, marami na ang kaniyang natulungan at napagaling kaya naman kilala siya sa buong bayan.

Kinalat ang nasabing tao ng mga masasamang paratang upang pabagsakin ang babae. Sa kasamaang palad marami ang kaniyang napaniwala.

Sa isang tahimik na araw, sinugod at kinuha ang babae ng mga taong bayan na hindi nalalaman ng lalaki at siya ay pinagbintangang mangkukulam. Pinag-isipan siya nang masama ng mga taong kaniyang tinulungan at nakasama nang matagal kumpara sa isang taong unang beses lang nila nakilala na hangad lang ay ang kasikatan at salapi.

Habang dinadakip ang babae, ang siyang pagkuha ng mga medisina ng lalaki sa tahanan ng babae upang pag-aralan, angkinin, at gamitin nang lalo s'yang sumikat.

Sa gitna ng plaza, tinali ang buong katawan ng babae sa isang nakatayong malaki at matabang kahoy. Ito'y napapaligiran ng mga punong-kahoy. Panay ang tutol ng isang kaawa-awa at inosenteng babae sa mga sakdal na binato sa kaniya. Sa kasamaang palad, ni isa ay walang nakinig sa kaniya bagkus ay isinisigaw ang mga kasinungalingan.

"Mangkukulam!"

"Sunugin siya!"

"Salot sa lipunan!"

"Patayin! Patayin!"

Mga sigaw na kaniyang narinig habang umiiyak at nagmamakaawa sa kanila. Hanggang sa may isang lalaking sumulpot at pumigil sa kanila. Nakilala ang lalaki sa pagiging nobyo ng babae kung kaya pinag-isipan siya nang masama.

"Isa siyang alagad ng mangkukulam!"

"Patayin ang katulad nila!"

"Huwag hayaan na manatili silang buhay!"

"Mga kampon ni Sitan!"

Nang dahil doon, sinaksak at pinatay nila ang kasintahan ng babae at hinayaan ang katawan sa sahig.

"Hindi! Mahal ko!" sigaw at iyak ng babae sa kan'yang nobyo. Sumigaw siya nang may pagtangis, hindi dahil sa mga masasakit na salitang natanggap niya kun'di kung paano lang patayin ng mga natulungan niya ang nag-iisa niyang kayamanan na hindi inaalam ang katotohanan.

Pagkatapos ay sinunog na nila ang babae at nagdiwang sa kanilang nakita.

Habang unti-unting nilalamon ng apoy ang katawang ng babae. Nag-iwan siya ng mga kataga, "Ang tanging hangad ko lang ay matulungan kayo, pero bakit ito ang ginanti ninyo sa akin? Ni pera o tulong wala ako hiningi sa inyo, pero bakit ang kamatayan ng minamahal ko ang ibinigay niyo sa akin? Pagbabayaran niyo ang lahat na ito. Ang lahat ng mga ginawa niyo sa akin, ang sakit at hinagpis na aking nadama ay ibibigay ko sa inyo. Sinusumpa ko na magiging impiyerno ang buhay niyo!" Hanggang sa tuluyan na siyang nilamon ng apoy.

Ang lahat ay natahimik sa kan'yang sinigaw, ngunit nawala rin iyon nang makita nila ang sunog na katawan ng babae ay unti-unting gumalaw. May lumabas sa sunog nitong katawan na isang anino na hugis niya - matutulis na mga kuko, mabibilog na mga mata, labi; ang lahat na iyon ay kulay itim na nakapangingilabot. Lahat ng mga taong nakasaksi ay natakot sa bagong anyo ng babae.

"Ito naman ang gusto niyo, p'wes... ibibigay ko sa inyo ang lahat ng mga paratang ninyo sa akin," mariin niyang bigkas sa mga tao.

Inilahad n'ya ang kaniyang kanang kamay, sabay no'n ang biglaang paghaba ng mga kuko niya na tumurok sa mga katawan ng mga taong naroon. Bukod pa roon ay may itim na apoy siyang pinalabas sa kaliwang kamay at iyon ay hinagis sa kan'yang paligid. Ang lahat ng mga gamit at taong natamaan ng apoy ay mabilis na naging abo.

Sa gitna ng kaguluhan, nilapitan niya ang walang buhay na kasintahan at binulungan. Nag-iba ang hugis ng katawan ng lalaki at bigla itong naging malaking halimaw. Itim din ang kulay nito at may malapad at malaking katawan. Mahahaba at matutulis ang mga kamay at paa nito gano'n na rin ang mga ngipin, tila ba hindi siya naging isang tao noon.

Sa tulong niya, napagtagumpayan nilang linisin ang buong bayan kasama ang taong nag-umpisa ng gulo. Kinuha ng babae ang kaluluwa ng lalaki at iyon ay kinain. Sa loob ng babae, binigyan niya ng habang-buhay na parusa ang lalaking sumira ng lahat.

Pagkatapos masira ng magkasintahan ang bayan, bumalik sila sa dati nilang tahanan at sinara ang gubat upang manatili silang manirahan nang payapa. Habang-buhay silang nanirahan sa gitna ng gubat - malayo sa mga tao.

Simula nang ako'y maliit pa, ang kuwentong ito ay palagi ko naririnig kay mama.

Noong una, hindi ko maunawaan ang babae sa ginawa niyang pagpatay sa mga tao. Masyado ako nakatuon sa babae at sa kaniyang paghihiganti, ang paghihiganti niya ay hindi makatarungan dahil mali ang pamamaraan niya.

"Masama naman po kasi ginawa ng babae sa kuwento, bakit naman po n'ya pinatay sila? Puwede naman po na patawarin na lang sila. Hindi naman po tama na pumatay ng tao," sabi ng maliit na batang Minerva.

Tanda ko pa noon na tinawanan ako ni mama dahil sa mga reklamo ko at pinisil ang ilong ko. "Alam mo, anak, tama naman ang sinabi mo. Siguro sa ngayon, hindi mo muna maiintindihan ang dahilan ng babae sa kuwento - ang rason kung bakit niya ginawa iyon sa mga tao," tugon niya. Pagkatapos ay hinalikan niya ako sa noo. "Matulog ka nang mahimbing, anak."

Nagmadali ang batang ako na kunin ang kumot na nasa tiyan ko at pinikit ang mga mata. Tinabihan ako ni mama at kami ay sabay natulog. Niyakap ko nang napakahigpit si mama sa kadahilanang palagian ko s'yang nakikitang umiiyak habang hindi kami nakatingin ng mga maliliit kong kapatid.

Hindi ko noon maunawaan ang dahilan ng kaniyang pag-iyak at pagtatago ng nararamdaman niya sa amin; hanggang sa tinipon kaming tatlo sa sala, kasama ang dalawa kong kapatid na mas maliit pa sa akin. Pitong taon gulang pa ako noon at limang taon naman ang sumunod samantala apat na taon naman ang bunso.

Sa edad na pitong taon, iniwan na kami ni papa. Namatay si papa na matabunan sila ng gumuhong yelo habang ginagawa ang misyon mula sa duke na namumuno sa amin. Doon ko na lang nalaman sa likod ng pag-iyak ni mama. Nalaman ko rin na ang matapobreng duke na namumuno sa amin ay hindi man lamang binigyan ng kaunting tulong ang mga taong kumuha ng kan'yang misyon at inangkin ang tagumpay ng totoong gumawa. Nagsakripisyo sila at marami ang namatay, subalit ni isang tulong ay hindi niya maibigay, inangkin pa niya ito. Lalong tumaas ang kaniyang katungkulan dahil ginawaran ng pangaral ng hari ang duke. Simula noon, wala na akong tiwala sa mga may matataas na posisyon sa lipunan dahil gagamitin ka lang nila para sa pangsarili nilang kagustuhan.

Tahimik naming dinaos ang lamay ng mga taong nagbuwis ng buhay upang akyatin ang nagyeyelong bundok at patayin ang halimaw na namamalagi roon. Kita ko sa aking paligid ang mga panaghoy ng mga naiwang pamilya ng mga taong nakahimlay at ang mga sugatan na kasamahan nila.

Wala ni isa sa tauhan ng duke ang dumalo sa lamay upang kahit papaano ay mabigyan ng respeto ang mga taong namatay.

Galit na galit ako sa kan'ya na hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa akin. Habang ako ay lumalaki kasama ang mga maliliit kong kapatid na walang ama, siya ay nagpapakasasa sa kayamanang kaniyang ninakaw at pinagyayabang ang mga nagawa(?) niya para sa hari.

Alam ng mga tao kung sino ba talaga ang gumawa ngunit paano naman namin iyon sasabihin, kahit sa hari, ang katotohanan dahil isang hamak na mahirap lamang kami na naninirahan sa maliit na bayan. Tanging pagsasaka lamang ang pangunahing hanap-buhay ng nakararami, binebenta nila sa karatig na bayan na libo-libong milya pa ang layo sa amin. Kaya ang ilan ay nangangaso o kumukuha ng mga misyon sa mga mayayaman gaya ng trabaho ni tatay noon upang may mapangtustos sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa edad na 14, kasama sina Kitara - ang sumunod sa akin - at Liam ay tulong-tulong kaming magkakapatid upang harapin ang pang-araw-araw naming buhay.

Sa aming munting bayan, kilala ako sa kakaiba kong hitsura. Ako lang ang natatanging may gintong buhok at asul na mga mata. Maraming nagsasabi na isa raw akong diyosa na bumaba sa kaulapan ngunit agad ko naman itong tinatanggi.

Kung isa man akong diyosa, hindi ko sana hinayaan na mawala sa amin si papa - napigilan ko sana s'ya huwag tanggapin ang misyon o 'di kaya nasa malalambot kaming ulap na masaya at tahimik na naninirahan. Tinanong ko si mama tungkol sa kakaiba kong hitsura ngunit miski siya ay hindi niya alam ang rason.

"Hmm... Siguro, marahil, isa kang biyaya ng diyos sa amin," sagot ni mama sa akin na may ngiti sa labi. "Alam mo kasi noon, ilang taon na kami nagsasama ng papa mo pero kahit anong gawin namin ay hindi pa kami nabibiyayaan ng anak. Ilang beses na kaming humiling kay Bathala ganoon din ang diyosa ng pag-ibig, paglilihi, at pagsilang, kay Mapolan. Lahat ng ritwal ay ginawa na namin upang madinig kami ng mga diyos. At sa isang mapagpalang araw, nagbunga ang aming pagsisikap.

"Sobrang galak nga ang nadama namin no'ng pinanganak ka, akala ko nga nanganak ako ng isang diyosa sa sobrang ganda mo, anak." At saka siya tumawa nang mahinhin at pinagpatuloy ang pagtatahi ng damit. "Mas lalo kami pinagpala nang madagdagan pa kami ng mga supling na may malulusog na pangangatawan - ang mga kapatid mo. Tunay ngang mahal tayo ng diyos pero hindi ko naman aakalain na may kapalit ang lahat na ito."

Napansin ko na lamang na huminto si mama at may isang luhang pumatak sa kaniyang mata. Agad ko s'yang nilapitan at niyakap.

"Pero kahit na ganoon, hindi ko pa rin pinagsisisihan na dumating kayo sa aming buhay." Pagkasabi niya ay hinarap niya ako at hinawakan ang mga braso ko. "Pakiusap lang, anak, alam ko na may kinikimkim kang poot sa ating duke pero, pakiusap lang, huwag mo sana kainin ka ng poot na iyan at makagawa nang masama."

Nanatili lang ako tahimik dahil mahirap gawin ang pakiusap ni mama sa akin. Tumango lamang ako bilang pagsagot at sabay niya akong niyakap. Kahit hindi sinasabi, nananatili pa rin ang galit ko sa kan'ya. Mawawala lamang ito kung mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aking ama. Hindi ko lang matukoy kung paano lalo na't mas makapangyarihan siya kumpara sa amin.

Chapter 2 KABANATA II: GALAW

Sa isang malawak at luntiang patag ng aming bayan, Normia, tahimik naming pinagmamasdan kasama ang mga kapatid ko si mama habang siya ay marahal na sumasayaw. Sa bawat kumpas at hawi ng kan'yang mga kamay, ang mga nagsasayawang mga halaman dala ng malalakas na hangin na sumasabay sa kaniya. Nakapikit niyang sinasayaw ang sarili at ninanamnam ang paligid hanggang sa siya ay matapos.

Sabay kaming nagpalakpakan nina Kitara at Liam. Binigyan kami ng malaking ngiti ni mama at yumuko pagkatapos ay niyaya kami pumunta sa kan'ya. Tumakbo at nagpaunahan kaming pumunta sa kaniya at sabay siyang niyakap. Saka kami nagtawanan.

"Minerva," tawag sa akin ni mama. "Umayos ka nga. Dalaga ka na kaya dapat nasa ayos na ang mga kilos mo," pangaral niya sa akin.

"'Ma, naman. Pinapatanda mo agad ako. Akala ko ba mananatili akong bata at sanggol sa paningin mo - ipaghehele at yayakapin nang napakahigpit hanggang sa magsawa ka po?" malungkot kong tugon na sabay ko s'yang niyakap at kiniskis ang mukha sa kaniya.

"Talaga naman... Ano ka? Isang pusa?" natatawa niyang tugon sa akin. "Siyempre naman mananatili kayong mga sanggol sa akin, mananatili kayong mga bata kahit may mga asawa't anak na kayo."

"Eh? Paano naman mangyayari iyon, 'ma, kung may mga asawa at anak na po kami? E'di matanda na po kami no'n, hindi na bata. Ang gulo niyo naman, 'ma," nagugulumihanang tanong ng bunsong lalaki namin.

Pinagtawanan namin siya dahil sa kaniyang pagiging inosente at sa kan'yang nakatutuwang mukha. Kapag kasi naguguluhan o nagagalit siya, sinusubukan naming pigilan ang sarili na hindi seryosohin s'ya. Nakakagigil kasi ang kaniyang mukha sa oras na nagiging ganoon siya, ang sarap kurutin ang mga matatambok niyang pisngi.

Pagkatapos ay tinuruan kami ni mama sa kaniyang sayaw. Akala ko noong una ay isang pangkaraniwang sayaw ito, ngunit nagkamali ako. Isa pala itong sining ng paglaban na ang sabi sa amin ay nagmula pa ito sa mga ninuno ni mama. Pumunta si mama sa harapan ko para maintindihan namin nang husto ang kaniyang tinuturo.

"Halimbawa, isa akong malaki at bruskong tao. Balak kong suntukin ang isang patpating babaeng katulad mo. Ano ang gagawin mo?" tanong niya.

Nag-isip ako nang malalim, subalit walang pumapasok sa aking isipan.

"Una sa lahat, ang gagawin mo ay iayos ang inyong tindig. Isentro mo ang inyong katawan sa lupa para hindi ka mawalan ng balanse. Importante rin ang tamang tindig at balanse dahil sa oras na mawalan ka ng balanse, magkakaroon sila ng pagkakataong sugurin ka," pangaral sa amin ni mama at saka s'ya sumuntok nang mabagal papunta sa akin. "Hindi mo kinakailangan ng lakas na pangangatawan para madipensahan mo ang pag-atake niya. Kailangan mong maging malambot at ilayo gamit ang mga kamay mo sa iyo - kinakailangan ng malambot na pangangatawan rito. Sa una, masasaktan ka dahil sa lakas ng puwersa mula sa mga suntok, pero kung nasanay na kayo o pinalambot ang inyong katawan, magiging sisiw na lang ito sa inyo," pagpapatuloy n'ya.

Pinakita sa amin ni mama kung ano ang mga pinupunto niya. Inutusan niya akong sumuntok sa kaniya na sabay niyang inikot ang kaniyang kamay sa palibot ko na para bang isang ahas. Sunod niya kinapit ang kamay ko nang mahigpit at mabilis niyang pinagsusuntok ang ibang parte ng aking katawan. Nagulat ako sa bilis niya ganoon din ang pag-aakala na tinuloy n'ya ang pagsuntok sa akin. Hindi dinikit ni mama ang kan'yang mga suntok sa akin bagkus ay pinakita niya lang sa amin kung saan ang mahihinang bahagi ng katawan ng isang tao.

"Mata, ilong, baba, lalamunan, gitna ng inyong dibdib, gulugod, siyempre hindi mawawala ang pagitan ng dalawang binti, tuhod, sa baba ng tuhod, at mga daliri sa paa. Iyang mga sinabi ko sa iyo ay mga mahihinang parte ng katawan ng tao, doon niyo sila patatamain kumpara sa ibang parte ng katawan. Kinakailangan din ng bilis ng katawan, mata, at pag-iisip," paliwanag niya. "Kapag natutunan niyo ang mga ito, madali niyo na mapag-aaralan ang susunod kong ituturo. Ang susunod kong ituturo ay kung paano humawak ng mga armas." Sabay niya akong binitawan.

"Pero, 'ma, bakit kailangan naman po namin ito matutunan? Hindi naman po kami makikipaglaban o ano," tanong ni Kitara kay mama.

"Hindi naman para sa pakikipaglaban ang tinuturo ko sa inyo, tinuturuan ko kayo upang protektahan ang inyong mga sarili," sagot ni mama. "Sige, ituloy na natin at kung sino ang unang makatapos, siya ang may masarap na pagkain ngayon."

Nang dahil sa sinambit niya, lahat kami ay ginanahan at tinuon ang atensyon upang mapag-aralan ito nang mabuti.

Araw-araw na namin itong pinag-aaralan na lumaon ay naging hilig na namin lalo na't sa parteng sinanay kaming gumamit ng armas. Espada ang armas na napunta sa akin subalit dahil baguhan pa ako, isang espadang kahoy ang ginagamit ko tuwing kami ay nagsasanay. Samantala kay Kitara naman ay balisong at kay Liam naman ay sibat. Gaya ng sa akin, ang lahat ng ginagamit nila sa pagsasanay ay mga gawa rin sa kahoy. Hindi kami ang pumili ng armas kung hindi si mama. Sinubok muna n'ya kami sa lahat ng mga armas at nagpasya sa kung ano ang nararapat sa amin base sa aming kakayahan at kaya ng aming katawan.

Dalawang taon din kami nagsanay at kahit kailan, hindi namin ginamit ang mga natutunan namin upang maghamon ng away maliban nga lang kay Liam. Masyadong, sabihin na lang natin, nagmana kay papa sa pagiging mainitin ang ulo at agad na napapasabak sa away. Dahil panganay ako, ako palagi ang sumusundo sa kaniya at humihingi ng pasens'ya sa mga nakakaaway niya. May mga pagkakataon din na hindi ko maunawaan kung bakit mabilis nila napapatawad si Liam kahit kitang-kita sa mga mukha nila ang mga natamo nilang sugat o suntok. Mabuti naman at marunong sila magpatawad.

"Pasensiya na talaga kayo sa kapatid ko, ayos lang ba kayo?" tanong ko sa isang lalaki, wari ko'y hindi nagkakalayo ang aming edad.

"Ah, ito ba? Sus, wala ito. Ayos na ayos lang naman ako 'tsaka bata siya, eh, sadyang... sadyang nadadala ng bugso ng damdamin at ano... iyon... hindi nagkakaunawaan tapos err... mga gano'n," nakangiti niyang sagot sa akin na sabay siyang tumawa nang mahina. Para ba siya ninenerbyos.

Napansin ko naman na bahagyang tumawa ang lalaking nasa likuran n'ya sa kaniya at nang nagkrus ang aming mga tingin, saka lang siya huminto - tinikom ang bibig, at kumaway sa akin. Akin naman siyang ningitian.

"Liam, humingi ka ng tawad sa kaniya," utos ko.

Nakita ko naman ang galit na mukha niya, nakanguso at nakakunot ang mga noo. Hindi ako pinansin at talagang nagmamatigas pa.

"Liam?" isa ko pang tawag sa kaniya na bahagya ko na tinaasan ng boses.

"Ano, M-Minerva..." Sabay siyang umubo at napalunok. "Ayos lang talaga. Ganito lang kami magtalo, minsan talaga may suntukang mangyayari pero sa huli magkakaayos din," usap niya.

Lalong kinunot ni Liam ang kaniyang noo.

Bumuntong ako ng hininga. "Salamat sa pag-intindi sa kapatid ko, ngunit sigurado ka bang ayos ka lang? Kung gusto mo tulungan kita gamutin ang mga sugat mo," alok ko sa kaniya.

"Talaga?" Natigilan s'ya at saka umiling. "Hindi, ayos lang talaga. Ang t-totoo nga niyan ay may pupuntahan pa kami, 'di ba, p're?" Sabay suntok sa balikat ng kaibigan niya nang mahina. "Saka itong kaibigan ko masyadong mainitin din ang ulo, kailangan na naming umalis," natatawa niyang sambit na sabay siyang napakamot sa batok.

"Teka, ba't dinadamay mo ako? May gusto ka lang kaya nagpapakit- Aw!" Hindi siya natapos sa pagsasalita nang agad siyang siniko sa tagiliran.

"Huwag ka na maingay..." bulong niya rito.

Wala akong ideya sa kung ano ang meron sa dalawa at bakit kakaiba ang kanilang kinikilos, hinayaan ko na lang sila.

"O sige. Kung ayaw mo talaga, mauuna na kami. Tara na, Liam." Agad ko namang pinatong ang kanang kamay ko sa balikat ni Liam at niyaya na s'yang umuwi.

Bago pa kami aalis ay ningitian ko muna ang dalawang lalaki, napansin ko naman na bigla ulit sila huminto sa pagtatalo(?) nila nang ako ay lumingon. Akin na lang tinuloy ang paglalakad ko.

Habang naglalakad saka lang nagsalita si Liam.

"Huwag ka masyadong maging mabait sa kanila. Mga pakitang tao lang iyon," inis na usap niya.

Nagpigil naman ako ng ngiti dahil sa nakakatuwa niyang mukha tuwing nagagalit siya.

"Mas maganda kung may isang taong magpapakumbaba para maging maayos ang away sa pagitan ng dalawang taong nag-aaway. Magparaya, parang gano'n," malumanay kong tugon. "Ilang beses ka ba dapat pagsabihan na 'wag kang mang-aaway? Kapag nalaman na naman ito ni mama, sigurado akong paluluhurin ka ulit sa munggo ng mga ilang oras o baka hanggang gabi na. Ihanda mo na sarili mo," panakot ko sa kaniya.

"Iyon lang? Hmph! May teknik na ako para hindi ako masaktan. Huwag mo naman sabihin kay mama ang nangyari ngayon, hindi ako bibigyan ng parusa kung hindi niya malalaman."

"Basta ako tahimik lang, ewan ko na lang sa mga kapit-bahay natin at baka umabot na kay mama ang balita na hindi pa tayo umuuwi," natatawa kong sambit sa kan'ya. "Basta, maghanda ka na lang pag-uwi."

Sa kabutihang palad, pag-uwi namin sa bahay ay walang natanggap na balita si mama tungkol sa away ni Liam.

Nagpatuloy ang payak naming pamumuhay. Araw-araw ganito: tinutulungan sa pananahi ng mga damit si mama; pagkatapos ay dinadala namin kay Manong Silyo ang mga damit upang ilako; aalagaan ang mga alaga naming manok, baka, at kambing; at higit sa lahat ang pagsasanay. Payak ngunit masaya.

Lumipas ang mga panahong kami ay nagsasanay, nararamdaman ko na napag-iiwanan na ako ng mga kapatid ko. Napansin ko na mas mahusay, mabilis, at matalino sila sa paggamit ng kanilang armas, samantala ako ay tanging pagwasiwas lamang ang nagagawa ko. Masaya akong nakikitaan sila ng mabilisang pag-unlad, ngunit nakakaramdam din ako ng inggit sa kanila.

Panganay ako at dapat isa akong magandang huwaran sa kanila, isang pinuno. May pagkakataon pa ngang nawawalan na ako ng gana ipagpatuloy pa ito dahil hindi ko naman nakikitaan ang sarili na umuunlad ako rito.

Isang araw, habang nakaupo sa tapat ng bintana at nakapangubaba na pinagmamasdan mula sa bintana ang mga kapatid kong nagsasanay sa labas, tinabihan ako ni mama - umupo sa aking tabi.

"Ayos ka lang, anak?"

"Hm! Opo, 'ma. Ayos na ayos. Nag... Nagpapahinga lang po ako dahil nangalay ang kamay ko sa pagtatahi," nakangiti kong pagsisinungaling sa kan'ya.

"Sigurado ka? Pero ba't parang iba ang sinasabi ng mga mata mo sa akin?" Saka niya hinawakan ang baba ko at inangat para makita nang husto ang mukha ko.

"Ngayon ko lang po nalaman na nagsasalita ang mata, akala ko bibig lang."

"Lokong bata."

Sabay naman kaming tumawa. Pagkatapos ay tumingin si mama sa labas upang tingnan sina Kitara at Liam.

"Alam ko ang nararamdaman mo. Sa katunayan niyan ay naramdaman ko rin iyan sa kapatid ko no'ng tinuturuan kami ni itay noon. Nakaramdam ako ng inggit sa kapatid ko dahil mas magaling pa s'ya at napagkukumpara pa ako sa kaniya," wika niya.

"Ikaw po, 'ma?" Hindi ako makapaniwala sa kaniya. Ang galing-galing kaya ni mama kaya nakapagtataka ang kan'yang sinabi.

"Oo naman. Bakit? Sa tingin mo ba ay basta-basta lang ako naging malakas?" banggit niya sa akin na sabay niyang itinaas ang kaliwang kilay. "Walang mabilis na paraan para maging malakas ka. Kahit ang diyos ng araw at patron ng mga mandirigma na si Apolaki ay dumaan din sa pagiging mahina upang siya ay lumakas.

"Karaniwan lang ang nararamdaman mo, anak, pero huwag mo hahayaan na madala ka nito. Ipagpatuloy mo lang ang iyong kagustuhan. Nakikita ko naman na nasisiyahan ka sa ginagawa mo kaya 'wag mong ihihinto dahil lamang sa nararamdaman mong inggit," pangaral niya sa akin.

Tahimik ko lang s'yang pinakinggan at wala akong maisagot sa kaniya. Akin namang tiningnan ang dalawa kong kapatid na masayang nagsasanay. Nakita ko pa nga na nagbibiruan pa ang dalawa at naghaharutan, para bang naglalaro lang sila at hindi nagsasanay.

Tama nga si mama, hindi ko dapat hayaang lamunin ako ng inggit. Isa sa dahilan kung bakit namin ito pinupursuging pag-aralan ay dahil gusto namin ito at hindi para magpagalingan.

Tumayo ako at nagpaalam kay mama, "Ako na ang magluluto ng hapunan."

"Ha? Hindi. Ayoko," mabilis niyang tanggi sa akin na agad naman s'yang tumayo at ako'y kaniyang nilapitan. "Mahal kita, anak, pero pakiusap lang, 'wag na 'wag kang lalapit sa kusina, ayokong masunog ang kalahating bahay natin." Nakita ko sa mukha niya ang pag-aalala.

"'Ma, naman... Puwede mo naman po sabihin na hindi ako marunong magluto, sunog talaga?"

"Oo, dahil noong nakaraan muntikan na mangyari iyon. Buti na lang at naagapan ni Manong Silyo. Kung hindi siya dumalaw para kunin ang mga gawang damit natin, baka wala na akong maabutang bahay."

Napalunok ako ng laway na maalala muli ang nangyari noon.

Oo, inaamin ko na hindi ako masarap at marunong magluto kaya ang ginawa ko ay pasimple ako pumunta sa kusina at sumubok magluto. Prito lang naman ang ginawa ko pero hindi ko maintindihan kung bakit nasunog ang niluto ko noon. May sumpa yata ako pagdating sa pagluluto.

"Mas maganda kung... kung ikaw na lang muna ang manahi at ako ang magluluto. Mapapanatag pa ang kalooban ko," suhestiyon niya.

"Pero, 'ma... Paano naman ako matututo kung hindi niyo po ako tuturuan?"

"Naku, tinuruan na kita, anak. Pero kahit anong turo ko sa iyo, lahat palpak," mabilis niyang sagot. "Alam mo, anak, iba-iba ang kakayahan ng mga tao. Iyong iba magaling magluto at ang iba naman ay magaling sa pananahi, sa huli ka nabibilang, anak," nakangiti niyang sambit na sabay niya akong binigyan ng halik sa noo. "Tapusin mo na ang tinatapos mong damit. Sunod mo na tawagin sila para kumain."

"Sige po," walang gana kong tugon habang nakanguso.

Sinunod ko ang utos ni mama, tinuloy ang pananahi ko at pinapasok ang dalawa.

Sina Kitara at Liam naman ang naghanda ng aming mesa at sabay-sabay kaming kumain. Nagpasalamat kay Bathala sa mga biyayang natanggap at inumpisahang kainin ang mga pagkaing nasa hapag.

Chapter 3 KABANATA III: SIGAW

Dumating na ang pinakahihintay kong taon sa buong buhay ko, ang taong magiging isang ganap na akong dalaga.

Noong nakaraang linggo, pinagdiwang namin ang ikalabing-pito kong taon kasama sila mama at ang dalawa kong kapatid.

Simple lamang ang naging handaan namin dahil kami lang naman ang magdiriwang. Tanging bisita lang naman namin noon ay si Manong Silyo sa aking kaarawan. Malapit sa aming loob si Manong Silyo na tinuring na naming pamilya dahil simula pa noong nabubuhay pa si papa, tinutulungan na niya kami. Hindi na nakapag-asawa pa si Manong Silyo simula nang namatay ang asawa niya. Ginugol ang buong buhay niya sa kan'yang trabaho upang mapawi ang nararamdaman niyang lungkot. Dahil wala silang naging anak, tinurin niya kaming mga anak o sabihin na lang natin mga apo.

Hindi naman namin inasahan ang pagdating ng mga ilang kapit-bahay namin upang samahan kaming ipagdiwang ang aking kaarawan. Nagahol noon si mama sa pagdagdag ng mga pagkain. Mabuti na lamang na ang ilan ay nagdala ng mga pagkain lalo na si Nanay Rosalia at tinulungan si mama sa paghanda. Naging malaki at mas lalong maingay ang pagdaraos ng aking kaarawan. Marami rin akong natanggap na regalo na kinataba ng aking puso. Ang lahat na ito ay hindi ko inaasahan. Hindi sapat ang salitang, "Salamat" sa kanila.

Pagkatapos ng araw na iyon, nakuha ko ang kauna-unahan kong tatu sa buong buhay ko. Si mama ang nagbigay sa akin nito.

Tanda ko pa kung paano niya gawin ang tinta ng tatu ko. Dinurog n'ya ang isang uling, pagkatapos ay nilagyan niya ng langis, at may nilagyan siyang isang kakaibang pulbara na nagpamula ng tinta. Para bang mahika ang ginawa ni mama dahil habang hinahalo niya ang mga sangkap ay nag-iibang kulay ito. May mga lumilipad pang maliliit na bagay kulay pula rito, parang mga maliliit na kulisap.

Nilagyan ako ni mama sa aking likurang beywang.

Sa sobrang sakit ng pagpukpok ni mama upang bumaon ang matulis na kahoy na may tinta sa dulo ay nakagat ko ang braso ni Liam. Mabuti na lamang ay hindi nagreklamo ang bunso hanggang sa matapos. At saka naman ako binigyan ng tubig ni Kitara at nagpahinga.

Nakita ko ang maliit na simbolo sa aking beywang, wala akong ideya kung ano ang kahulugan nito.

"'Ma, ano po ba ito at para saan rin ba 'to?" tanong ko noon kay mama.

"Ang tatu na ito ay nagmula sa ating ninuno. Nakita niyo naman na may apat na paikot na bilog ang magkadikit kaya naman naghugis parisukat sila. Ang isang bilog ay nangangahulugan ng haribon, ang isa naman ay sarimanok, ito naman sa baba ng haribon ay adarna, at ang katabi niya ay nangangahulugan ng bakunawa," tugon ni mama nang tinuro ang apat na pabilog sa aking tatu.

"Ba't wala naman po akong nakikitang pagkakaiba sa apat? Pare-pareho lang silang bilog," tanong ni Kitara.

Sumang-ayon ako kay Kitara dahil pangkaraniwan lamang ang nakikita kong tatu na nasa beywang ko.

Ngumisi noon si mama at tumayo. Pinatayo rin ako ni mama at inayos ang suot kong damit. Inikot n'ya ang dulong laylayan ng pang-itaas kong damit at inipit sa aking kwelyo kaya naman kitang-kita ang aking beywang at tiyan, nagmukhang bra.

"Gawin mo ang unang porma ng ating sining at isipin mo na nakikipaglaban ka - pinoprotektahan mo ang iyong mahal sa buhay," utos sa akin ni mama.

Nagtaka ako sa kan'yang inutos, ngunit agad ko rin siya noon sinunod. Huminga ako nang malalim at kinilos ang aking katawan habang nakapikit, inisip ang mga sinabi sa akin ni mama nang ginawa ang una kong natutunan. Nakaramdam ako ng init sa aking katawan lalo na sa bandang likuran ng aking beywang. Huminto ako at napatingin sa beywang at nakita ko kung paano nagliyab ito na hindi rin nagtagal ay bumalik sa pagiging tinta. Tumingin ako kay mama at nakita ko kung paano magulat ang dalawa kong kapatid - nakanganga at hindi makapagsalita.

"Anong... Anong nangyari? Bakit? Ah... Nahihibang na ba ako?" tanong ko kay mama, hinihingal at pinipigilan ang sakit na nadama ko.

"Masyado ka pa mahina para makaya ang kapangyarihan ng apat. Iyang init na naramdaman mo ay ang kapangyarihang dumadaloy sa ating dugo. Ang tatu na iyan ay isang susi upang mabuksan ito," sagot ni mama. "Biniyayaan ang ating mga ninuno ni Bathala sa paglupig kay Sitan at ang mga kampon n'ya. Binigyan sila ng kapangyarihan ng apat na nilalang: ang liksi ng hari ng mga ibon - haribon, ang talino ng sarimanok, ang mahusay na pagdesisyon ng ibong adarna, at ang lakas ng bakunawa.

"Tanging ang may dugo lang ng ating ninuno ang may kayang magdala ng biyaya ni Bathala. Nais ko mang ibigay ito sa inyong ama, pero hindi makakaya ng kaniyang dugo't katawan ang kapangyarihan ng apat dahil hindi siya nabiyayaan ni Bathala.

"Kung kaya ipangako ninyo sa akin na kailangan niyong pagbutihan ang inyong sarili. Ayokong... Kaya ko ito ginagawa at pinipiit na pag-aralan ninyo ito dahil ayokong may mangyari sa inyong masama," malungkot niyang sambit, pinipigilan ang mga luha niya.

Niyakap ni Liam si mama ganoon din si Kitara. Paika-ika naman akong lumapit sa kanila na sabay naman ako inalalayan ni Kitara.

"Ngayon ko lang nalaman kung gaano kaastig ang mga ninuno natin pati na rin ang dugong dumadaloy sa akin," masayang usap ni Liam, bakas sa kan'yang hitsura ang pagkasabik. "Ginanahan tuloy ako umabot ng 17 at magkaroon ng tatu na katulad ni ate. Ate Minerva, ano pakiramdam na may tatu ka?"

"Iyong totoo? Sobrang sakit, parang sinusunog ang likuran ko ganoon din ang buo kong katawan pero... masarap naman sa pakiramdam. Parang... Parang lalo akong lumakas," sagot ko na may pagkasabik.

"Sinusunog?" takot na sambit ni Liam. Takot kasi siya sa apoy.

"Bakit? Takot ka? Naku... Mukhang ang ninuno natin ay madidismaya na nagkaroon sila ng inapo na mabilis matakot," nakangising insulto ni Kitara sa kaniya.

"Si-sinong takot, h-ha?"

Pinagtawanan naman namin siya na nagresulta nang lalong pagsakit ng aking likuran. Kaya ako'y nagpahinga upang magkaroon ng sapat na lakas na magpatuloy sa aking pagsasanay.

At ngayong araw, kasalukuyan akong nilalagyan ng mga kolerete sa mga mukha at inaayusan habang suot ang puti kong bestida na si mama mismo ang nagtahi. Natanggap ko ito noong kaarawan ko.

Malambot at manipis ang tela nito na sa oras na iniikot ko ito ay para bang isa akong prinsesa. Magaan din itong suotin at presko na tamang tama sa mainit na panahon ngayon. Pabagsak ang bestida at may itim na laso pa na nakapulupot sa aking beywang. Dahil naman sa laso, nakita kung gaano kaliit ang aking beywang. Bukod pa roon, may mahahabang manggas naman ito na gawa sa puting kulambo na may maliliit na butas, mula kili-kili hanggang pulso ang haba nito. May disenyong pulang bulaklak na maliit naman sa bandang tiyan na nagbigay buhay sa aking suot.

Simple ngunit maganda.

Bukod do'n, suot ko naman ang itim na sandals na may tali na abot tuhod. Ito'y niregalo sa akin ni Manong Silyo. Kahit matigas ito ay masarap naman siyang isuot. P'wede ko gamitin sa pang-araw-araw ko.

Nang matapos nila akong ayusan, naglakad ako sa malaking salamin na kasing taas ng tao para makita ang sarili. Namangha ako sa babaeng aking nakikita.

"Ako ba iyan?" bulong ko habang hinihimas ang bestidang suot ko gano'n din ang nakalugay kong buhok.

"Oo naman. Lalo ka pa nga gumanda, ate. Baka naman... pag-uwi mo galing sa plaza may iuwi ka ring lalaki, ah," nakangising sambit ni Kitara sa akin habang mahina niya akong sinisiko.

"Ikaw, bata ka. Anong may iuuwi s'yang lalaki? Tigil-tigilan niyo nga iyan," singit ni mama at naglakad padabog sa amin. "Huwag kayo magsasalita nang ganiyan at baka mangyari nga iyan at isa pa, ano iyong siya ang mag-uuwi? Aba! Napakasuwerte naman ng lalaking iyon at siya pa ang makikituloy sa atin? Dapat siya ang kumuha kay Minerva at buhayin siya."

Nagtinginan naman kami ni Kitara dahil kay mama. Hindi namin alam kung naiinis s'ya dahil sa posibilidad na magkaroon ako ng kasintahan ngayon o ano. Siguro pareho?

"'Ma, naman. Masyado ka pong magulo. Asahan mo na po kay ate na magkaroon agad ng nobyo dahil siya ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Miski hayop, halimaw, duwende, o kahit ano mang nilalang pa iyan ay mabibighani sa kan'yang ganda, 'di ba, ate?" nakangising usap ni Kitara sa akin.

"Shh... Tumigil ka na at baka lalong mainis si mama sa iyo," bulong ko sa kan'ya.

"Ay, ang tagal!" walang ganang sigaw ni Liam habang papasok sa k'warto. "Ang tagal-tagal niyong bumaba, nangangalay na ako tumayo ro'n."

Namangha naman ako sa magandang suot at hitsura ng kapatid ko. Napakaguwapo naman at malinis tingnan ang kapatid ko ngayon, parang hindi siya ang batang nakilala ko na palaging pasimuno ng away sa labas.

"Hanga naman ako sa iyo at naging tao ka sa araw na ito. Mabuti iyan," pang-iinsulto ni Kitara kay Liam na sabay niyang kinindatan.

"Nanghahamon ka ba, ate? Handa na ako. Sa katunayan nga niyan, nangangati na ang kamao kong makasapak muli." Sabay naman siyang pumorma at inayos ang tindig - tindig sa pakikipaglaban.

"Kitara, Liam, mamaya na iyan," saway ni mama. "Liam, ihatid mo na ang ate mo sa simbahan at umayos ka," utos ni mama sa kaniya na sabay naman siyang nilapitan. "Maging mabuti kang kapatid sa ate mo kahit ngayon lang, espesyal ang araw na ito sa ate mo kaya kinakailangan maging mabuti ka ngayon," banggit n'ya habang inaayusan niya si Liam.

Buntong hininga niyang sinunod si mama at hinatid ako.

Nagkakaroon ng debu bawat taon ang mga taong tumuntong sa edad na 17. Pumupunta sa simbahan upang basbasan kami, sabay-sabay, ng babaylan pagkatapos ay diretso sa plaza upang magdiwang. Dito kami nagsasayawan at nagsasalo-salo, para bang isang malaking piyesta.

Kasalukuyan akong nakikipagsayawan sa mga ka-edaran ko. Palundag-lundag sabay ang palakpak at iikot na parang trumpo na sabay sa tugtugin. Hindi kami nakaramdam ng pagod dahil sa galak na aming nararamdaman.

Napatigil lang ang kasiyahan nang may narinig kaming mga sigawan, kasabay pa noon ang malalakas at mabibilis na hakbang ng mga kabayo.

Mula sa aking kinatatayuan, kita ko ang mga may taong nakasuot na metal na baluti sa katawan at helmet na mabilis na papunta sa amin. Nakita ko rin na ang lahat ng mga taong kanilang nahahagip ay kanilang hinihiwaan o tinuturokan ng kanilang espada ang mga katawan nila at sinisira ang bawat kabahayan. Ang iba naman ay naghahagis ng sulo na may apoy sa bawat bahay. Nang dahil doon ay lahat kami ay nag-umpisang tumakbo at sumigaw.

Ang masayang piyesta ay napalitan ng kaguluhan dahil sa kanila. Agad kong pinuntahan sila mama.

Sa bawat segundong tumatakbo, ramdam ko ang malalakas at mabibilis na kabog ng aking dibdib sa takot na baka ako ay mapaslang gano'n na rin sa aking pamilya.

"Pakiusap lang, 'wag sana may mangyaring masama sa kanila. Ayokong mawalan ulit ako ng isang pamilya," isip ko habang tumatakbo.

Habang ako'y tumatakbo, may isang humarang sa akin na nagpahinto para ako ay magpatuloy. Isang lalaking may suot na metal na baluti at helmet habang nakasakay sa kabayo. Natatangi ang lalaki sa iba pang kawal sapagkat kakaiba ang suot niya at may mahabang pulang tela sa kan'yang likuran. Napansin ko naman ang simbolo na nakadikit sa kabayo at sa kaniyang suot. Nakita ko na ang simbolong iyon, ngunit hindi ko matandaan kung saan. Kapansin-pansin din ang kaniyang espada dahil s'ya lang ang nag-iisang nakasara at walang bahid na dugo.

Tiningnan niya ako na para ba ako ay kaniyang sinusuri. Nakita ko naman ang kalungkutan(?) sa kaniyang mga mata at napaisip kung ano ang dahilan.

"Bakit gan'yan ka makatingin? Isa ba iyang awa? Kung ganoon, hindi ko kailangan ang awa mo dahil kayo mismo ang puno't dulo nito," isip ko na may galit sa kan'ya.

Nang makahanap ng pagkakataong tumakas, agad akong tumakbo subalit mabilis naman akong nahuli. Mula sa aking likuran, may humaltak sa aking kaliwang braso at hinila papunta sa kaniyang bisig. Bahagya ako nasaktan dahil sa lakas ng pagkakahawak niya sa akin at sa pagtama ng aking katawan sa metal niyang baluti.

"Bitawan mo ako!" Sabay kong tulak sa kaniya na agad ko namang kinuha ang kaniyang espada at tinutok sa kan'ya.

Hindi ko inaasahan ang bigat ng kaniyang espada at dahil doon nahirapan akong buhatin 'to.

Huminga siya nang malalim. "Ibaba mo ang hawak mo kung ayaw mong mapaslang. Pakiusap lang, binibini," babala niya sa akin. Malalim at medyo garalgal ang kan'yang boses.

Hindi ko maunawaan kung isa iyong banta dahil nararamdaman ko ang pag-aalala niya mula sa boses kahit 'di ko nakikita ang kaniyang mukha dahil sa helmet na suot.

"Sa tingin mo ba mapapapayag mo ako?"

Akin itong winasiwas sa kan'ya ngunit dahil sa bigat ay nawalan ako ng balanse. Nakita ko naman na nagmadali siyang puntahan ako at ginamit ko ang pagkakataon na iyon upang atakihin siya. Binitawan ko ang espada at mabilis kong hinawakan ang kaliwa niyang kamay at siniko ang kaniyang siko nang napakalakas. Sumigaw sa sakit ang lalaki na agad naman n'ya akong kukunin, ngunit mabilis ko siyang naiwasan - paupo ko siyang iniwasan. Pagkatapos ay sinipa ko ang kaniyang paa na nagpawala sa kaniya ng balanse at saka ako tumakbo. Hindi ko na inalaman pa kung anong nangyari sa lalaki basta ang gusto ko lang ay punatahan ang aking pamilya. Alamin ang kaligtasan nila.

Bago pa ako makalalayo ay may narinig akong mabilis na padyak ng mga kabayo papalapit sa akin. Lumingon ako at bago ko pa ito makita, agad naman n'ya ako binuhat papunta sa kaniya at pinaupo sa harapan niya. Mahigpit niya ako niyakap sa ginto niyang baluti at saka ko s'ya sinilip. Hindi ko makita ang hitsura ng lalaking ito dahil sa suot nitong gintong helmet. Nagpupumiglas ako upang ako'y makawala kahit na kami ay gumagalaw. Wala akong pakialam kung mahulog man ako rito at magkasugat-sugat.

Mga ilang saglit pa ay huminto ito at narinig ko ang kaniyang inis sa aking pagpupumiglas. Hinawakan ang magkabila kong pisngi ng isa niyang kamay at pinisil ito.

"Tatahimik ka o puputulan kita ng dila?" inis na usap niya.

Hindi ako nakinig bagkus ay dinuraan ko ang kaniyang mata na lalong nagpainis sa kaniya. Tinanggal niya ang kaniyang helmet at pinunasan ang kaniyang mukha. Lalo pa n'ya diniinan ang pagkakapisil niya sa akin. Tiningnan niya ako lalo na ang mga mata ko na sabay niyang inalis ang pagkakadiin. Ngunit agad naman niya ako sinakal at inangat ang mukha ko sa kaniya. Naramdaman ko kung paano n'ya ako amuyin mula ulo hanggang leeg, talagang nandiri ako sa kaniya. At saka niya binalik ang mukha sa aking tainga at ako'y kaniyang tiningnan.

"Hindi ko aakalain na mas maganda ka pala sa malapitan. Akala ko namamalik-mata lang ako kaya minabuti kong kunin ka. Akala ko rin na isang diwata na ang aking nabingwit upang ialay ngunit nagkamali ako. Gusto ko ang mga mata mo, mas maganda pa sa mga hiyas at diyamante na aking nakita. Simula ngayon, akin ka na," bulong niya.

Natakot at kinilabutan ako sa kan'yang winika habang pinapanood ang mga kababayan kong pinapatay at sinasaktan ganoon na rin kung paano nila sirain ang maganda naming bayan.

Nag-umpisa nang tumulo ang aking mga luha at naramdaman ko kung paano gumalaw ang isa pa niyang kamay sa aking katawan. Sinusuri at hinihimas ang ibang parte ng aking katawan. Lalo akong nanghina sa mga ginagawa niya ganoon din kung paano niya ako amuyin at halikan sa leeg, binababoy ang aking katawan.

May mga ilan namang kasamahan niya na masaya at nagtatawanan habang pinapanood nilang gawin ito sa akin. Pilit kong inaalis ang sarili sa mga kamay niya, ngunit mas malakas siya kumpara sa akin. Nainis din ako sa sarili ko dahil hindi ko magawang gamitin ang ilang taon kong pagsasanay upang depensahan ang sarili.

Masyado akong mahina. Ayoko ng ganito.

Download Book

COPYRIGHT(©) 2022