Inilibot ni Josie ang tingin sa loob ng kwarto. Pink na pink iyon kaya't halatang babae ang dating boarder doon. Unang kita pa lang niya sa kwartong iyon ay nagustuhan niya kaagad. Dala na niya ang mga gamit nang bumalik siya sa bahay na iyon. Tamang-tama naman dahil malapit lang iyon sa pinagtatrabahuan niya.
Mababait ang mukha ng mag-asawang may-ari ng bahay na iyon. Nag-abroad na raw kasi ang nag-iisang anak ng mga ito kaya't pinaparentahan na lang nila.
Agad na napalingon siya nang pumasok ang lalaking may-ari ng bahay na bitbit ang may kalakihang maleta niya.
" Salamat po, Mang Roger," nakangiting sabi niya sa matanda na tinulungan ito sa pagbitbit.
" Walang anuman. Masaya kami at may makakasama na kami ng asawa ko. Nakakalungkot din kasi na kaming dalawa lang ang andito sa bahay," nakangiti ring sagot ng malapit nang mag singkwenta na lalaki.
Pumasok na rin ang asawa nito na sa tingin niya ay nasa early forties.
" Gusto mo bang tulungan na kita sa pag-aayos ng mga gamit mo?" nakangiting tanong ng babae.
" Ay, huwag na po. Kaya ko na po ito," nahihiyang sagot niya.
" Oh, sige, iha. Josie ang pangalan mo, di ba? Sige, Josie, lalabas na kami para makapagpahinga ka na riyan," sabi nito na hinila na ang asawang lalaki palabas ng kwarto.
" Opo, Josie po ang pangalan ko. Maraming salamat po uli," sagot niya.
Ngumiti si Mang Roger sa kanya bago nito isinara ang pinto ng kwarto. Nagbayad na siya ng two months na renta kay Aling Margie, ang asawa nito.
Pabagsak na humiga siya sa kama habang nakatingin sa kisame. Ang lambot ng kama at pink din ang bedsheet nu'n. Agad rin naman siyang bumangon para ayusin na ang mga gamit. May malaking kabinet din sa loob kaya't ilalagay na lang niya ang mga damit doon. Tanging damit lang naman ang dala niya at wala nang iba pa.
Kasali sa buwanang upa niya ang pagkain niya sa araw-araw. Habang kumakain sila ay panay ang tanong nito sa kanya. Nagkukwento rin naman ang mga ito lalo na tungkol sa anak nila.
Nakaugalian na niyang maligo bago matulog. Isa lang ang banyo sa bahay at malapit iyon sa kusina. Malapit nang mag-alas diyes ng gabi at kanina pa umakyat sa kwarto nila ang mag-asawa. Bitbit niya ang towel nang pumasok siya ng banyo. Mabilis naman siyang maligo at dahil alam niyang siya na lang ang gising sa baba ay ibinalabal na lang niya ang towel pagkaligo. Muntik pa siyang mapasigaw sa gulat nang makitang nakaupo sa may kusina si Mang Roger.
" Nagulat ba kita, ineng?" nakangiting tanong nito na tiningnan pa ang kabuuan niya.
" Opo, Mang Roger. Akala ko kasi ay tulog na kayo." Naiilang siya dahil nakatapis lang siya ng tuwalya.
" Pasensiya na. Uminom lang ako ng tubig kasi nauhaw ako," sagot nito na hindi inaalis ang tingin sa kanya.
" Ay, sige po. Mauuna na ako sa inyo," magalang na sabi niya saka mabilis na umalis sa harap nito.
Parang nanindig ang mga balahibo niya dahil pakiramdam niya ay sinusundan siya nito ng tingin. Mabilis na isinara niya ang pinto ng kwarto at ikinandado iyon. Pinapagalitan niya naman ang sarili dahil parang nag-iisip siya ng masama sa matanda kahit na ambait naman ng mga ito sa kanya.
Inalis na niya sa isip ang pagkailang dito at nagbihis na agad. Pinatuyo niya muna ang basang buhok saka siya humiga sa kama para matulog na. Agad na nakatulog siya pagkapikit pa lang niya ng mga mata.
Tulungan mo ako...
Tulungan mo ako...
TULUNGAN MO AKO!!!
Bigla siyang napadilat at napabalikwas ng bangon nang parang may sumigaw malapit sa tenga niya. Pinagpapwisang inilibot niya ang tingin sa kwarto. Hindi niya napatay ang ilaw kaya't maliwanag na maliwanag ang kwarto. Mag-aalas tres pa lang ng umaga nang tingnan niya ang relo.
Bumangon siya at lumabas ng kwarto para uminom ng tubig. Hindi na niya ini-on ang ilaw sa kusina dahil kukuha lang naman siya ng tubig sa loob ng ref. Mabilis na ininom niya ang isang baso ng tubig at nang maisara niya ang ref ay dumilim na rin ang palibot. Napatitig siya sa isa sa upuan na malapit sa mesa. Para kasing may porma ng babae doon na nakaupo. Binuksan niya uli ang ref para magkailaw konti at hindi inaalis ang tingin sa upuan. Nakita niyang wala namang tao roon.
Hindi siya matatakutin na tao kaya't sa tuwing may makikita siyang parang kung ano ay sinisiguro niya muna baka kasi namamalik-mata lang siya. Agad na isinara na niya uli ang ref at kibit-balikat na umalis na ng kusina para bumalik ng kwarto. Hindi na niya tiningnan pa ang upuan sa may kusina.
Pinatay na rin niya ang ilaw sa kwarto at nahiga na uli para bumalik ng tulog. Alas otso kasi ang pasok niya kaya't kailangan niyang gumising bago pa mag-alas otso. Pagkatulog niyang iyon ay nananaginip na naman siya.
Nakita niya ang isang babaeng nakatalikod at nakasuot ng isang uniform. Mukha itong estudyante. Umiiyak ito. Dahan-dahan niyang nilapitan ang babae.
" Miss, okay ka lang?"
Wala siyang narinig na sagot dito. Patuloy pa rin ito sa pag-iyak. Nag-aatubiling hahawakan sana niya ang balikat nito pero bago pa man niya nahawakan iyon ay bigla itong humarap sa kanya.
" Umalis ka!" sigaw nito sa mukha niya.
Nanlaki ang mga mata niya hindi dahil sa sigaw nito kundi sa mukha nitong nakakapangilabot. Halos lumuwa na ang dalawang mata nito at ang ilong ay halos matanggal na. Parang pinagbagsakan ng kung ano'ng mabigat na bagay ang pagmumukha ng babae. Punong-puno rin ng dugo iyon pati na ang puting uniform nito.
Malalakas na katok sa pinto ang nagpagising sa kanya.
" Josie! Josie!" boses ni Aling Margie ang tumatawag sa kanya.
Malalakas ang mga katok pati ang boses ng babae nang tawagin siya. Wala sa loob na tumayo siya at pinagbuksan ito. Nakita niya ang nag-aalalang mukha ng mag-asawa.
" B-bakit ho?" nagtatakang tanong niya.
Nagkatinginan ang mga ito bago bumaling uli sa kanya.
" Sumigaw ka kasi kaya't akala namin ay may nangyari nang masama sa iyo," sagot ng babae.
Napakurap-kurap siya. Saka lang niya naalala ang napanaginipan.
" P-pasensiya na po. Binangungot yata ako," nahihiyang sabi niya sa mag-asawa. Naabala pa niya ang mga ito.
" Ano'ng napanaginipan mo?" tanong ni Mang Roger.
" Hindi ko na po matandaan, eh," pagsisinungaling niya dahil ayaw na niyang ikwento ang panaginip.
Matagal na tinititigan siya ng dalawa.
" Siguradong okay ka na?" tanong uli ni Aling Margie.
Kiming ngumiti siya at tumango.
" Pasensiya na po talaga at naabala pa kayo," sabi niya uli.
" Ay, okay lang iyon. Ang importante ay walang masamang nangyari sa iyo," sagot ni Mang Roger.
Umalis na ang mga ito sa harap niya at isinara niya na rin ang pinto ng kwarto. Tiningnan niya ang oras. Malapit nang mag-alas sais ng umaga. Hindi na siya bumalik pa ng tulog. Inayos na lang niya ang higaan at lumabas para maligo. Nagdala na siya ng malaking Tshirt para suotin pagkatapos maligo. Ayaw niyang lumabas uli ng banyo na naka-towel lang lalo't gising na ang mag-asawa.
Malapit na malapit lang ang pinagtatrabahuan niya sa nirerentahan kaya't sumasakay lang siya ng traysikel papunta roon. Kapag uwian naman ay naisipan niyang lakarin na lang iyon kesa mamasahe. Nakalimutan na niya ang tungkol sa panaginip lalo't naging busy na siya sa trabaho. Nang mag-uwian na ay nilakad nga lang niya iyon galing sa opisina. Madadaanan niya ang isang eskwelahan kapag pauwi na siya sa nirerentahan niya.
Sakto namang may mga estudyante na ring nagsiuwian nang mapadaan siya. Napatitig siya sa isang estudyanteng dumaan sa harap niya. Kaparehong uniform ang suot ng babae sa panaginip niya. Iyon pa lang ang unang beses na napadaan siya sa eskwelahang iyon kaya't hindi niya alam na ganu'n ang uniform doon.
Coincidence lang ba iyon? Hindi kasi common ang uniform ng eskwelahan na iyon.
Puti na long sleeves ang pang-itaas nu'n at iyong skirt naman ay kulay pink na may naka-print na logo ng school. Nakita rin niya ang kaparehong logo sa uniform ng babae sa panaginip niya. Bigla ay parang kinilabutan siya. Nagmamadaling naglakad na siya pauwi.
Nagtitinda si Aling Margie sa isang pwesto sa palengke sa pagkakaalam niya. Si Mang Roger naman daw ay namamasada ng traysikel kapag hindi ito tumutulong sa asawa sa palengke. Nang makapasok ng bahay ay naabutan niya si Mang Roger na nagkakape sa kusina. Ang kwarto niya kasi ay nasa may kusina mismo.
" Magmeryenda ka muna, Josie," alok ni Mang Roger.
Nakangiting pinaunlakan niya naman ang matanda dahil nakita niyang maraming tinapay ang nasa harap nito. May isang pitsel din ng juice na sa tingin niya ay inihanda nito para mainom niya.
" Salamat po," umupo na rin siya sa tabi nito at inilagay ang bag sa mesa.
" Kumusta naman ang trabaho mo?" tanong nito.
" Okay lang naman po," matipid na sagot niya. Isa kasi siyang clerk at tambak talaga siya sa paper works araw-araw.
" Mang Roger, diyan din po ba sa malapit na school nag-aral ang anak ninyo dati?" naisipan niyang itanong. Baka kasi anak ng mga ito ang napanginipan niya.
" Ano'ng school?" nakangiting tanong nito.
" Iyon pong pink ang skirt na may logo?" pagbibigay niya ng deskripsiyon dahil hindi niya alam ang pangalan ng eskwelahan.
Nakita niya nang mawala ang ngiti nito at biglang sumeryoso.
" Ba't mo naman naitanong?" parang biglang nakakatakot ang boses nito.
" Ahm, kasi nadaanan ko po so since malapit lang baka kako diyan din siya nag-aral," mahinang sagot niya.
Hindi yata nagustuhan ng matanda ang pagtatanong niya.
" Ah, ganun ba? Hindi. Dun kasi siya sa Manila nag-aral ng College," bumalik na uli ang ngiti nito.
Tumango na lang siya at hindi na nagsalita pa. Tahimik na kumain na lang din siya at mabilis na tinapos iyon para pumasok na ng kwarto.
Alas otso ng gabi ang hapunan doon kaya't lumabas na siya ng kwarto nang tawagin ni Aling Margie. Hindi kasi siya lumalabas ng kwarto at inuubos ang ang oras sa phone niya. Hindi naman siya mahilig manood ng TV kaya't hindi siya pumupunta sa sala.
Nakaupo na sa hapag-kainan ang mag-asawa nang lumabas siya.
" Bakit naman nagsusuot ka ng shorts sa loob ng bahay? Gusto mo ba talagang ipangalandakan ang katawan mo?" hindi nakangiting tanong ni Aling Margie na tiningnan nang masama ang suot niya.
" H-ho?" napatingin din siya sa suot niya.
Naka-shirt siya at naka-shorts na hanggang tuhod. At hindi iyon sexy shorts kaya't nagtataka siya sa ikinagalit ng babae.
" Ikaw naman. Hindi naman malaswa ang suot ng bata," pagtatanggol naman ni Mang Roger.
Hindi umimik ang babae. Nag-aalanganin tuloy siyang lumapit. Wala naman kasi siyang pajama or pants na pambahay. Puro shorts ang meron siya na hindi naman maiikli at hindi masagwang tingnan.
" Halikana, Josie, kumain ka na. Pagpasensiyahan mo na lang si Misis at baka may regla," pabirong sabi ni Mang Roger.
Lumapit na rin siya at umupo at tumingin pa kay Aling Margie pero hindi na siya tinatapunan ng tingin. Tahimik na kumain na sila ng hapunan.
Matagal siyang nakatulog nang gabing iyon dahil hindi maalis-alis sa isip niya ang ikinagalit ni Aling Margie. Sumpungin din pala ang babae. Inaalis na lang niya sa isip ang nangyari sa pamamagitan ng pagsi-cellphone. Nakapatay na ang ilaw sa kwarto niya at tanging ilaw sa phone na lang niya ang nagsisilbing liwanag niya. Tahimik na ang paligid.
Biglang napaangat ang katawan niya sa kama nang parang may tumulak sa kanya galing mismo sa ilalim ng kama. Kumabog bigla ang dibdib niya at mabilis na tinakbo ang switch ng ilaw. Tiningnan niya ang kama. Wala siyang nakitang kahit ano doon.
Sino'ng tumulak sa kanya pataas habang nakahiga siya? Nanatiling nakatayo lang siya sa may pinto habang titig na titig pa rin sa kama. Natatakot siyang lumapit uli doon. Maya-maya ay may bumakat sa kama. Gumalaw iyon pataas at pababa. Parang masisira na ang kama dahil parang gustong lumabas ng kung anumang nasa loob nu'n. Nanlalaki ang mga matang napatitig lang siya sa galaw nu'n. Hindi na siya halos humihinga sa takot. Parang naparalisa ang katawan niya at hindi makakilos. Gusto niyang sumigaw pero walang boses na lumalabas sa bibig niya.
Pabilis nang pabilis ang galaw nu'n nang biglang tumigil iyon. Sakto sa pagtigil nu'n ay namatay ang ilaw. Mas lalong dumadagundong ang tibok ng puso niya. Naiwan niya ang phone sa kama sa takot niya kanina. Himala ngang hindi iyon nahulog nang gumagalaw ang kung anuman sa ilalim ng kama. Hindi niya alam kung brown out o ang kwarto lang niya ang walang ilaw.
Hindi pa rin siya makakilos. Nang wala naman siyang naririnig na kaluskos ay dahan-dahan siyang lumapit sa kama para kunin ang phone. Nang biglang may kung ano'ng humarang sa kanya at hinawakan siya nang mahigpit sa kamay. Kahit madilim ay dama niyang may nakatayo sa harap niya lalo't mahigpit pa rin niitong hawak ang dalawang kamay niya. Hindi na niya namalayan kung ano ang sumunod na pangyayari.
Napabalikwas siya ng bangon nang tumunog ang alarm niya. Ambilis ng tibok ng puso niya.
Panaginip lang ba iyong kagabi?
Napangiwi siya nang makaramdam ng konting kirot sa mga kamay. Natigilan siya nang makitang may mga kalmot ang dalawang pulso niya. Doon siya hinawakan nang mahigpit kagabi. Alam niyang hindi siya ang may kagagawan nu'n dahil hindi naman mahaba ang mga kuko niya.
Mabilis na bumangon na siya para maghanda sa pagpasok kahit litong-lito ang utak.
Lutang ang isip na naglalakad na siya papunta sa mga paradahan ng mga traysikel sa lugar nila. Panay ang hagod at tingin niya sa mga kamay na may kalmot. Biglang may humarang sa kanyang isang lalaki na halos kaedad niya lang. Bente singko na siya.
" Miss," sabi nito.
Napaangat siya ng tingin sa lalaki at nagtatanong ang mga mata.
" Ikaw ba iyong bagong boarder diyan kina Mang Roger?" tanong nito.
" Oo, bakit?"
" Kilala mo ba iyong dating boarder nila diyan na si Joy?" tanong pa rin nito.
Napakunot-noo siya rito.
" Hindi ko alam na may nauna palang boarder sa akin. Ang sabi kasi, eh, sa anak nila iyong kwartong tinutuluyan ko."
Natahimik ang lalaki.
" Boarder din nila si Joy. Ako pa nga ang naghatid sa girlfriend ko riyan nu'ng lumipat siya. Dalawang buwan na kasi siyang nawawala. Ang sabi ng mag-asawa ay basta na lang daw umalis nang walang paalam. Hindi pa nga raw nagbayad ng tatlong buwang renta ang girlfriend ko. Alam ko naman na on time magbayad ang girlfriend ko kasi tinutulungan ko siya dahil nag-aaral pa lang siya," paliwanag ng lalaki.
Bigla siyang nagkainteres sa sinabi nito.
" May picture ka ba ng girlfriend mo?" bigla niyang tanong.
" Meron," maagap na sagot nito at agad na kinuha ang wallet sa bulsa.
Inilabas nito ang picture ng isang babae sa loob ng wallet nito. Ibinigay nito iyon sa kanya. Napasinghap siya nang makita ang picture. Nakasuot ng uniform na puting long sleeves ang babae at naka-pink na skirt na may logo ng paaralan. Nakangiti ito sa picture.
Kahit wasak ang mukha ng babaeng nakita niya sa panaginip ay alam niyang iyon ang babaeng nagpakita sa kanya na duguan ang mukha!
Nanginginig ang kamay na ibinigay niya uli sa lalaki ang picture.
" Nakita mo ba siya, Miss?" parang nagkapag-asang tanong nito.
Umiling-iling lang siya at nagmamadaling nang naglakad palayo rito. Nakita niya na parang hindi ito naniniwala sa kanya dahil nakita nito ang reaksiyon niya kanina.
" Miss, ito ang number ko. Kung may balita ka kay Joy, tawagan mo lang kaagad ako," sabi nito at inipit sa kamay niya ang isang papel bago pa siya makalayo nang tuluyan.
Inilagay niya lang sa loob ng bag ang ibinigay nito at hindi na ito nilingon pa.
Hindi siya mapakali pagkatapos niyang makausap ang lalaki. Hindi niya nasabi rito na nakita niya sa panaginip ang girlfriend nito. Hindi naman kasi kapani-paniwala. Napagpasyahan niyang kausapin ang mag-asawa mamaya.
Habang kumakain ay pasulyap-sulyap siya sa mag-asawa. Naghahanap siya ng bwelo para buksan ang topic tungkol kay Joy.
" M-may... b-boarder po pala kayo bago ako?" tanong niya na hinihintay ang reaksiyon ng dalawa.
Parehong natigil sa pagkain ang mag-asawa at nagkatinginan pa muna.
" Kinausap ka ba nu'ng makulit niyang boyfriend na si Mark?" parang galit na tanong ni Mang Roger.
Mark pala ang pangalan ng lalaki.
" O-opo," maikling sagot niya.
" Alam mo hindi lang kasi matanggap nu'n na sumama na sa iba ang haliparot niyang girlfriend!" inis ang mukha ni Aling Margie na pinagdiinan pa ang salitang "haliparot".
Hindi naman mukhang malandi ang babae sa picture na ipinakita sa kanya kanina ng boyfriend nito.
" Huwag mo na lang kausapin iyong lalaking iyon. Naipapulis na namin iyon dati kasi hina-harass na kami. Iyong girlfriend nga niya ang umalis na hindi man lang nagbayad ng renta sa amin. Ayun pinamigay na namin ang mga gamit nu'n at ang iba naman ay sinunog," sagot naman ni Mang Roger na ipinagpatuloy na ang pagkain.
Hindi na niya dinugtungan pa ang tanong dahil kitang-kita niya ang galit na mukha ng mag-asawa.
Natatakot man siyang matulog uli sa kwarto ay wala siyang choice. Naisip niyang maghanap na ng bagong malilipatan dahil hindi siya matatahimik doon.
Nasa harap siya ng kabinet nang biglang nahulog ang bag niyang nasa mesa at sumambulat ang mga gamit niya sa sahig. Nakita pa niyang gumulong sa ilalim ng kama ang lipstick niya. Nagtataka siya kung bakit nahulog ang bag niya, eh, nasa pinakagitna naman ng mesa niya iyon nilagay.
Mabilis na pinulot niya ang mga nahulog na laman at inilagay iyon uli sa loob. Kailangan pa niyang lumuhod para maabot ang lipstick na pumasok sa ilalim ng kama. Ipinasok niya ang isang kamay at kinapa iyon. Nang hindi pa rin maabot ang lipstick ay tiningnan niya uli kung nasaan iyon.
Napaatras siya at natumba nang biglang sumilip din sa kabilang side ng kama paharap sa kanya ang mukha ng babaeng nakita niya sa panaginip. Wakwak pa rin ang mukha nito at nakakatakot ang titig sa kanya. Natakpan niya ang bibig bago pa kumawala ang sigaw niya. Takot na takot na nakatingin lang siya rito lalo't nakita niyang gumagapang ito papasok ng kama at kumikilos palapit sa kanya.
Dilat na dilat ang mga mata niya dahil kitang-kita niya ang nakakatakot na mukha nito. Nang malapit na malapit na ito sa kanya ay bigla nitong itinaas ang kamay para abutin siya. Napapikit siya nang mariin at hinihintay na lang na madakma siya nito. Hindi pa rin niya inaalis ang kamay sa bibig. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakapikit lang habang pigil ang hininga pero nang wala namang nangyari sa kanya ay dahan-dahan nyang idinilat ang mga mata.
Aaaahhhhhhhhh!
Ang nakakapanindig balahibong mukha nito ang tumabad sa kanya na halos dumikit na sa mukha niya. Tumili ito nang pagkalakas-lakas habang nakadikit ang nakakatakot na mukha nito sa kanya.
Sinubukan niya ring tumili pero bumuka lang ang bibig niya at walang lumabas na boses. Sa sobrang takot niya siguro ay bigla siyang nawalan ng malay. Nararamdaman niyang may humahaplos sa mukha niya. Ibinuka niya ang mga mata. Ilang beses siyang kumurap para malinaw na makita ang taong humahawak sa mukha niya. Tuluyan na siyang napabangon sa sahig nang makita si Joy na hinahawakan pa rin ang mukha niya.