Genre Ranking
Get the APP HOT
Home > Romance > He Loves Me, He Loves Me Not
He Loves Me, He Loves Me Not

He Loves Me, He Loves Me Not

Author: : Jewiljen
Genre: Romance
Matagal nang may gusto si Zyline kay Nick. Anim silang magkakabarkada kasali si Nick. Alam na ng lahat ang pagtatangi niya sa kaibigan maliban na lang yata rito. Hindi niya alam kung manhid lang ito or talagang wala lang gusto sa kanya. Si Brent ang pinaka-bestfriend niya sa lahat ng mga kaibigan niya at kahit hindi niya sinasabi rito ang nararamdaman kay Nick dahil sa hiya ay may pakiramdam siyang alam din iyon ni Brent. Paano kung isang gabi ay hinalikan siya ni Brent at sinabing subukan nila? Hindi niya maikakaila ang kuryenteng naramdaman nang halikan siya ng kaibigan. Pinagbigyan niya ito sa gusto nitong mangyari. Susubukan nilang maging sila pero palihim. Ngayon ay litong-lito na siya. Sa pag-aakala ni Brent na si Nick pa rin ang gusto niya ay bigla itong umalis at hindi na nagpakita. Saka naman siya niligawan na nang tuluyan ni Nick. Pero bakit sa halip na maging masaya at sa wakas ay napansin na rin siya ni Nick bilang babae ay si Brent na ang hinahanap ng puso niya? Si Brent na hindi na nagparamdam sa kanya mula nung gabing muntik nang may mangyari sa kanila.

Chapter 1 FIRST HEARTBREAK

Nakangiting lumapit sa kanya sina Katrina at Eunice. Mukhang kinikilig pa nga ang mga ito para sa kanya.

"Parating na ang my loves mo," pabulong na sabi ni Eunice dahil nasa malapit lang si Brent na nagbabasa ng komiks.

Andu'n na silang apat sa ilalim ng malaking kahoy sa bakanteng lote. Doon sila nagkikita-kitang magkakabarkada. Anim silang magkababata at magkakalapit lang ng mga bahay. Hinihintay na lang nila ang dalawa pa na sina Nick at si Joe.

Tatlo silang mga babae at dalawang lalaki. Oo, dalawang lalaki lang dahil si Joe ay bakla at ang pinakamaingay sa kanila.

Mabilis na kinuha niya ang suklay at salamin at nagsuklay uli ng hindi naman nagulong buhok. Pare-pareho silang highschool students sa parehong school. Sila ni Brent ang magkaklase lang at iyong iba ay nasa ibang section din.

Ibinalik niya agad ang salamin at suklay sa maliit na shoulder bag at hinintay na dumating na sina Joe at Nick. Nakaupo silang mga babae sa natumbang malaking puno ng kahoy habang si Brent ay nasa itaas ng puno habang busy sa binabasa nitong komiks.

Nakita na nila ang dalawang kaibigan na papalapit sakay ang mga bisikleta ng mga ito. Nagkatinginan pa silang tatlong mga babae at nagngitian. Nawala ang ngiti sa mga labi niya nang malapit na ang dalawang bisikleta dahil nakita niyang may nakaangkas na babae sa bisikleta ni Nick.

Mabilis na lumapit sina Nick at Joe sa kanila at itinabi ang mga bisikleta. Inakbayan ni Nick ang babaeng kasama nito.

"Kanina pa ba kayo mga girlalu at isang unggoy?" malakas na tanong ni Joe na tiningala pa sa itaas ng puno si Brent.

Biglang tumalon galing sa puno si Brent para lumapit na rin. Walang umimik sa kanila at nakatingin lang sa babaeng inaakbayan ni Nick.

"Oh, si Fay pala, girlfriend ko," nakangiting pagpapakilala ni Nick sa babaeng kasama.

Biglang kumirot ang musmos niyang puso. Gusto niyang umiyak pero pinipigilan lang niya. Tinititigan niya ang ipinakilala nito. Maganda ang babae pero mukha pa lang alam na niyang maharot.

"Hi!" masiglang sabi ng babae.

"Hi, I'm Brent," paunang pakilala ni Brent nang walang sumagot sa mga babae.

Inabot ni Brent ang kamay sa girlfriend ni Nick. Mapupungay ang mga matang bumaling ang tingin nito sa lalaki. Hindi niya alam pero sa tingin niya ay may pagkamalandi ang pagkakangiti ng babae.

Actually, mas gwapo si Brent kesa kay Nick pero si Nick ang nagbibilang ng nobya. Siguro dahil mas magaling itong mambola. Si Brent kasi minsan ay may pagkasuplado at siya lang ang nakakaintindi ng topak nito dahil sila ang mas malapit sa isa't-isa.

Napakunot-noo pa siya nang tila nagpapa-cute ang babae kay Brent kahit katabi nito ng boyfriend nito. Nakita rin niya ang disgusto sa mukha ng dalawa pa nyang kaibigan na sina Katrina at Eunice.

"Ola! Ito naman ang mga magaganda naming besties. Si Katrina, si Eunice at siyempre ang pinakamaganda sa balat ng lupa si Zyline!" nagulat pa silang lahat sa malakas na boses ng bakla nilang kaibigan na si Joe.

Napilitang inabot na din nila ang kamay sa bagong girlfriend ni Nick. Ikalimang girlfriend na yata ito na naipakilala sa kanila ng kaibigan.

"Oh, girls, tulungan ninyo akong ilatag itong sapin du'n para may picnic feeling tayo. May dala na rin kaming pagkain," biglang sabi ni Joe na nagpauna nang pumunta sa tabi ng puno.

Sumunod naman agad sina Eunice at Katrina. Siya ay hindi pa rin kumikilos sa kinatatayuan. Magpapaalam na lang sana siya na uuwi at magdadahilang sumakit ang ulo lalo't nakita nyang sweet na sweet ang lalaking itinatangi niya at ang girlfriend nito. Pero bago pa siya makapagsalita ay naunahan na siya ni Brent.

"Joe, pahiram muna ng bike mo, ha? Magpapahangin lang kami ni Zy," paalam nito at hinawakan na siya sa kamay para puntahan ang bike ni Joe.

Hindi siya nakaimik na sumunod na rin sa paghakbang nito.

"Uy, kayo, ha? Baka kayo na at hindi niyo lang sinasabi," nanunuksong sabi ng bakla na tumigil pa muna sa ginagawa nito.

Napatingin sina Nick at ang girlfriend nito sa kanila.

"Oo nga. Sabihin niyo na kasi para happy-happy!" biglang sabat ni Nick.

Biglang napangiwi ang mukha niya sa mga narinig.

"Mga sira!" nakatawang sabi ni Brent saka pinasakay na siya sa bike.

Hindi umimik ang dalawang babaeng kaibigan nila dahil alam naman talaga ng mga ito kung sino talaga ang gusto nya.

Sumakay na rin siya sa harapan ni Brent. Hindi pa rin siya kumikibo. Sinimulan na nito ang pag-pedal ng bike. Hindi niya alam kung saan sila pupunta pero wala siyang pakialam. Kahit saan siya dalhin ni Brent ay sasama siya. Baka kasi bumunghalit na lang siya ng iyak kapag andu'n siya.

"Okay ka lang?" biglang tanong ni Brent.

"Yep," maikling sagot nya.

Ipinikit niya ang mga mata para damhin ang dampi ng hangin sa mukha habang iniikot nila ang buong subdivision.

Alam niya na kahit hindi niya sinasabi dito ang malaking pagkakagusto niya kay Nick ay alam na alam ito ng lalaki. Alam nyang sinadya nitong isama siya sa pagbibisikleta dahil nakita siguro nitong maiiyak na siya kanina.

Kahit wala pa siyang sinasabi sa kaibigan niya na ito ay alam nito ang lahat ng nararamdaman niya.

Tumingala siya sa mukha ng kaibigan na nakatuon ang pansin sa daan.

Bakit kasi hindi na lang siya dito nagkagusto? Ang gwapo naman talaga nito. Katunayan si Nick ay maputi lang pero hindi talaga kagwapuhan pero si Brent ay mestiso ang mukha dahil may lahing banyaga ang ama nitong naninirahan na sa ibang bansa kasama ang pamilya nito.

Hindi kasi kasal ang mga magulang ng lalaki hanggang sa naghiwalay. Kalaunan ay nakapag-asawa na ang ama ng binata habang ang ina nito ay nagtatrabaho abroad. Naiwan ito sa pangangalaga ng Tita nito na may sariling pamilya na rin.

"Tapos ka na ba?" maya-maya'y tanong nito na nasa kalsada pa rin nakatingin.

"Huh?" nagtatakang tanong niya na nananatiling nakatingala sa mukha nito.

"Tapos ka na bang kilatisin ang kagwapuhan ko?" saka ito yumuko sa kanya nang nanunukso ang mga mata.

Umirap lang siya sa lalaki.

"Kapal," mahinang sabi niya.

Tumawa lang ito at tumingin uli sa daan. Maya-maya'y narinig na lang niyang kumakanta ito nang mahina. Kinakanta nito ang kanta ni Bituin Escalante na Kung ako na lang sana ang iyong minahal.

Napangiti na siya at sumabay na rin sa pagkanta nito. Nasundan pa iyon ng iba pang kanta hanggang sa nagtatawanan na sila dahil pareho silang sintunado.

Nakangiti na siya nang bumalik sila ni Brent sa tambayan nilang magbabarkada. Magkahawak-kamay pa silang lumapit sa mga kaibigan na nakatingin sa kanila. Nakita nya ang pagtaas ng kilay ni Fay.

"Ay, iba! Talagang matagal na akong nagdududa sa dalawang ito, eh!" pumapalakpak pa na sabi ni Joe.

Nakita din niya na seryosong nakatingin si Nick sa kamay nila ni Brent na magkahawak. Nagkatinginan lang silang dalawa ni Brent saka sabay na nagtawanan. Umupo na rin silang dalawa sa tabi ng mga ito. Kumuha si Brent ng pagkain nila at pinagsaluhan nila iyon.

Nakatingin lang sa kanila ang lahat at para mas lalong asarin ang mga ito ay sinubuan pa siya ni Brent. Nakangiting ibinuka nya rin ang bibig para kainin ang isinusubo nito saka sila nagtatawanan na namang dalawa.

Chapter 2 STOLEN PICTURE

Hindi na sila nagkikita araw-araw nang magkolehiyo sila dahil nagkahiwa-hiwalay na sila ng school. Sinisiguro naman nilang nagba-bonding pa rin sila isang beses isang linggo kung hindi sila gaanong busy.

Sila ni Brent lang ang nagkikita pa rin araw-araw dahil isang bahay lang ang pagitan nila. Lagi nga itong tumatambay sa kanila kapag ginugulo ito ng mga pinsan nito sa bahay ng Tita nito.

Pabor sa kanya iyon dahil lagi namang wala ang Mama niya dahil negosyante ito at kung saan-saan napapadpad para magbenta. Ang ama niya ay matagal nang pumanaw. Isa lang din siyang anak kaya't wala talaga siyang nakakasama lagi sa bahay kapag umaalis ang ina. Buti na lang at andiyan lagi si Brent.

Nakilala din niya ang dalawang naging girlfriends ng binata dati. Hindi niya alam kung bakit nagkahiwalay ang mga ito pero parehong tumagal ang mga iyon ng dalawang taon.

Halos isang taon na rin mula nang nagbreak ito at ang pinakahuli nitong girlfriend.

Siya? As usual, umaasa pa rin na mapapansin ni Nick na kabi-kabila ang mga babae.

Nasa loob sila ng kwarto niya, sina Eunice, Katrina at Joe. Sinadya talaga nilang huwag isali si Brent dahil "it's a girl thing" kumbaga ang pagba-bonding nilang iyon.

Semestral break kasi kaya't may time na naman silang magtipon-tipon.

"Talaga lang, Zyline? Hindi ka nag-boyfriend dahil hinihintay mo pa ring ligawan ka ni Nick? My God, girl! Sa ganda mong iyan dapat nakailang palit ka na ngayon," exaggerated na sabi ni Joe.

Natatawa siya sa mukha ng kaibigan. Naka-silk na nighties kasi ito habang silang mga babae ay naka-pajama. Hindi pa naman gabi nu'n. In fact, tanghali pa lang at katatapos lang nilang kumain. Nasa kama niya sila habang kumakain na naman ng mga chichirya.

"Oo nga, mag-move on ka na kay Nick," sabi naman ni Eunice habang pumapapak ng Chippy.

"Girls, wala siyang girlfriend ngayon," nakangiting sabi niya.

Nagkatinginan pa ang tatlo.

"Pero bukas makalawa may bago na naman," sabi naman ni Katrina.

"Akala ko nga may something sa inyo ni Brent, eh," sabat naman ng bakla.

"Ngeee," napangiwing sabi nya.

"Hoy! Kung maka "ngee" ka akala mo ampangit ni Brent. Siya lang naman ang campus hottie ng school nila, hindi mo ba alam iyon? Kita mo iyong mga babaeng bumibili-bili kuno sa tindahan namin? Iyon pala ay magtatanong lang tungkol kay Brent. Naku! Inaamin ko din na minsan pinagpantasyahan ko na rin iyong kaibigan nating iyon," tumingin pa ito sa kisame habang napapakagat-lagi.

Nagkatawanan lang silang tatlo sa mukha nito.

"Hindi kami talo, noh! Anyways, balik tayo kay Nick. Di ba, magka-camping tayo bukas? Mag-truth and dare tayo tapos kunyari ay dare niyo akong matulog sa tent malayo sa tent ng iba tapos bubunot kayo ng name na makakasama ko sa tent tapos siyempre ang mabubunot niyo ay name ni Nick!" excited na suhestiyon niya.

"Nge, girl, parang pipikutin mo na niyan si Nick. Baka naman mabuntis ka nang wala sa oras niyan, lagot kami kay Tita," hindi sang-ayon na sabi ni Joe.

"Girls, hindi naman siguro kami mag-aano du'n, noh! Lalo't nasa malapit lang kayo. Naman!" pangungumbinsi niya sa mga ito.

Muli ay natahimik ang tatlo at patuloy lang sa pagkain saka nagkatinginan uli.

"Please.... Support me naman," pinagdikit pa niya ang mga palad na parang nagdarasal na tiningnan isa-isa ang mga ito.

Umirap si Joe saka kumuha ng maraming chips at nilagay sa bibig.

"Please?" ulit niya.

"Oo na! Hay naku, kung di ka lang namin friend..." parang napipilitang sang-ayon na rin ni Joe.

Lumuwang ang ngiti niya at niyakap ito.

"Eww, girl! Dumikit ang boobs mo sa akin. Kadiri!" maarteng sabi nito.

Nagkatawanan naman silang lahat sa kwarto. Maya-maya'y may kumatok sa pinto ng kwarto saka bumukas iyon.

"Zy, pumasok na ako at... Oops! Am I interrupting something?" si Brent ang nasa pinto at akmang isasara nito uli iyon nang pigilan ni Joe.

"Ay, pumasok ka na Brent. Nahiya ka pa. Hindi mo pala na-inform itong boyfriend mo, Zy, na today is For girls only?" baling ni Joe sa kanya.

Boyfriend niya ang laging tukoy ni Joe kay Brent dahil sanggang-dikit nga sila.

Tumawa lang siya bilang sagot. Binigyan niya din kasi ng susi ng bahay nila si Brent dahil labas-pasok na rin naman ito sa bahay nila.

Tuluyan na ngang pumasok ang binata at dumaklot din ng chips saka umupo na rin sa kama.

Tinititigan nito ang suot na sexy na damit ni Joe.

"Kailangan ko rin ba'ng magsuot ng ganyan para makasali?" tanong nito na ikinatawa nilang lahat.

"Yes! Kaya't mag-pretend kang babae para hindi ka namin palayasin," sabi ni Joe.

Tumayo ang bakla at naghalungkat ng damit sa loob ng bag nito. May nakita ito at ibinigay kay Brent.

Namilog ang mga mata ng binata nang makita ang isang pink na nighties na hanggang tuhod lang siguro nito na may kasama pang bra.

"If ayaw mo, pwede ka nang lumabas," pormal na sabi ni Joe.

Napapahagikgik na lang silang tatlong babae. Napakamot sa ulo si Brent pero tumayo na rin at pumasok sa loob ng banyo niya.

Sabay pa silang napasipol nang lumabas ito kahit natatawa. Umaawra pa ito sa dingding saka itinaas ang binti at hinampas ang puwet.

Para na silang mababaliw sa kakatawa nang tingnan ito. Kitang-kita ang bra na suot nito sa manipis na tela. Naka-shorts ito sa loob dahil sa sobrang nipis ng damit.

In fairness, ang mga muscles ng katawan nito ay hindi nito maitatago. Biglang hinagisan ito ni Joe ng wig na kulay violet at agad na isinuot nito iyon.

"Teka, may kulang. Lagyan kita ng make-up," sabi niya kahit maluha-luha na sa kakatawa.

Lumapit naman ito at umupo sa kama. Kinuha niya ang make-up kit at sumalampak na rin sa kama paharap dito. Tutulong sana ang dalawa pa niyang kaibigan pero pinigilan ni Joe.

"Hayaan niyo na si Zy sa pagmi-make up ng boyfriend niya," sabi pa ni Joe.

Napatawang tumingin siya uli sa bakla.

"Tigilan niyo na nga iyan. Kaya wala akong nabo-boyfriend, eh, dahil baka akala nila boyfriend ko talaga itong si Brent," saway niya sa mga kaibigan.

"Sino naman ang mag-aakalang boyfriend mo ako? Sa ganda kong twuuu?" sabat ni Brent na umawra uli.

Hinampas niya ito nang mahina sa braso.

"Umayos ka na at mimake-up an na kita," baling niya dito.

Hindi na nga ito kumikilos at tumingin na sa kanya. Bigla ay napalunok siya nang magtama ang mga mata nila. Agad na ipiniksi niya iyong kakaibang pakiramdam at sinimulan na ngang lagyan ng kolorete ang mukha nito.

Hindi niya alam pero parang naaasiwa siya dahil hindi nito inaalis ang tingin sa mukha niya habang busy siya sa ginagawa. Nang lalagyan na niya ito ng lipstick ay bigla nitong iniawang ang mga labi. Bigla siyang napalunok nang mapatingin sa mga labi nito. Sa tinagal-tagal na nilang naging magkaibigan ay hindi pa niya ito natitigan nang ganu'n sa lips.

Bakit parang nanghahalina ang mga labi nito?

Nagulat na lang siya nang biglang parang may kumidlat.

"Perfect!" nasisiyahang sabi ni Joe habang nakatitig sa phone nito.

Kinunan pala sila nito ng picture habang busy siya sa kakatitig sa lips ni Brent.

"Look, girls! Ang cute, di ba?" nakangiting sabi ni Joe.

"Patingin," agad na lumapit si Eunice kay Joe at nakitingin na rin sa pbone nito.

Bigla itong napasinghap at napatingin pa sa kanila ni Brent.

"Ako din patingin," lumapit na rin si Katrina at tiningnan ang picture.

Natahimik din ito at napatakip ng bibig at napatingin din sa kanila ni Brent. Nagtatakang nagkatinginan sila ni Brent.

"Ang OA niyo, ha?" sabi niya at akmang ipagpapatuloy na sana ang pagmi-make up sa kaibigan nang walang imik na inabot ni Joe ang cellphone nito sa kanya.

Naiintrigang kinuha niya ang phone nito at tiningnan ang picture nila ni Brent. Maging siya ay muntik nang mapasinghap nang makita iyon.

Pareho silang nakatitig sa mga labi ng isa't-isa na kung titingnang mabuti ay para silang magsiyotang nagtitigan muna bago maghalikan.

Biglang uminit ang mukha niya sa nakita.

"Let me see," kinuha ni Brent ang phone na hawak nya.

Bago pa niya makita ang reaksiyon ng binata ay niligpit na niya ang mga gamit saka bumaba ng kama.

"Punta muna ako ng kusina at magluluto," parang wala sa sariling sabi niya at palabas na ng pinto.

"Kakakain lang natin, ah," sabi ni Eunice.

Natigilan siya. Oo nga pla. Awtomatikong napatingin siya kay Brent at nakita niyang titig na titig ito sa picture nila. Nakita pa nga niya nang supilin nito ang ngiti.

Why is he smiling? Bigla ay nakita din nyang pumindot ito sa phone ni Joe at maya-maya ay tumunog ang sarili nitong phone.

Did he just send the picture to his phone?

Hindi makapaniwalang inalis na niya ang tingin sa lalaki saka itinuloy na ang paglabas ng kwarto.

Magluluto na siya ng memeryendahin nila, bahala na.

Chapter 3 TRUTH OR DARE

Excited na excited na siya sa araw na iyon. Pupunta silang magbabarkada sa isang resort. Hindi pwdeng dalhin ang mga jowa. Tanging silang anim lang talaga. Mga ilang linggo na rin kasi mula nang huli nyang nakita si Nick. Nalaman niyang kakahiwalay lang nito sa girlfriend nito through social media. Kinumusta niya ito sa chat at mula nu'n ay gabi-gabi na silang nag-uusap sa chat. Kaya't malakas ang loob niyang isakatuparan ang plano nila.

Kailangan na talaga niyang gumawa ng paraan para mapansin ng lalaki. Hindi naman kasi siya pangit kaya't alam nyang malaki ang pag-asa niya. Kailangan lang talagang siya ang gumawa ng paraan.

Gamit nila ang van na pag-aari ng pamilya ni Nick at ito ang nagmamaneho. Katabi niya si Brent na nakanganga pang natutulog habang nakasandal ang ulo nito sa balikat niya. Panay ang tingin niya sa salamin para lang makita ang mukha ni Nick. Minsan ay nahuli siya nitong nakatingin at hindi niya iniiwas ang mga mata at imbes ay ngumiti pa siya dito. Ngumiti din sa kanya ang lalaki.

Si Joe naman ay panay ang kanta habang nasa byahe, ang ingay nito. Kahit babae na itong manamit ay malaki pa rin ang boses nito. Sina Katrina at Eunice naman ay busy sa pakikipag-usap sa mga boyfriends nila sa phone.

Napatingin siya uli sa katabing si Brent at wala sa loob na napatingin uli sa mga labi nito. Inis na itinikom nya ang nakabuka nitong bibig. Bigla naman itong nagising sa ginawa niya.

"Are we there yet?" naaalimpungatang tanong nito.

"Mga isang oras na lang, bro," sagot ni Nick na tumingin pa sa rear view mirror para tingnan si Brent.

"Okay, bro. Do you want me to drive now?" tanong nito.

"It's okay. Malapit na rin naman tayo," nakangiting sagot ni Nick.

"Umayos ka nga ng upo. Ambigat-bigat mo kaya," reklamo niya rito.

Ngumiti lang ito saka umayos ng upo at inakbayan siya.

Nang makarating na sila sa resort ay agad na inayos nila ang mga dalang gamit. Mag-aalas kwatro na ng hapon nang dumating sila.

Pagkaayos ay kumain muna sila at nagpahinga. Nang mag-alas singko ay sabay-sabay silang naligo sa dagat. Sila lang ang mga tao doon dahil alanganing araw iyon ng linggo. Kaya't pwede silang mag-ingay nang todo nang walang magrireklamo. Nang mapagod ay umupo sila sa buhanginan. Malapit nang gumabi nu'n kaya't sinimulan na nilang gumawa ng bonfire.

Sinimulan na rin siyang kabahan dahil gagawin na nila ang plano. Nagkatinginan pa silang apat nang kumuha si Joe ng bote para sa truth or dare nila.

"Okay, guys, maglalaro tayo ng truth or dare. Alam niyo naman siguro ang rules nito so hindi na ako mag-eexplain," masiglang sabi ng kaibigan.

Umupo sila ng pabilog sa harap ng bonfire. Napapagitnaan siya nina Brent at Nick. Hindi siya mapakali lalo't nasa tabi lang niya si Nick.

"Okay, simulan na natin," agad na pinaikot ni Joe ang bote.

Tumigil ang dulo nu'n kay Katrina.

"Truth or dare?" tanong ni Joe.

"Truth!" nakangiting pili ni Katrina.

"Oh, sige. Ilang taon ka nu'ng first kiss mo?" tanong pa rin ni Joe.

"T-thirteen," namumulang amin ni Katrina.

Maingay na nagkantiyawan ang mga lalaki. Hindi makapaniwalang napatingin din siya sa kaibigan na nangingiti.

"Kanino?" tanong naman ni Eunice.

"Kay D-dennis," saka ito humalakhak.

"Really?!" sabay-sabay nilang tanong.

Si Dennis kasi ay ang pinaka-bully nilang kaklase sa elementary noon at ang paborito nitong i-bully ay si Katrina.

"Hindi naman iyon sinadya, guys. Iinisin niya naman kasi sana ako uli nu'n nang bigla akong napalingon, eh, anlapit pala ng mukha niya sa akin dahil lalagyan niya sana ng something ang buhok ko. Ayun! Paglingon ko nagdikit agad ang mga lips namin. Eww! Ayaw ko nang pag-usapan," nakatawa pa ring sabi nito na parang tuwang-tuwa naman imbes na diring-diri.

"Kaya pala hindi ka na binu-bully nu'n," biglang sabi ni Nick.

Tumawa lang lalo si Katrina.

"Actually, naging kami for one month tapos nabisto ni Mama kaya't piningot niya ang tenga ni Dennis at hindi na talaga lumapit sa akin ang loko. Umiyak ako nu'n ng ilang araw," tatawa-tawa pa ring amin nito.

Nagkatawanan na rin silang lahat dahil alam nila kung gaano ka-terror ang Mama ni Katrina.

"Okay, next," sabi uli ni Joe nang humupa na ang tawanan.

Umikot uli ang bote at tumigil naman kay Eunice.

"Truth or dare?" tanong ni Joe.

"Dare!" nakangiting sabi ni Eunice.

" Okay, hmmm..." nag-iisip na sabi ni Joe.

"Halikan mo si Joe sa lips!" biglang sabi ni Nick at tumawa.

Anlakas ng tawa ng lahat. Nag-apir pa ito at si Brent.

"Hoy! Parang andaya. Dare ni Eunice yan, ba't ako nasali?" reklamo ni Joe.

Ansakit na ng tiyan niya sa kakatawa.

"Tahimik! Hahalikan ko na si Joe!" sigaw ni Eunice.

Biglang tinakpan ni Joe ang bibig niya.

"Noohhh!" sigaw nito na parang diring-diri talaga.

Lalo silang nagtawanan sa reaksiyon ng baklang kaibigan. Nakatawang lumapit si Eunice dito at pilit na inalis ang dalawang kamay ni Joe sa bibig.

"Huwag po. Huwag po!" ang OA ng sigaw nito na parang gagahasain.

"Sige na. Mabilis lang 'to. Huwag ka nang pumalag," pinalaki pa ni Eunice ang boses nito na parang sa lalaki na mang-aabuso ng babae.

Tumahimik silang lahat nang matanggal na ni Eunice ang kamay sa bibig ni Joe. Nakita pa nila nang nanlaki ang mga mata ni Joe. Agad na hinalikan ito ni Eunice sa labi nang mabilis.

Nang matapos ay tumili si Joe at agad kumuha ng isang bote ng alak at tinungga iyon.

Tawanan na naman silang lahat. Ang sumunod ay si Nick at ang pinili nito ay Truth. Hindi niya inaalis ang tingin sa binata.

"May nagustuhan o nagugustuhan ka ba sa ating magbabarkada?" tanong ni Joe.

Tumahip ang dibdib nya sa tanong lalo pa't matagal bago nakasagot si Nick. Tumawa pa ito na parang kinakabahan.

"M-meron," maya-maya'y sagot nito.

Nagkatinginan ang mga kaibigan niyang nakakaalam ng sikreto nya.

"Sino?" boses ni Brent.

Biglang tumahimik ang lahat dahil napakaseryoso ng boses ni Brent. Nakita pa nila nang magtitigan ang dalawa. Parang nagkaroon ng tensiyon na tanging ang dalawa lang ang nakakaalam.

Pigil ang hininga nilang hinihintay ang sagot ni Nick. Ang lakas-lakas ng tibok ng puso niya.

Sumeryoso din ang mukha ni Nick bago sumagot. Nang sa wakas ay sumagot na ito ay pinakatitigan pa muna nito si Brent.

"Ikaw," hindi ngumingiting sagot nito na nakatingin pa rin kay Brent.

Maya-maya ay tumawa ito.

"Bwisit ka, Nick! " natatawang sigaw ni Joe saka nito sinabuyan ng alak ang lalaki.

Tumawa na rin ang lahat maliban kay Brent at sa kanya. Akala pa naman niya ay sasabihin nito ang pangalan niya.

Ewan niya pero umasa talaga siya nang malaki. Ngumiti na lang din siya nang matipid. Nakita rin niya nang kumuha ng isang bote ng alak si Brent at tinungga iyon.

Ang sumunod na ikot ng bote ay napunta na kay Brent. Kapag nauulit kasi ang turo ng bote sa taong tapos na ay iniikot nila uli ito hanggang dumako sa taong hindi pa nakakalaro.

Parang handang-handa naman si Brent sa turn niya.

"Truth!" agad na sagot nito kahit hindi pa man tinatanong.

"Uy, excited!" sabi pa ni Joe.

"Okay, sige... Hmmm?" nag-iisip uli ng itatanong si Joe.

"Kung may nagustuhan din ba ako na isa sa barkada natin?" si Brent uli ang nagboluntaryo ng tanong.

"Ay, hindi. Bawal ang inuulit-ulit," sagot ni Eunice.

"Bakit bawal?" reklamo ni Brent.

"Naku, Brent, hindi na kailangang tanungin, alam na namin," biglang sumabat si Joe.

Nakita niya nang mahinang tumawa si Nick at tumingin sa kanya at kumuha na rin ng alak at tinungga iyon.

Napatitig na lang siya sa bonfire dahil dismayado pa rin siya sa sagot ni Nick kanina.

"Okay, ito na lang... Kailan mo liligawan iyong taong gusto mo?" tanong ni Joe kay Brent.

Napatingin siya sa kaibigan. Diyata't sila ang malapit pero siya ang pinakahuli sa balita.

"Mamaya," sagot ni Brent at agad na tinungga ang natitirang laman ng bote.

"Ayiiiieee," kinikilig naman na sigaw ng baklang kaibigan.

Paano namang maging mamaya, eh, bukas pa ang uwi nila? Du'n sila magpapalipas ng gabi.

Agad na nawala sa isip niya ang tanong dahil alam niyang siya na ang susunod at mangyayari na ang pinaplano nila. Makahulugang nagkatinginan pa silang apat na nakakaalam ng plano nila.

Hindi na sila nag-ikot pa ng bote dahil siya na rin naman ang hindi pa nakakalaro. Considered tapos na kasi si Joe dahil sa dare kanina ni Eunice na kasali ito.

"So, Zy, truth or dare?" tanong ni Joe.

"Dare," mahinang sagot niya dahil kinakabahan siya.

Palihim na nagngingitian pa sina Eunice at Katrina.

"Okay, Zyline, nakikita mo iyong malaking punong iyon sa di kalayuan?" itinuro pa ni Joe ang puno na nakatayong mag-isa.

Tumingin din du'n ang lahat. Madilim na rin kasi at ang ilaw lang sa bonfire ang nagsisilbing liwanag nila kaya't hindi rin masyadong naaaninag ang puno doon.

"Yah," sagot niya.

"Du'n ka magsi-set up ng tent at matutulog pero... huwag mag-alala dahil bubunot tayo ng taong makakasama mo doon," sabi pa ni Joe.

Siyempre, kailangan niyang umakto na parang nagulat kahit alam na niya ang dare nito dahil siya naman ang nag-isip nu'n.

"What? Paano?" hindi niya alam kung overacting ang pagkakatanong niya.

"May ni-ready na akong names natin. Ito, oh! " ipinakita pa nito isa-isa ang mga pangalan na nakasulat sa papel.

"Okay, game!" sagot niya.

Sure na sure siya na pangalan ni Nick ang mabubunot dahil may ibang naka-ready na papel si Joe na nakalagay ang pangalan ni Nick na kunyari ay nabunot nito.

"Alright!" masayang sabi ni Joe.

Hinalo-halo pa nito ang pangalan. Nakita niya nang ipasok ni Joe ang kamay sa bulsa nito bago bumunot. Nakita niya nang parang nagtagal ang kamay nito sa loob. Tumingin ito sa kanya na parang worried. Nag-uusap ang mga mata nila. Umiling-iling ito. Nagkatinginan na rin sina Eunice at Katrina na may alam din sa plano nila.

Parang sinasabi ng mga tingin ni Joe na nawawala ang nakareserbang papel nito na may pangalan ni Nick.

"Ano ba iyan? Ang tagal, excited na kami," nakatawang sabi ni Nick.

Walang imik naman si Brent na panay lang ang tungga sa ikalawang bote ng alak nito.

Nakita niya na walang laman ang kamay ni Joe nang ilabas nito sa bulsa nito.

Parang humihingi ng paumanhin ang mga tingin nito sa kanya nang bumunot na ito sa bowl na may laman ng mga pangalan nila.

Napalunok siya. Mapupurnada pa yata ang plano nila.

Please, Lord, sana pangalan ni Nick ang mabunot, piping panalangin niya.

Parang pa-suspense pa talaga ang pagbukas ng papel ng baklang kaibigan. Lahat sila ay nakatutok dito maliban kay Brent na panay lang ang tungga ng beer.

Nakita niya nang basahin ni Joe ang pangalan sa papel ng mga mata nito. Ngumiti ito nang pagkatamis-tamis at tumingin sa kanya. Napangiti na rin siya sa reaksiyon ng kaibigan.

Yes! Thank you, Lord! Kulang na lang ay tumingala siya sa langit.

"Ang makakasama mo sa tent ay walang iba kundi si..." pambibitin pa ni Joe.

Muli ay pinigilan niya ang paghinga habang nakatitig sa baklang kaibigan.

"Si Brent!" malakas na sigaw nito at itinuro pa ng nakabukas na palad ang kaibigang kasalukuyang tumutungga ng beer.

Napatingin si Brent sa kanya habang tumutungga pa rin. Muntik nang mapalis ang ngiti sa mukha niya sa pagkakadismaya sa ikalawang pagkakataon. Pero pinapanatili niya ang ngiti lalo na't nakatingin sa kanya ang lalaki.

"Y-yey!" itinaas pa niya ang isang kamay na kunyari ay masayang-masaya.

Hindi niya alam baka mas nagmumukha lang siyang engot. Wala siyang nakitang ngiti sa mukha ni Brent.

"Hoy! Bakit parang hindi ka masaya, ha?" kunyari ay nanunumbat niyang tanong sa kaibigan.

Ibinaba nito ang boteng hawak at saka tumayo at lumapit sa kanya. Nabigla pa siya nang patayuin siya nito at biglang niyakap nang pakarga at iniikot sa ere.

"Yey! Ang saya-saya ko at makakatabi kong matulog ang pinakamalikot sa kama!" sigaw nito habang umikot-ikot sila.

"Ibaba mo nga ako, Brent! Nahihilo na ako. Sira! " hinampas pa niya ang braso nito.

Tawang-tawa naman ang iba pa nilang kaibigan habang nakatingin sa kanila. Nang ibaba siya nito ay sinuntok niya ito nang mahina sa dibdib.

"Sira ka talaga!" inis na sabi niya.

Tumawa lang ito.

"Okay, kumain muna tayo du'n sa cottage, guys. Kanina pa nag-aalburoto ang mga alaga ko sa tiyan," sabi ni Joe.

Agad na pumunta sila sa cottage. Inakbayan na siya ni Brent at sabay na silang pumunta doon. Nakita niyang nagpahuli ng lakad si Nick habang umiinom pa rin ng beer.

Wala na. Napurnada ngang talaga ang plano nila.

Better luck next time, Zyline!

Download Book

COPYRIGHT(©) 2022